Dar-logo Ice-logo

Agosto 8, 1963

 

BATAS REPUBLIKA BLG. 3844

 

ISANG BATAS NG NAGLALAGDA NG KODIGO NG REPORMANG PANSAKAHAN AT PAGPASOK NG MGA REPORMA SA LUPA SA PILIPINAS, KABILANG ANG PAGAALIS NG PAKIKISAMA AT PAGLALAGAY NG PUHUNAN SA INDUSTRIYA, NAGTATAKDA NG MGA KAILANGANG TANGGAPANG NAGPAPATUPAD, NAGLALAAN NG MGA PONDO UKOL DOON AT PARA SA IBA PANG MGA LAYUNIN.

Pagtibayin ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas sa pagpupulong sa Kongreso;   cHSIAC

Panimulang Kabanata. — PAMAGAT, PAGPAPAHAYAG NG PATAKARAN NG KODIGO.

SEKSIYON 1.        Pamagat. — Ang Batas na ito ay kikilalaning ang Kodigo ng Repormang Pansakahan.

SEKSIYON 2.        Pagpapahayag at Patakaran. — Patakaran ng Pamahalaan na;

(1)       Nagtatag ng pagmamay-aring malilinang at ng bukid na may sukat na sapat ikabuhay ng mag-anak bilang batayan ng pagsasaka sa Pilipinas, at bunga nito, ay mailipat ang puhunan sa pagsasaka ng may-lupa sa pagpapaunlad ng industriya;

(2)       Nakapagtamo ng isang marangal na pamumuhay para sa maliliit ng magbubukid na ligtas sa mapaminsalang mga paghihigpit at palakad na pinagkaugalian;

(3)       Lumikha ng isang tunay na mabubuhay na balangkas sa panlipunan at pangkabuhay sa pagsasaka na makapagpapasigla sa lalong malaking produksiyon at higit na mataas na kita sa pagbubukid;

(4)       Ipatupad ang lahat ng batas sa paggawa nang pantay-pantay at walang kinikilingan kapwa sa mga kumikita sa industriya at sa pagsasaka;

(5)       Magkaloob ng lalong masigla at mapamaraang palatuntunan sa muling pagpapatao sa lupa at pamamalagi ng lupaing bayan; at

(6)       Gawin na ang mga magsasaka'y maging mga mamamayang higit na malaya, mapagtiwala sa sarili at may pananagutan, at mapagmumulan ng tunay na lakas sa ating lipunang demokratiko.

SEKSIYON 3.        Pagkakabuo ng Kodigo. — Pag-alinsunod sa patakarang inilahad sa Seksiyong ikalawa, itinatatag ang mga sumusunod sa ilalim ng Kodigong ito:

(1)       Isang kaparaanang buwisan sa pagsasaka na ipapalit sa lahat ng umiiral na kaparaanang pakikisamang partihan sa pagsasaka;

(2)       Isang pagpapahayag ng mga karapatan ukol sa mga manggagawa sa pagsasaka;

(3)       Isang pangasiwaan sa pagkuha at makatarungang pamamahagi ng lupang sakahan;

(4)       Isang institusyong mamumuhunan sa pagkuha at pamamahagi ng lupang sakahan;

(5)       Isang tanggapang magpapaabot ng pautang at kauring tulong sa pagsasaka;

(6)       Isang tanggapang magkakaloob ng pagsasapamilihan, pangangasiwa, at iba pang paglilingkod na tekniko sa pagsasaka;

(7)       Isang pinag-isang pangasiwaan para sa pagpapanukala at pagsasagawa ng mga proyekto sa repormang pansakahan;

(8)       Isang pinalawak ng palatuntunan ng pagsukat sa kabagayan ng lupa, pag-uuri, at pagpapatala; at

(9)       Isang kaparaanang panghukuman upang magpasiya sa mga suliraning mangyayari sa ilalim ng Kodigong ito sa iba pang nauugnay na mga batas at kautusan.

KABANATA I

Kaparaanan Sa Buwisang Pagsasaka

SEKSIYON 4.        Pag-aalis ng Pakikisamang Partihan sa Pagsasaka. — Ang pakikisamang partihan sa pagsasaka, gaya ng ipinapakahulugan dito, ay ipapahayag sa pamamagitan nito na nasasalungat sa patakarang bayan at aalisin:

Sa pasubali, Na ang umiiral na mga kasunduan sa pakikisama partihan ay makapagpapatuloy na may bisa sa alin mang purok o pook na pansamantalang masasaklaw ng mga kaukulang tadhana ng Batas ng Republika Bilang Labingisang daan at siyamnapu't siyam, na sinusugan, hanggang sa matapos ang taong sakahan na ipahahayag ng Pambansang Sanggunian sa Repormang Pansakahan na ang lahat ng mga tanggapan at sangay ng pamahalaan sa purok o pook na iyon na may kinalaman sa pamumuwisan na nilalayon sa Kodigong ito ay umiiral, matangi kung nagtatakda ang gayong mga kasunduan ng may kaikling panahon o gagamitin agad ng kasama ang kanyang karapatang piliin ang kaparaanang buwisan: Sa pasubali pa, Na upang hindi masapanganib ang mga kapangakuang pandaigdig, ang mga iniuukol sa mga pananim na napapaloob sa mga pag-uukol sa pamilihan ay magiging paksa ng isang hiwalay na pahayag na nakagawa na ng mga karampatang paghahanda, gaya ng pagtatatag ng mga kooperatiba, kasunduan sa pagbibili, o iba pang kauring mga pakikipag-ayos na maisasagawa, upang matiyak ang mahusay na pangangasiwa sa lahat ng mga bagay na nangangailangan ng pagkakatugunan ng mga gawain sa pagsasaka at pagsasapabrika ng gayong mga pananim. Sa pasubali pa rin, Na doon sa ang kasunduan sa pakikisamang partihan sa pagsasaka ay di na umiiral sa bisa ng Kodigong ito, o doon sa gumawa ng gayong kasunduan sa pakikisama nang labag sa mga tadhana ng Kodigong ito at, samakatwid, ay walang bisa, at nagpapatuloy ang kasama sa pag-okupa sa nasabing lupa upang sakahin, ipalalagay na may umiiral na kasunduan sa pagsasamahang buwisan sa ilalim ng mga tadhana ng Kodigong ito, na hindi makapipinsala sa karapatan ng maylupa at ang dating kasama na pumasok sa ano mang ibang kasunduang legal hinggil sa lupang dating nasa ilalim ng kasunduan sa pakikisama, kailan ma't sa nakapagitang panahon ay hindi napipinsala ang karapatan ng dating kasama sa ilalim ng Batas ng Republika Bilang Labing-isang daan at siyamnapu't siyam: Sa pasubali, sa wakas, Na kung ginawa ang isang legal na kasunduan sa buwisang pakikisama bago ang pagkakabisa ng Kodigong ito, magpapatuloy na iiral ang mga karapatan at sagutin dito hanggang sa baguhin ng mga panig alinsunod sa mga tadhana ng Kodigong ito.   cDEICH

SEKSIYON 5.        Pagtatatag ng Pagsasamahang Buwisan sa Pagsasaka. — Ang pagsasamahang buwisan sa pagsasaka ay itatatag sa bisa ng batas alinsunod sa Seksiyong ikaapat ng Kodigong ito at, sa ibang mga pangyayari, maging sa pagsalita o nakasulat, hayagan o sa pahiwatig.

SEKSIYON 6.        Mga panig sa Pagsasamahang Buwisan sa Pagsasaka. — Ang pagsasamahang buwisan sa pagsasaka ay matatakdaan sa taong nagkakaloob ng lupa, maging bilang may-ari, arendador sa ilalim ng batas sibil, usupruktuwaryo, o naghahawak ayon sa batas, at sa taong siya ring naglilinang noon.

SEKSIYON 7.        Taning ng Pagsasamahang Buwisan sa Pagsasaka. — Ang pagsasamahang buwisan sa pagsasaka minsang maitatag ay maggagawad sa namumuwisan sa pagsasaka ng karapatang magpatuloy sa paggawa sa hinahawakang lupa hanggang sa magwakas ang gayong pagsasamahang buwisan. Magkakaroon ng katatagan sa kanyang hinahawakang lupa ang namumuwisan sa pagsasaka at hindi siya maaaring mapaalis doon matangi kung ipahintulot ng Hukuman sa mga kadahilanang dito'y itinatadhana.

