October 30, 2001
DAR OPINION NO. 22-01
MR. WOODROW H. LAURELES
Barangay Polo
Mauban, Quezon
G. Laureles:
Ito po ay may kinalaman sa inyong liham na may petsang 26 Pebrero 2001, na inindorso sa Kagawaran ng Reporrmang Pansakahan ni Senador Renato L. Cayetano noong ika-22 ng Marso taong 2001, na humihingi ng payo sa mga sumusunod:
1. Na kayo po ba ay may karapatan bilang tenant na bumili ng lupang inyong sinasaka?
2. Kung pwedeng hindi na kayo magbigay ng "share" ng produkto sa kadahilanang kayo ay hindi binayaran ng nakabili dito.
Ayon sa inyo, may isang lote ang inyong tiyo ang ipinakaingin o pinataniman sa inyo ng niyog noong siya ay nabubuhay pa; na kayo ang naglinis nito at pagkalipas ng maraming taon ay nagbunga na ang mga niyog at ang nasabing lote ay ipinagbili ngunit hindi ipinaalam sa inyo.
Kaugnay po sa inyong unang katanungan, isinasaad sa Seksyon 11 ng B.R. Blg. 3844 (na sinusugan ng Seksyon 2 ng B.R. Blg. 6389) at Seksyon 12 ng B.R. Blg. 3844 (na sinusugan ng Seksyon 2 ng B.R. Blg. 6389) ang ganito:
"Seksyon 11. Karapatan ng Namumuwisan na Unang Pagbigyan sa Pagbili. — Sakaling ipasiya ng nagpapabuwis sa pagsasaka na ipagbili ang hinahawakang lupa, ang namumuwisan sa pagsasaka ay magkakaroon ng karapatang unang pagbigyan sa pagbili ng naturan sa ilalim ng mga makatwirang katakdaan at kondisyon . . . .
Seksyon 12. Karapatan ng Namumuwisan sa Pagtubos. — Sakaling ang lupa ay ipagbili sa ibang tao nang hindi alam ng namumuwisan sa pagsasaka, magkakaroon ng karapatan itong huli na tubusin ang naturan sa katamtamang halaga at kabayanan . . . ."
Kaugnay po sa inyong ikalawang katanungan, isinasaad po sa Seksyon 10 ng Kodigo ng Repormang Pansakahan (Republic Act No. 3844, na sinusugan ng Republic Act No. 6389) ang sumusunod:
"Seksyon 10. Ang Pagsasakang Buwisan sa Pagsasaka ay Di Nagwawakas sa Pagkatapos ng Takdang Panahon, atb. — Ang pagsasamahang buwisan sa pagsasaka sa ilalim ng Kodigong ito ay di magwawakas dahil lamang sa pagkatapos ng taning o takdang panahong nasa kasunduan sa pamumuwisan ni sa pagbibili, pag-aalis o paglilipat ng pag-okupang legal sa hinahawakang lupa. Sakaling ipagbili, ialis o ilipat ng nagpapabuwis sa pagsasaka ang pag-okupang legal sa hinahawakang lupa, ang nakabili o pinaglipatan niyon ay malalagay sa mga karapatan at mahahalili sa mga pananagutan ng nagpapabuwis sa pagsasaka."
Ang Seksyon bilang 7 ng B.R. Blg. 3844 ay nagsasaad din po ng ganito:
"Sek 7. Taning ng Pagsasamahang Buwisan sa Pagsasaka. — Ang pagsasamahang buwisan sa pagsasaka minsang maitatag ay maggagawad sa namumuwisan sa pagsasaka ng karapatang magpatuloy sa paggawa sa hinahawakang lupa hanggang sa magwakas ang gayong papasamahang buwisan. Magkakaroon ng katatagan sa kanyang hinahawakang lupa ang namumuwisan sa pagsasaka at hindi siya maaaring mapaalis doon matangi kung ipinahihintulot ng Hukuman sa mga kadahilanang dito'y itinatadhana."
Isinasaad sa mga nasabing probisyon ng batas na kung sakali man na ipagbili o magkaroon ng paglilipat sa pagmamay-ari ng lupang sinasaka, magpapatuloy ang ugnayan ng magsasaka at ng bagong may-ari ng lupa. Yamang magpapatuloy ang samahang buwisan sa pagsasaka, nararapat lamang na kayo po ay magbigay pa rin ng buwis sa bagong may-ari ng lupang sinasaka.
Ang pagbibigay po ng opinyon na ito ay batay sa mga salaysay na inyong ibinigay at sa inyong nasabing kayo ang nagsasaka ng lupa. Gayunman, kung lalabas na ang mga salaysay ninyo ay hindi makatotohanan, ang opinyon pong ito ay ituturing na walang bisa.
Lubos na gumagalang,
(SGD.)VIRGILIO R. DE LOS REYES
Undersecretary for Policy, Planning, and Legal Affairs
Copy furnished:
Senator Renato L. Cayetano
c/o Judge Emilio C. Bernabe, Jr.
Consultant
Rm. 601, 6/F, GSIS Bldg.,
Roxas Blvd., Pasay City