SEKSIYON 8.        Pagwawakas ng Pagsasamang Buwisan sa Pagsasaka. — Magwawakas ang pagsasamahang buwisan sa pagsasaka na itinatag sa ilalim ng Kodigong ito sa pamamagitan ng:

(1)       Pag-iwan sa hinahawakang lupa nang hindi alam ng nagpapabuwis sa pagsasaka;

(2)       Kusang pagsasauli sa hinahawakang lupa ng namumuwisan sa pagsasaka na ang nakasulat na patalastas ay ibibigay tatlong buwan ang kaunahan; o

(3)       Kung wala ang mga taong sa ilalim ng Seksiyong ikasiyam ay hahalili sa namumuwisan, sakaling mamatay o palagiang mabalda ang namumuwisan.

SEKSIYON 9.        Ang Pagsasamahang buwisan sa Pagsasaka ay Di Nagwawakas sa Pagkamatay o Pagkabalda ng Magkabilang Panig. — Sakaling mamatay or palagiang mabalda ang namumuwisan sa pagsasaka upang magawa ang kanyang hinahawakang lupa, magpapatuloy ang pamumuwisan ng nagpapabuwis sa pagsasaka at ng taong naglilinang ng hinahawakang lupa, na pipiliin ng magpapabuwis sa pagsasaka sa loob ng isang buwan mula sa nasabing pagkamatay o palagiang pagkakabalda, mula sa mga sumusunod: (a) ang asawang naulila; (b) ang pinakamatandang tuwirang inanak o inapo (k) at susunod sa pinakamatandang inanak o mga inanak ayon sa kanilang gulang: Sa pasubali, Na kung mangyari ang pagkamatay o palagiang pagkabalda ng namumuwisan sa pagsasaka sa panahon ng taong sakahan, isasagawa ang gayong pagpili sa katapusan ng taong sakahang iyon. Sa pasubali pa, Na sa pangyayaring hindi maisagawa ng nagpapabuwis sa pagsasaka ang kanyang pagpili sa loob ng mga panahong itinatakda rito, ang pagkakauna-una ay maalinsunod sa pagkakasunud-sunod ng itinatakda rito.

Sakaling mamatay o palagiang mabalda ang nagpapabuwis sa pagsasaka, ang kanyang mga tagapagmanang legal ay matatalian ng pamumuwisan.

SEKSIYON 10.      Ang Pagsasakang Buwisan sa Pagsasaka ay Di Nagwawakas sa Pagkatapos ng Takdang Panahon, atb. — Ang pagsasamahang buwisan sa pagsasaka sa ilalim ng Kodigong ito ay di magwawakas dahil lamang sa pagkatapos ng taning o takdang panahong nasa kasunduan sa pamumuwisan ni sa pagbibili, pag-aalis o paglilipat ng pag-okupang legal sa hinahawakang lupa. Sakaling ipagbili, ialis o ilipat ng nagpapabuwis sa pagsasaka ang pag-okupang legal sa hinahawakang lupa, ang nakabili o pinaglipatan niyon ay malalagay sa mga karapatan at mahahalili sa mga pananagutan ng nagpapabuwis sa pagsasaka.

SEKSIYON 11.      Karapatan ng Namumuwisan na Unang Pagbigyan sa Pagbili. — Sakaling ipasiya ng nagpapabuwis sa pagsasaka na ipagbili ang hinahawakang lupa, ang namumuwisan sa pagsasaka ay magkakaroon ng karapatang unang pagbigyan sa pagbili ng naturan sa ilalim ng mga makatwirang katakdaan at kondisyon: Sa pasubali, Na ang buong hinahawakang lupang ipinagbibili ay dapat na ang Pangasiwaan sa Lupa, ang unang pagbigyan sa pagbili kung nanaisin ng maylupa, matangi kung tumututol ang nakararami sa mga namumuwisan sa gayong pagkuha: Sa pasubali pa, Na doon sa may dalawa o higit pang namumuwisan sa pagsasaka, ang bawat isa'y may karapatang unang pagbigyan doon lamang sa lawak ng sukat na talaga niyang nililinang. Ang karapatang unang pagbigyan sa pagbili sa ilalim ng seksiyong it ay magagamit sa loob ng siyamnapung araw mula sa nakasulat na patalastas, na ibibigay ng may-ari sa lahat ng mga kinauukulang namumuwisan.

SEKSIYON 12.      Karapatan ng Namumuwisan sa Pagtubos. — Sakaling ang lupa ay ipagbili sa ibang tao nang hindi alam ng namumuwisan sa pagsasaka, magkakaroon ng karapatan itong huli na tubusin ang naturan sa katamtamang halaga at kabayanan: Sa pasubali, Na ang buong lupang ipinagbili ay dapat tubusin: Sa pasubali pa, Na doon sa may dalawa o higit pang namumuwisan sa pagsasaka, ang bawa't isa'y nararapat sa nasabing karapatan sa pagtubos sa sakop lamang ng lawak na talaga niyang nililinang. Magagamit ang karapatan sa pagtubos sa ilalim ng Seksiyong ito sa loob ng dalawang taon mula sa pagkapatala ng bilihan, at pagbibigyang una sa ano mang iba pang karapatan sa pagtubos na legal.

SEKSIYON 13.      Apidabit na Kinakailangan sa Pagbibili ng Lupang Saklaw ng Karapatan sa Unang Pagbibigyan sa Pagbili. — Walang kasulatan sa bilihan ng lupang sakahang nililinang ng isang namumuwisan o mga namumuwisan sa pagsasaka ang itatala sa Patalaan ng Ari-arian matangi kung may kalakip na apidabit ng nagbibili na siya'y nakapagbigay na ng nakasulat sa patalastas na hinihingi sa Seksiyong ikalabing-isa ng Kabanatang ito o na ang lupa ay hindi ginagawa ng isang namumuwisan sa pagsasaka.

SEKSIYON 14.      Ang Karapatang Unang Pagbigyan sa Pagbili at Pagtubos ay Hindi Maaaring Gamitin sa Lupang Gagawing Pamayanan, Industriyal at Kauring mga Layunin. — Ang karapatang unang pagbigyan sa pagbili at pagtubos na ipinagkakaloob sa ilalim ng mga Seksiyong ikalabing-isa at ikalabindalawa ng Kabanatang ito ay hindi magagamit sa mga lupang nababagay sa pagkakalagay na binili o hinahawakan ng may-ari upang gawing pamahayan, komersiyal, industriyal o iba pang kauring mga layuning hindi sa pagsasaka: Sa pasubali, gayon pa man, Na ang gagawing pagbabago ay sa mabuting kalooban at may malaki nang naisagawa sa loob ng isang taon mula sa petsa ng bilihan. Sakaling magkulang ang may-ari na makasunod sa kondisyong nasa una, ang namumuwisan sa pagsasaka ay magkakaroon ng Karapatang bilhing muli ang nasabing lupa sa nasabing may-ari sa makatuwirang mga katakdaan at kondisyon sa loob ng isang taon makaraan ang binabanggit sa unahang panahon ng gagawing pagbabago ay lumipas: Sa pasubali, gayon pa man, Na ang taning na isang taon ay mapigil sa paglakad mula sa sandaling hilingin sa Pangasiwaan sa Lupa ng namumuwisan sa pagsasaka na kunin ang lupa sa ilalim ng mga tadhana ng talataang 11 ng Seksiyong ikalimampu't isa.   cCAIDS

SEKSIYON 15.      Ang kasunduan sa Buwisang Pagsasaka sa Pangkalahatan. — Ang nagpapabuwis sa pagsasaka at ang namumuwisan sa pagsasaka ay magiging malayang pumasok sa ano mang uri ng mga katakdaan, kondisyon o tadhana sa isang kasunduan sa pamumuwisan, kailan ma't hindi iyon labag sa batas, mabuting kaasalan o patakarang bayan. Ang isang katakdaan, kondisyon o tadhana sa isang kasunduan sa buwisang pagsasaka ay itinuturing na labag sa batas, mabuting kaasalan or patakarang bayan.

(1)       Kung hinihingi sa namumuwisan sa pagsasaka na magbayad ng buwis na higit sa itinatadhana mula rito ngayon sa Kabanatang ito;

(2)       Kung hinihingi sa namumuwisan sa pagsasaka na magbayad ng halagang higit sa katamtamang upa na gaya ng itinadhana rito sa halagang higit sa katamtamang upa na gaya ng itinatadhana rito sa paggamit ng mga hayop na panggawa at/o mga kasangkapang pambukid na uri ng nagpagawa sa pagsasaka o ng sino pa mang ibang tao; o

(3)       Kung ipinapataw bilang kondisyon sa kasunduan sa buwisang pagsasaka: (a) sa hinihingi sa namumuwisan sa pagsasaka sa umupa ng mga hayop ng panggawa o ng mga kasangkapang pambukid mula sa nagpapabuwis sa pagsasaka o sa ibang tao, o tumangkilik sa alin mang tindahan o mga paglilingkod na pinalakad ng nagpapabuwis sa pagsasaka o ibang tao; (b) na hinihingi sa namumuwisan sa pagsasaka na tumupad ng ano mang gawain o magkaloob ng ano mang paglilingkod bukod sa kanyang mga tungkulin at pananagutang itinatadhana sa Kabanatang ito may bayad man o wala; o (k) na hinihingi sa namumuwisan sa pagsasaka na sumagot sa ano pa mang multa, mga buwis at/o mga pagtataya.

Ano mang kasunduan na doo'y hinihingi sa namumuwisan sa pagsasaka na tumanggap ng pautang o magbayad noon sa ibang paraan ay magiging labag din sa batas, mabuting kaasalan o patakarang bayan.

SEKSIYON 16.      Kaurian at Pagpapatuloy ng mga Kondisyon ng Kasunduan sa Pamumuwisan. — Sa kawalan ng ano mang pinagkayarian hinggil sa panahon, magpapatuloy ang mga katakdaan at kondisyon ng isang kasunduan sa pamumuwisan hanggang sa baguhin ng magkabilang panig: Sa pasubali, Na sa ano mang pangyayari ay hindi makapipinsala ang ano mang pagbabago sa mga katakdaan at kondisyon nito sa karapatan ng namumuwisan sa pagsasaka sa katatagan ng kanyang panghahawakan sa lupa: Sa pasubali pa, Na sa kasunduang may takdang panahon hindi maaaring taasan ang buwis ng nagpapabuwis sa pagsasaka, pagkatapos ng takdang panahon, maliban kung naaalinsunod sa mga tadhana ng Seksiyong ikatatlumpu't apat.

SEKSIYON 17.      Ayos at Pagpapatala ng Kasunduan. — Kung pagpapasiyahan ng magkabilang panig na isulat ang kanilang kasunduan, gagawing apat na sipi ang kasunduan sa buwisang pagsasaka sa isang wika o diyalektong alam ng namumuwisan sa pagsasaka at nilagdaan o tinatakan ng hinlalaki kapwa ng namumuwisan sa pagsasaka sa kanyang sarili at ng nagpapabuwis sa pagsasaka o ng kanyang pinahintulutang kinatawan, sa harap ng dalawang saksi, na pipiliin ng bawa't panig. Kung hindi marunong bumasa ang namumuwisan sa pagsasaka, babasahin at ipaliliwanag sa kanya ng kanyang saksi ang mga nilalaman ng kasulatan. Kikilanlin ng nagkasundong mga panig ang pagkakagawa ng kasunduan sa harap ng hukom pamayapa ng munisipyong kinalalagyan ng lupa. Hindi kakailanganin ang ano mang uri ng mga butas o selyo sa paghahanda at pagkilala sa kasulatan. Mag-iingat sa tig-isang sipi ng kasunduan ang bawa't isa sa mga nagkakasundong mga panig. Ipadadala ng hukom pamayapa ang ikatlong sipi sa ingatyaman ng munisipyong kinalalagyan ng lupa at ang ika-apat ng sipi sa Tanggapan ng Manananggol sa Pagsasamahan ng Lupa.

Maliban kung may pagkakamali, karahasan, pananakot, hind nararapat na impluho, o pandaraya, ang isang kasunduan sa pananakahang isinulat at ipinatala gaya ng itinatadhana rito mula ngayon, ay magiging pangwakas sa mga nagkakasundong panig, kung hindi tutuligsain o itatatuwa sa loob ng tatlumpung araw pagkapatala nito.

SEKSIYON 18.      Pagpapatala ng Kasunduan sa Pamumuwisan. — Hihingin ng ingatyaman ng munisipyo, pagkatanggal ng kanyang sipi ng kasunduan, sa namumuwisan sa pagsasaka at sa nagpapabuwis sa pagsasaka na iharap ang kani-kanilang sipi ng kasunduan, at ipasusulat doon and petsa, oras at pook ng pagkapatala gayon din ang bilang ng pagkakapasok o pagkapatala nito.

SEKSIYON 19.      Talaan ng mga Kasunduan sa Buwisang Pagsasaka. — Ang ingatyaman ng munisipyong kinalalagyan ng lupa ay mag-iingat ng isang rekord ng lahat ng gayong mga kasunduang inihanda at ginawa sa loob ng kanyang sakop na tatawaging "Talaan ng mga Kasunduan sa Buwisang Pagsasaka." Iingatan niya ang talaang ito kalakip ang isang sipi ng bawa't kasunduang ipinasok doon, at gagawa ng mga pansin sa nasabing talaan ng lahat ng susunod na mga pasiya hinggil sa bawa't kasunduan, gaya ng pagpapanibago nito, pagbabago, pagkaltas, atb. Hindi kakailanganin ang mga butaw o mga selyo dokumentaryo sa pagpapatala ng nasabing mga kasunduan o sa ano mang susunod na mga pasya hinggil dito.

SEKSIYON 20.      Memorandum ng mga Pautang. — Hindi maipatutupad ang pananagutang bayaran ang mga utang kabilang ang patubo noon na kinuha ng namumuwisan sa pagsasaka sa nagpapabuwis sa pagsasaka o sa kanyang kinatawan matangi kung nakasulat ang naturan o ang memorandum noon sa isang wika o diyalektong alam ng namumuwisan sa pagsasaka, at nilagdaan o tinatakan ng hinlalaki niya, o ng kanyang kinatawan.

SEKSIYON 21.      Pagkakalabas sa Angkang-legal at/o Pagpapatupad. — Ang sumusunod ay labas sa angkang-legal at/o pagpapatupad laban sa namumuwisan sa pagsasaka:

(1)       Dalawampu't limang porsiyento ng buong ani ng lupang nililinang; at   TDSICH

(2)       Mga hayop na panggawa at kasangkapang pambukid na ari ng namumuwisan sa pagsasaka: Sa pasubali, Na ang halaga nito'y hindi hihigit sa isang libong piso. Ngunit walang bagay o uri ng ari-ariang binabanggit sa Seksiyong ito ang malalabas sa pagpapatupad ng isang hatol na makuha sa halaga nito o sa isang hatol ng pag-ilit sa pagkasangla noon.

SEKSIYON 22.      Paggamit ng Tinatanggap na mga Pamantayang Timbangan at Takalan. — Sa lahat ng mga transaksiyong pinasukan ng namumuwisan sa pagsasaka at ng nagpapabuwis sa pagsasaka hinggil sa mga produkto sa pagsasaka, ang mga opisyal o, sa kasunduan ng mga panig, ang tinatanggap na mga pamantayang timbangan at takalan ang gagamitin.

SEKSIYON 23.      Mga Karapatan ng Namumuwisan sa Pagsasaka sa Pangkalahatan. — Magiging karapatan ng namumuwisan sa pagsasaka na:

(1)       Magkaroon ng pag-okupa at mapayapang pagtatamasa sa lupa;

(2)       Mamahala at gumawa sa lupa sa ayos at paraan ng paglilinang at pag-aaning naaayon sa subok ng pamamaraan sa pagbubukid;

(3)       Gamitan ng makinarya ang lahat o ano mang bahagi ng kanyang gawain sa bukid; at

(4)       Makitungo sa mga may kiskisan at pagsasapabrika ng produkto at harapin ang pagbibigay ng mga kedan at resibo sa bodega para sa mga aning nauukol sa kanya.

SEKSIYON 24.      Karapatan sa isang Loteng Pamahayan. — Magkakaroon ng karapatan ang namumuwisan sa pagsasaka na magpatuloy sa tanging pag-okupa at pagtatamasa sa alin mang loteng pamahayan na maaaring tinatahanan na niya sa pagkakabisa ng Kodigong ito, na ipalalagay na kasama sa pamumuwisan.

SEKSIYON 25.      Karapatang Magkabayad-Pinsala sa Paggawa. — Ang namumuwisan sa pagsasaka ay magkakaroon ng karapatang magkabayad-pinsala sa halaga at mga gugol na nagawa sa paglilinang, pagtatanim o pag-aani at iba pang guguling kaugnay ng pagpapaayos ng kanyang tanim sakaling isauli niya o iwan ang lupang hawak niya sa makatarungang dahilan o kaya'y pinaalis doon. Bukod doon, may karapatan siyang magkabayad-pinsala sa kalahati ng mga pagpapaayos na kailangan at kapaki-pakinabang na ginawa niya sa lupa: Sa pasubali, Na ang mga pagpapaayos na ito'y tunay at hindi pa nawawala ang kapakinabangan nito sa panahon ng pagsasauli at/o pag-iwan sa lupa, na sa panahong iyon ang halaga noo'y pagpapasiyahan sa layunin ng pagbabayad-pinsala sa mga pagpapaayos.

SEKSIYON 26.      Mga Pananagutan ng Namumuwisan. — Magiging pananagutan ng namumuwisan sa pagsasaka na:

(1)       Linangin at pag-ingatan ang bukid, magpatubo ng mga pananim, at iba pang pagpapaayos sa lupa na gaya ng isang mabuting ama ng isang mag-anak at tuparin ang lahat ng gawain doon alinsunod sa subok nang pamamaraan sa pagbubukid.

(2)       Ipabatid sa nagpapabuwis sa pagsasaka sa loob ng makatwirang panahon ang ano mang pagpasok na labag ng ibang tao sa bukid, nang di makapipinsala sa kanyang tuwirang hakbang laban sa manghimasok;

(3)       Magkaroon ng karampatang pangangalaga sa mga hayop na paggawa at mga kasangkapang pambukid na pinahawakan sa kanya ay nagpapabuwis sa pagsasaka at alamin ang mga iyo'y hindi ginagamit sa mga layuning iba kaysa roon sa pinag-uukulan noon o gamitin ng iba nang hindi nalalaman at pinapayagan ng nagpapabuwis sa pagsasaka: Sa pasubali, gayon pa man, Na kung ang nasabing mga hayop na panggawa ay mawala o mamatay, o ang nasabing mga kasangkapang pambukid ay mawala o masira, dahil sa kapabayaan ng namumuwisan sa pagsasaka, siya'y pananagutin at sasagot noon sa halaga ng mga hayop na panggawa at/o mga kasangkapang pambukid sa panahon ng pagkawala, pagkamatay o pagkasira;

(4)       Harapin ang kanyang bukid at tumutubong pananim sa panahon ng paggawa. Sakaling wala sa matuwid ay iwan o pabayaan ang kanyang bukid, alin man o lahat ng inaasahan niyang ani ay maaari, sa utos ng Hukuman, na mapagbigay sa nagpapabuwis sa pagsasaka ng pinsalang sanhi noon;

(5)       Patalastasan ang nagpapabuwis sa pagsasaka tatlong araw man lamang bago ang petsa ng pag-aani o, kailan ma't isinasagawa ng paglulugas; at

(6)       Magbayad ng upa sa pamumuwisan sa nagpapabuwis sa pagsasaka kapag araw na noon.

SEKSIYON 27.      Mga Kabawalan sa Namumuwisan sa Pagsasaka. — Magiging labag sa batas para sa namumuwisan sa pagsasaka na:

(1)       makipagkasundong gumawa ng karagdagang lupa na ari ng ibang nagpapabuwis sa pagsasaka o kumuha at linangin niya ang isang bukid na may sukat na sapat ikabuhay ng mag-anak, nang di nalalaman at pinapayagan ng nagpapabuwis sa pagsasaka sa una niyang pinakipagkasunduan sa pamumuwisan, kung ang unang lupa ay may sapat na sukat upang siya at ang mga kasambahay niyang malalapit sa pagbubukid ay ganap na may ginagawa sa paglilinang noon; o

(2)       Kumuha ng pangalawang mamumuwisan sa hawak niyang lupa. Sa pasubali, gayon pa man, Na sakaling magkasakit o pansamatalang mabalda ay maaari siyang umupa ng mga manggagawa na ang mga paglilingkod sa hinahawakan niyang lupa ay siya ang gagastos.   acHCSD

SEKSIYON 28.      Pagtapos ng Pamumuwisan ng Namumuwisan sa Pagsasaka sa Loob ng Taong Sakahan. — Maaaring tapusin ng namumuwisan sa pagsasaka ang pamumuwisan sa loob ng taong sakahan sa alin man sa mga dahilang sumusunod:

(1)       Malupit, di-makatao o mapanikil na pakikitungo sa namumuwisan sa pagsasaka o sa sino mang malapit niyang kasambahay; ng nagpapabuwis sa pagsasaka o ng kanyang kinatawan na alam at may pahintulot ang nagpapabuwis;

(2)       Di-pagtupad sa panig ng nagpapabuwis sa pagsasaka sa alin man sa mga pananagutang ipinapataw sa kanya ng mga tadhana ng Kodigong ito o sa pakikipagkasundo niya sa namumuwisan sa pagsasaka;

(3)       Pagpalit sa namumuwisan sa pagsasaka o sa sino mang malapit niyang kasambahay sa pagbubukid ng nagpapabuwis sa pagsasaka na tumupad ng ano mang gawain o magkaloob ng ano mang paglilingkod na sa ano mang paraa'y hindi nauugnay sa gawain sa bukid o maging hindi pagpipilit kung walang kaukulang upa.

(4)       Pagkakasalang labag sa batas ng nagpapabuwis sa pagsasaka o ng kanyang kinatawan laban sa namumuwisan sa pagsasaka o sa sino mang malapit niyang kasambahay sa pagbubukid; o

(5)       Kusang pagsasauli dahil sa mga pagkakataong higit na makabubuti sa kanya at sa kanyang mag-anak.

SEKSIYON 29.      Mga Karapatan ng Nagpapabuwis sa Pagsasaka. — Magiging karapatan ng nagpapabuwis sa pagsasaka na:

(1)       Magsiyasat at magmasid sa nagagawang pagsunod sa mga katakdaan at kondisyon ng kanilang kasunduan at sa mga tadhana ng Kabanatang ito;

(2)       Magpanukala ng pagbabago sa paggamit ng lupa at ibang layunin sa pagsasaka, o sa uri ng mga halamang itatanim: Sa pasubali, Na sakaling magkasalungatan sa panukalang pagbabago, ito'y lulutasin ng Hukuman sang-ayon sa pinakamabuting kapakanan ng mga panig na kinauukulan: Sa pasubali pa, Na sa ano mang pangyayari ay hindi mapaaalis ang isang namumuwisan sa pagsasaka sanhi sa pagkakabago sa ibang layunin sa pagsasaka ng lupa o dahil sa isang pagpapalit ng halamang itatanim;

(3)       Hingin sa namumuwisan sa pagsasaka, na isasa-alang-alang ang kanyang kakayahan sa pananalapi at ang mga kaluwagan sa pag-utang sa magagawa niya, na isagawa sa kanyang bukid ang subok na mga pamamaraan sa pagbubukid na mga pamamaraan sa pagbubukid na kailangan sa pangangalaga ng lupa, pagpapaayos sa katabaan nito at pagpapalakas ng ani: Sa pasubali, Na sakaling di magkasundo sa kung anong subok na mga pamamaraan sa pagbubukid ang isasagawa ng namumuwisan, iyo'y lulutasin ng Hukuman sang-ayon lalong ikabubuti ng kinauukulang mga panig; at

(4)       Isangla ang inaasahang buwis.

SEKSIYON 30.      Mga Pananagutan ng Nagpapabuwis sa Pagsasaka. — Magiging pananagutan ng nagpapabuwis sa pagsasaka na:

(1)       Pamalagiin ang namumuwisan sa pagsasaka sa mapayapang paghahawak at paglilinang ng kanyang lupa; at

(2)       Pamalagiing buo iyong mga palagian at pinakikinabangang pagpapaayos na naroon sa lupa sa simula ng pagsasamahan sa pamumuwisan gaya ng mga kaparaanan na patubig at palaagusan at mga pag-uukol sa pamilihan, na sa pangyayari sa mga kota sa asukal ay tutukoy kapwa sa mga kota sa pagbibiling lokal at sa eksportasyon, sa kabila ng nasasalungat na mga tadhana ng mga tatas na umiiral.

SEKSIYON 31.      Mga Kabawalan sa Nagpapabuwis sa Pagsasaka. — Magiging labag sa batas para sa nagpapabuwis sa pagsasaka na:

(1)       Alisin ang namumuwisan sa pagsasaka sa kanyang lupa maliban sa pagpapahintulot ng Hukuman sa ilalim ng Seksiyong tatlumpu't anim. Sakaling alisin ang namumuwisan sa pagsasaka sa kanyang lupa nang walang pagpahintulot mula sa Hukuman, ang nagpapabuwis sa pagsasaka ay mananagutan sa mga pinsalang dinanas ng namumuwisan sa pagsasaka bukod pa sa multa o pagkabilanggong itinatakda ng Kodigong ito para sa pagpapaalis na di ipinahihintulot;

(2)       Hingin sa namumuwisan sa pagsasaka na magbayad, maging tuwiran o di-tuwiran, ng mga buwis o bahagi noon na ipinapataw ng pamahalaan sa lupa;

(3)       Hingin sa namumuwisan sa pagsasaka na magbayad, maging tuwiran o di-tuwiran, ng ano mang bahagi ng upa, "kanon" o iba pang kabayarang pananagutan ng nagpapabuwis sa pagsasaka na bayaran sa ibang tao para sa paggamit ng lupa;

(4)       Makipag-ugnay sa mga may kiskisan o may pabrika nang walang nakasulat na pahintulot ang namumuwisan sa mga pangyayaring ang ani ay kailangang ipagbili sa ayos na isinapabrika bago magbayad ng buwis; o

(5)       Sansalain, maging tuwiran o di-tuwiran, ang pagtatatag, pagpapanatili o pag-unlad ng mga unyon o samahan ng mga namumuwisan sa pagsasaka sa kanyang lupa, o manguna, makapangyari, tumulong o manghimasok sa pagtatatag o pangangasiwa ng alin man sa gayong unyon o samahan.   ACIESH

SEKSIYON 32.      Gugol sa Patubig. — Ang gugol sa pagpapagawa ng isang palagiang kaparaanan sa patubig, kabilang ang mga kanal sa pagpapaagos, ay maaaring saguting mag-isa ng nagpapabuwis sa pagsasaka na magkakaroon ng karapatan sa dagdag na paupa batay sa ibubungang dagdag ng ani: Sa pasubali, Na kung ang nagpapabuwis sa pagsasaka ay tumangging sumagot ng mga gugol sa pagpapagawa, ang namumuwisan o mga namumuwisan sa pagsasaka ay maaaring pumasan noon, na sa gayong pangyayari ang una'y hindi magkakaroon ng karapatan sa dagdag na buwis at magbabayad, sa pagtatapos ng pagsasamahan, sa namumuwisan o sa kanyang tagapagmana ng makatuwirang halaga ng pagpapaayos sa panahon ng pagtatapos: Sa pasubali pa, Na kung ang ginawang patubig ay hindi magamit, iyo'y hindi ituturing na isang pagpapaayos sa pakahulugan sa Seksiyong ito.

SEKSIYON 33.      Paraan, Panahon at Pook ng Pagbabayad ng Buwis. — Ang kabayaran sa pamumuwisan ng lupa ay babayaran sa halagang tiyak sa salapi o sa ani, o kapwa, na babayaran sa pook na pinagkasunduan ng magkabilang kagyat na panig makaraan ang paglulugas o pagsasapabrika kung ang kabayaran ay sa gayong uri o sa loob ng makatwirang panahon makaraan iyon, kung hindi sa gayon ang bayad.

Sa ano mang pangyayari'y hindi hihingin ng nagpapabuwis sa pagsasaka na ang namumuwisan sa pagsasaka ay magharap ng isang piyansa, maglagak o magbayad na pauna ng buwis, sa salapi o sa kauri o sa kapwa nito, ngunit, isang tangi at may pangungunang angking-legal ang nililikha sa pamamagitan nito sa kapakanan ng nagpapabuwis sa pagbabayad ng buwis na ukol sa kanya.

SEKSIYON 34.      Kabayaran para sa Pamumuwisan ng Palayan at mg Lupang Iniuukol sa Ibang Pananim. — Ang kabayaran para sa pamumuwisan ng palayan at mga lupang iniuukol sa ibang pananim ay di hihigit sa katumbas ng dalawampu't limang porsiyento ng kapantayang karaniwang ani sa loob ng tatlong taon sa pagsasaka na kagyat na sinusunod ng petsa ng pagkakatatag ng pamumuwisan matapos mabawas ang daming ginamit para sa mga binhi at gugol sa paggapas, paglulugas, paglululan, paghahakot at pagsasapabrika, alin man doon ang nakakapit: Sa pasubali, Na kung ang lupa ay nalinang sa panahong wala pang tatlong taon, ang unang kabayaran ay ibabatay sa kapantayang karaniwang ani noong mga sinundang taon nang ang lupa ay tunay na nalinang, o sa ani ng unang taon sa pangyayari sa mga lupang bagong kalilinang, kung karaniwan ang aning iyon: Sa pasubali pa, Na makaraang lumipas ang unang tatlong karaniwang ani, ang pangwakas na magiging kabayaran ay mababatay sa kapantayang karaniwang ani sa loob ng tatlong taong ito sa pagsasaka: Sa pasubali pa rin, Na sa kawalan ng ano mang kasunduan ng magkabilang panig tungkol sa buwis, ang pinakamalaking ipinahihintulot dito ang makasasaklaw: Sa pasubali, sa wakas, Na kung magpasok ng mga nagpapaayos bilang puhunan sa bukid hindi sa pamamagitan ng namumuwisan upang makaragdag sa aanihin nito, ang buwis ay madaragdagan batay sa magiging dagdag na ani dahil sa nasabing mga pagpapaayos. Sakaling di magkasundo, ang Hukuman ang magpapasiya sa makatwirang dagdag na buwis.

SEKSIYON 35.      Pagkakalibre sa Pamumuwisan ng Ibang Uri ng mga Lupa. — Sa kabila ng mga tadhana ng mga sinundang Seksiyon, sa pangyayari sa mga palaisdaan, asinan, at mga lupang pangunahing tinatamnan ng sitro, niyog, kakaw, kape, duryan at iba pang katulad ng mga palagiang punungkahoy sa panahon ng pagkakapatibay ng Kodigong ito, ang kabayaran, gayon din ang paraan ng pakikisamang umiiral ay mapamahalaan ng mga tadhana ng Batas ng Republika Bilang Labing-isang daan at siyamnapu't siyam, na sinusugan.

SEKSIYON 36.      Paghahawak ng Lupa; mga Kataliwasan. — Sa kabila ng ano mang kasunduan tungkol sa panahon o pagsasauli sa hinaharap ng lupa, ang isang namumuwisan sa pagsasaka ay magpapatuloy sa pagtatamasa at paghahawak ng kanyang lupang ginagawa maliban kung ang pagpapaalis sa kanya ay ipinahintulot ng Hukuman sa isang hatol na pangwakas at maipatutupad kung makaraan and kaukulang paglilitis ay maipakita na:

(1)       Ang pagpapabuwis na may-ari sa pagsasaka o ang isang malapit na kabilang ng kanyang pamilya ay siya sa kanyang sariling maglilinang ng lupa o iuukol ang lupa, kung nababagay ang kinalalagyan, na pagtayuan ng pamahayan, pabrika, ospital o paaralan o ibang mg layuning kapaki-pakinabang na di sa pagsasaka: Sa pasubali, Na ang namumuwisan sa pagsasaka at may karapatan sa kabayaran sa pagkaligalig na katumbas ng limang taong buwis sa hawak niyang lupa bukod pa sa kanyang mga karapatan sa ilalim ng mga Seksiyong dalawampu't lima at tatlumpu't apat, maliban sa kung ang lupang ari at pinauupahan ng nagpapabuwis sa pagsasaka ay di hihigit sa limang ektarya, na sa gayong pangyayari sa halip na kabayaran sa pagkaligalig ang namumuwisan ay maaaring magkaroon ng karapatan sa isang paunang patalastas na isang taon sa pagsasaka man lamang bago magharap ng usapin sa pagpapaalis laban sa kanya: Sa pasubali pa rin, Na sakaling hindi linangin sa kanyang sarili ng maylupa ang lupa sa loob ng tatlong taon o magkulang na isagawa sa malaking bahagi ang gayong pag-uukol sa loob ng isang taon makaraan ang pagpapaalis sa magsasaka, ipalalagay na humakbang siya ng may masamang layunin at ang magsasaka at magkaroon ng karapatang hingi ang paghahawak ng lupa at mabawi ang bayad-pinsala sa ano mang nawala sa kanya dahil sa nasabing pagpapaalis;

(2)       Magkulang ang namumuwisan sa pagsasaka na makasunod sa malaking bahagi sa alin man sa mga katakdaan at kondisyon ng kasunduan o sa alin man sa mga tadhana ng Kodigong ito matangi kung ang kanyang pagkukulang ay dahil sa pangyayaring di maiwasan o force majeure;

(3)       Ang namumuwisan sa pagsasaka ay nagtanim ng mga halaman o ginamit ang lupa sa isang layuning iba kaysa napagkasunduang una;

(4)       Ang lupa o ang ibang malaking palagiang pagpapaayos doon ay napinsala o nasira nang malaki o kaya'y napasama nang walang matwid dahil sa kasalanan o kapabayaan ng namumuwisan sa pagsasaka;   HCISED

(5)       Ang namumuwisan sa pagsasaka ay hindi nagbabayad ng buwis sa kaukulang araw nito: Sa pasubali, Na kung ang di pagbabayad ng buwis ay dahil sa pagkasira ng ani na umaabot sa pitumpu't limang porsiyento bunga ng isang pangyayaring di maiiwasan, ang di pagbabayad ay di magiging matwid sa pagpapaalis, bagaman ang pananagutang magbayad ng buwis ukol sa aning iyon ay di nawawala sa gayon; o

(6)       Ang namumuwisan ay kumuha ng isang namumuwisan uli sa kanyang hawak na lupa sa paglabag sa mga katakdaan ng talataang 2 ng Seksiyong dalawampu't pito.

SEKSIYON 37.      Tungkuling Magpatunay. — Ang tungkuling magpatunay upang ipakita ang pagkakaroon ng isang dakilang naaayon sa batas para sa pagpapaalis ng isang namumuwisan sa pagsasaka ay masasalalay sa nagpapabuwis sa pagsasaka.

SEKSIYON 38.      Batas sa Katakdaan. — Ang isang sakdal upang maipatupad ang isang batayang pangyayari ng sakdal sa ilalim ng Kodigong ito, ay mahahadlangan kung hindi maiharap sa loob ng tatlong taon makaraan maging karapatan ang gayong batayang-pangyayari ng sakdal.

KABANATA II

Katipunan Ng Mga Karapatan Para Sa Mga Manggagawa Sa Pagsasaka

SEKSIYON 39.      Mga Karapatan para sa mga Manggagawa sa Pagsasaka. — Upang ang mga manggagawa sa bukid ay magtamasa ng katulad na karapatan at pagkakataon sa buhay na gaya ng mga manggagawa sa industriya, sila'y magtatamasa ng sumusunod:

(1)       Karapatan sa sariling pagtatatag;

(2)       Karapatang humarap sa magkakasamang kilusan;

(3)       Karapatan sa pinakamababang sahod;

(4)       Karapatang gumawa ng di hihigit sa walong oras;

(5)       Karapatang maghabol ng bayad-pinsala sa pagkamatay o kapinsalaang natamo samantalang nasa gawain;

(6)       Karapatang mabayaran sa kapinsalaan ng sarili, pagkamatay o pagkakasakit; at

(7)       Karapatan laban sa pagkakapigil o pagkakaalis.

SEKSIYON 40.      Karapatan sa Sariling Pagtatatag. — Ang mga manggagawa sa bukid ay magkakaroon ng karapatan sa sariling pagtatatag at magtayo, sumapi o tumulong sa mga samahan ng mga manggagawa na sila ang pumili sa layunin ng sama-samang pakikipagkasundo sa pamamagitan ng mga kinatawang sila ang pumili; Sa pasubali, Na ang karapatang ito'y gagamitin sa isang paraang hindi makasisira sa karaniwang gawain sa bukid. Ang mga taong namamasukan bilang mga superbisor ay hindi nararapat na maging kasapi sa mga samahan ng mga manggagawa sa bukid na nasa ilalim ng kanilang pamamahala nguni't maaaring magtayo ng bukod na mga samahang sarili nila.

SEKSIYON 41.      Karapatang Humarap sa Magkakasamang Kilusan. — Ang mga manggagawa sa bukid ay magkakaroon din ng karapatang humarap sa magkakasamang kilusan sa layunin ng sama-samang pakikipagkasundo at sa iba pang pagtutulungan o pangangalaga.

Sa layuning ito ay ng sinundang Seksiyon, magiging tungkulin ng may pagawa o tagapamahala sa bukid na payagan ang mga manggagawa sa bukid, mga lider manggagawa, sa mga tagapagtatag, mga tagapayo at katulong sa lubos na kalayaang makapasok at umalis sa bukid, pataniman o bakuran sa bahagi noon na siyang tinitirahan o tinatahanang palagian o pansamantala ng nasabing mga manggagawa sa bukid.

SEKSIYON 42.      Karapatan sa Pinakamababang Sahod. — Sa kabila ng ano mang tadhana ng batas o kasunduang nasasalungat, ang mga manggagawa sa hanapbuhay na pambukid ay magkaroon ng karapatan sa P3.50 man lamang isang araw na paggawang walong oras; Sa pasubali, Na ang sahod na ito nama'y maaaring pataasin ng Lupon sa Pinakamababang Sahod gaya nang itinatadhana sa Batas ng Republika Bilang Anim na Raan at Dalawa.

SEKSIYON 43.      Karapatan sa Walong Oras ng Paggawa. — Sa kabila ng tadhana ng umiiral ng mga batas na nasasalungat, ang mga manggagawa sa bukid ay hindi kakailanganing gumawa nang higit sa walong oras isang araw. Kung hindi tuloy-tuloy ang gawain, ang araw na hindi iginagawa ng manggagawa sa bukid at maaari niyang ialis sa kanyang pinaggagawaan at ikapahinga nang lubusan ay hindi ibibilang.

Maaaring gumawa ng lampas sa walong oras isang araw sakaling may tunay o napipintong kagipitan sanhi sa malubhang kapahamakan, sunog, baha, bagyo, salot, o iba pang sakuna, o sakaling may gawaing kailangang-kailangang isagawa sa makina sa bukid, kasangkapan o instalasyon upang maiwasan ang malubhang pagkalugi ng mga pagawa o tagapamahala sa bukid kung di gayon, nguni't sa lahat ng gayong mga pangyayari ang mga manggagawa sa bukid ay may karapatang tumanggap ng kabayaran para sa paggawang lampas sa oras sa halaga ring gaya ng kanilang karaniwang sahod, na may dagdag ng dalawampu't limang porsiyento mang lamang, batay sa kanilang arawang sahod.

Hindi maaaring pilitin ng may pagawa o tagapamahala sa bukid ang isang manggagawa sa bukid ng gumawa kung Linggo at pista opisyal; Sa pasubali, gayon pa man, Na sakaling pumayag ang manggagawa sa bukid na gumawa sa nasabing mga araw, siya'y babayaran ng karagdagang halaga na dalawampu't limang porsiyento man lamang ng kanyang karaniwang sahod: Sa pasubali pa, Na ang maypagawa o tagapamahala sa bukid ay hindi mapananagot sa ano mang paghahabol sa paggawa ng lampas sa oras ng hindi muna niya ipinahintulot, maliban kung ang gawaing tinupad ay upang maiwasan ang mga kapinsalaan sa pananim, ani, mga hayop na panggawa kasangkapan, gusali o ang kauri nito.   IAEcaH

Ang ano mang pinagkayarian o kasunduan ng may pagawa o tagapamahala sa bukid at ng manggagawa sa bukid na sa nasasalungat sa mga tadhana ng Seksiyong ito ay walang bisa.

SEKSIYON 44.      Karapatang Magsakdal para sa Bayad-pinsala. — Sa kabila ng ang tadhana ng umiiral na mga batas na nasasalungat, ang batas Bilang Labingwalong daan at pitumpu't apat, na sinusugan na pinamagatang "Isang Batas na nagpapaabot at nagtatakda ng pananagutan ng mga maypagawa para sa mga kapinsalaan ng sarili at pagkamatay na sinapit ng kanilang mga kawani samantalang nasa gawain," ay makasasaklaw sa mga manggagawang sa bukid hanggang sa ito'y maaaring gamitin.

SEKSIYON 45.      Karapatang Mabayaran sa Kapinsalaan ng Sarili, Pagkamatay, o Pagkakasakit. — Sa kabila ng mga tadhana ng umiiral na mga batas na nasasalungat, ang Batas Bilang Tatlumpu't apat na raan at dalawampu't walo na sinusugan, na pinamagatang "Isang Batas na nagtatakda ng Kabayaran tatanggapin ng mga kawani para sa mga kapinsalaan ng sarili, pagkamatay o pagkakasakit na natamo sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin," ay makasasaklaw; mga manggagawa sa bukid hanggang sa ito'y maaaring gamitin.

SEKSIYON 46.      Karapatan Laban sa Pagkakapigil o Pagkakaalis. — Ang maylupa, maypagawa o tagapamahala ng bukid ay hindi pipigil, mag-aalis, o magtitiwalang sa ano mang manggagawa sa bukid ng walang makatarungang dahilan mula sa sandaling ang isang samahan ng mga manggagawa sa bukid pangkat ng mga manggagawa sa bukid ay makapagharap sa maylupa ng isang kahilingan o karaingan hinggil sa ano mang bagay na maaaring pagmulan ng isang aklasan o pagpipinid at isang sipi noon ang naibigay sa Kagawaran ng Paggawa, o samantalang may alitan sa pagsasaka na nabibinbin sa harap ng Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa. Kung mapatunayan sa loob ng nasabing panahon na ang isang manggagawa ay pinigil o itiniwalag ng walang makatarungang dahilan, ang Hukuman ay maaaring mag-atas ng pagkakapasok na muli at ng pagbabayad ng kanyang sahod sa panahon ng pagkakapigil o pagkakatiwalag sa kanya, o ng ano mang halagang dapat niyang tanggapin kung siya'y hindi pinigil o itiniwalag, nang di makasisira sa ano mang pananagutang kriminal ng maylupa, maypagawa o tagapamahala ng bukid gaya nang itinakda ng Seksiyong dalawampu't apat ng Batas ng Komonwelt Bilang Isang daan at tatlo, na sinusugan.

SEKSIYON 47.      Iba pang Tadhanang Magagamit. — Lahat ng iba pang umiiral na batas na magagamit sa mga manggagawang di sa pagsasaka sa mga hanapbuhay na pansarili na hindi nasasalungat sa Kodigong ito ay magagamit din sa mga manggagawa sa bukid, mga samahan ng manggagawa sa bukid at mga alitan sa lupa gaya nang binibigyang-kahulugan sa Kodigong ito, gayon din sa mga pagsasamahan ng pangasiwaan sa bukid at manggagawa sa bukid at ng mga tungkulin ng Kagawaran ng Paggawa at iba pang tanggapan.

SEKSIYON 48.      Mga Kataliwasan sa Sinusundang Seksiyon. — Ang sinusundang mga Seksiyon ng Kabanatang ito, maliban sa mga Seksiyong apatnapu, apatnapu't isa, apatnapu't dalawa at apatnapu't tatlo ay hindi makasasaklaw sa mga hanapbuhay ng pambukid na binubuo ng di hihigit sa labindalawang ektarya.

KABANATANG III

Pangasiwaan Sa Lupa

ARTIKULO I

Pagkakatatag at mga Tungkulin ng Pangasiwaan sa Lupa.

SEKSIYON 49.      Paglikha ng Pangasiwaan sa Lupa. — Sa layuning maisagawa ang patakaran ng pagtatatag ng pagmamay-aring maglilinang at ng bukid na may sukat na sapat ikabuhay ng mag-anak bilang batayan ng pagsasaka sa Pilipinas at ng iba pang mga patakarang ipinahahayag sa Kodigong ito, itinatatag sa pamamagitan nito ang isang Pangasiwaan sa Lupa, na mula ngayo'y tatawaging Pangasiwaan, na tuwirang mapapasailalim sa paghahawak at pamamahala ng Pangulo ng Pilipinas. Ang Pangasiwaan ay pamumunuan ng isang Gobernador na hihirangin ng Pangulo sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang.

Siya ay tutulungan ng dalawang Pangalawang Gobernador na hihirangin ng Pangulo sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang, na bawa't isa sa kanila'y mamumuno noong mga kagawarang pinalalakad na maaaring itayo ng Gobernador. Ang Gobernador at ang mga Pangalawang Gobernador at ang mga Pangalawang Gobernador ay manunungkulan ng limang taon.

SEKSIYON 50.      Mga katangian at Sahod ng mga Gobernador. — Walang taong hihiranging Gobernador o Pangalawang Gobernador ng Pangasiwaan matangi na siya'y mamamayang ipinanganak na katutubo sa Pilipinas, na may sapa na kaalaman at karanasan sa reporma sa lupa dito at/o saan man, at tatlumpu't limang taong gulang man lamang.

Ang Gobernador ay tatanggap ng taunang sahod na dalawampu't apat na libong piso; ang mga Pangalawang Gobernador ay tatanggap bawa't isa ng taunang sahod na labingwalong libong piso.

SEKSIYON 51.      Mga Kapangyarihan at Tungkulin. — Magiging pananagutan ng Pangasiwaan na:

(1)       Pasimulan at pag-usigin ang ekspropriyasyon ng mga lupang sakahang pribado na nililiwanag sa Seksiyong isang daan at animnapu't anim ng Kabanatang XI ng Kodigong ito sa layuning paghati-hatiin sa mga sukat ng bukid na sapat ikabuhay ng mag-anak at ipagbiling muli ang nasabing mga sukat ng bukid sa mga tunay na nakikisama, mga naninirahan at mga magsasakang nararapat: Sa pasubali, Na ang mga kapangyarihang dito'y ipinagkaloob ay ukol lamang sa mga katakdaan at kondisyon at pagkakasunud-sunod sa pagiging una na tinitiyak dito sa ibaba:

a.         lahat ng mga lupang sakahang pribado na nakatiwangwang o pinabayaan na, maliban doon sa mga hawak o nabili na sa loob ng isang taon mula sa pagkapatibay ng Kodigong ito ng mga tao o mga korporasyong pribado sa layuning muling ipagbili at paghati-hatiin sa mga sukat ng bukid na sapat ikabuhay ng mag-anak alinsunod sa mga patakarang ipinahahayag sa Kodigong ito: Sa pasubali, Na ang paghahati-hati at muling pagbibili ay dapat na maisagawa ng kabuuan sa loob ng isang taon mula sa pagkapatibay ng Kodigong ito.   IaTSED

b.         lahat ng lupaing sakahang pribado na angkop na paghati-hatiin sa mga sukat ng bukid na sapat ikabuhay ng mag-anak, na ari ng mga tao o korporasyong pribado na ginagawa ng mga namumuwisan, na walang gaano kalaking bahagi ng lupang may kinalaman sa sukat na nilalayong eksproprisyahin ang natatamnan ng mga palagiang pananim na nasa ilalim ng paggawang pinangangasiwaan, na higit na pitumpu't limang ektarya, maliban sa lahat ng pribadong lupang sakahang nasa ilalim ng paggawang pinangangasiwaan at mga lupang natamo sa bisa ng Seksiyong pitumpu't isa ng Kodigong ito;

k.         sa ekspropriyasyon ng lupang sakahang pribado na ipahayag ng Pambansang Sanggunian sa Reporma sa Lupa o ng Pangasiwaan sa Lupa na napapaloob sa purok ng reporma sa lupa na kailangan sa pagpapatupad ng mga tadhana ng Kodigong ito, ang sumusunod na ayos ng pagkakauna-una ay susundin:

1.         mga lupang tiwangwang o pinabayaan na;

2.         yaong ang lawak ay higit sa 1,024 ektarya;

3.         yaong ang lawak ay higit sa 500 ektarya subali't hindi hihigit sa 1,024 ektarya;

4.         yaong ang lawak ay higit sa 144 ektarya subali't hindi hihigit sa 500 ektarya; at

5.         yaong lawak ay higit sa 75 ektarya subali't hindi hihigit sa 144 ektarya.

(2)       Tulungan ang mga tunay na magsasakang walang lupa o mga may lupang siya ring nagsasaka ng bukid na ang sukat ay di sapat ikabuhay upang makakuha at makapag-ari ng mga bukid na sapat ikabuhay ng mag-anak;

(3)       Pangasiwaan at ipamahagi ang mga lupang sakahan ng lupaing bayan sa ilalim ng pag-iingat at pangasiwa sa Pambansang Pangasiwaan ng Paglilipat-Tahanan at Rehabilitasyon bago napagtibay ang Kodigong ito at noong iba pang lupang sakahang pambayan na maaaring mula ngayo'y ilaan ng Pangulo ng Pilipinas para sa muling pagpapatao at pagbibili, alinsunod sa mga katadkaan at kondisyong nakalahad sa ilalim ng Kabanatang ito: Sa pasubali, Na ang paggamit ng kapangyarihang ipinagkaloob dito, gayon sa sinundang pangalawang talataan, ay hindi lalabag sa pambayang patakaran hinggil sa pamamahagi ng mga inilalaan sa kagubatan at sa iba pang mga batas na ukol sa pagpapanatili at pangangalaga ng pambayang kagubatan;

(4)       Bumuo ng mga balak at manguna sa mga hakbang para sa maparaang pagbubukas ng mga lupang maisasalin at maipamamahagi sa lupaing bayan para sa mabilis na pamamahagi at pagpapaunlad ng mga tao o korporasyong karapat-dapat at may katangian;

(5)       Itagubilin sa Pangulo, sa pana-panahon makaraang makipag-sanggunian sa Kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka at Likas ng Kayamanan, kung aling bahagi ng lupang bayang maisasalin at maipamamahagi ang ilalaan sa paglilipat-tahanan o pagtatalaga sa ilalim ng Kabanatang ito;

(6)       Bigyan ng mga bukid na may sukat na sapat ikabuhay ng mag-anak ang mga walang lupang mamamayan ng Pilipinas na nangangailangan, karapat-dapat at maykaya sa sariling maglinang ng lupa, sa pamamagitan ng nakatatag na paglilipat-tahanan sa ilalim ng mga katakdaan at kondisyong maaaring ilagda ng Pangasiwaan, na pagbibigyang una ang mga magbubukid na may katangian at karapat-dapat sa lalawigang kinalalagyan ng gayong mga lupa;

(7)       Gawan ng paraang mapakinabangan ang mga latian at pinak, sikaping magkaroon ng titulo para dito kailanman at maaari at paghati-hatiin ang mga iyon sa mga bukid na may sukat na sapat ikabuhay ng mag-anak upang ipamahagi sa mga magbubukid na karapat-dapat at may katangian;

(8)       Magagawa ng mga hakbang na titiyak sa madaling pagpapalabas ng mga titulo sa mga tao o korporasyong talagang naninirahan at naglilinang ng mga lupang maipamamahagi at maisasalin ng lupang bayan;

(9)       Sumukat, maghati-hati at maglaan ng mga lupa o kalawakang lupa sa ilalim ng pangangasiwa nito para sa mga bukid na may sukat na sapat ikabuhay ng mag-anak, pangmalakihang pagpapalakad sa bukid, mga lugar na pagtatayuan ng bayan, mga daan, mag parke, sentrong pampamahalaan at sa iba pang pagpapaayos ng sibiko ayon sa hinihingi ng pagkakataon at iharap ang mga plano ng sukat ng lupang paghahati-hatiin na isinagawa maging ng mga agrimensor ng pamahalaan o pribado sa mga bahagi ng lupang nasa ilalim ng pangangasiwa nito para sa pagpapatunay at pagpapatibay maging ng Patnugot ng Lupain o ng Komisyon s Pagpapatala ng lupa;

(10)     Ipagbigay-alam sa Komisyon ng Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka at sa Tanggapan ng Manananggol sa Pagsasamahan sa lupa ang mga suliranin ng mga naninirahan at magbubukid sa mga lupang nasa ilalim ng pangangasiwa nito;

(11)     Kumuha para sa mga namumuwisan sa pagsasaka ng gumagamit ng kanilang karapatang bumiling una sa ilalim ng Kabanatang I ng Kodigong ito ng ano mang lupa na binabanggit doon;   ATEHDc

(12)     Mamahala ang pagsusukat sa kabagayan at pag-uuri-uri ng lupa sa buong bansa at magpalimbag ng mga mapa;

(13)     Gumawa noong mga pakikipag-ayos sa Bangko sa Lupa tungkol sa mga titulo ng mga lupang sakahan ng lupaing bayan sa ilalim ng pangangasiwa nito sa kailangan upang maisakatuparan ang mga layunin ng Kodigong ito;

(14)     Bumiling sapilitan ng mga loteng pantahanan na tinitirhan ng mga namumuwisan sa pagsasaka sa labas ng kanilang hinahawakang lupa upang muling ipagbili sa halagang di pagtutubuan sa nasabing mga namumuwisan sa pagsasaka; at

(15)     Magharap sa Pangulo ng Pilipinas at sa dalawang Kapulungan ng Kongreso sa pamamagitan ng kanilang nangungulong mga pinuno, sa Kalihim ng Pananalapi at sa Pangkalahatang Auditor, sa loob ng animnapung araw pagtatapos ng taong piskal, ng isang taunang ulat na nagpapakita ng mga nagawa nito sa loob ng taon; ang mga hakbang sa ekspropriyasyong naisagawa nito; ang mga magugol at iba pang transaksiyong nauukol sa pananalapi na isinagawa para rito.

SEKSIYON 52.      Paghirang ng Nakabababang mga Pinuno at Kawani. — Ang Gobernador ay bubuo ng mga tauhan ng nasabing mga kagawaran, sangay at pangkat ng Pangasiwaan na makatitiyak sa pinakamataas nilang kakayahan. Hinirang siya, saklaw ng mga tuntunin at patakaran ng serbisyo sibil, magtatakda ng sahod, saklaw ng mga tuntunin at patakaran ng WAPCO, at magpapasiya ng mga tungkulin ng mga nakabababang pinuno at kawani ayon sa maaaring kailanganin ng paglilingkod.

ARTIKULO II

Ekspropriyasyon ng mga Pribadong Lupang Sakahan.

SEKSIYON 53.      Sapilitang Pagbili ng mga Lupang Sakahan. — Ang Pangasiwaan ay magpapasimula at mag-uusig, sa paghiling na nakasulat ng isang-katlo man lamang ng mga namumuwisan at saklaw ng mga tadhana ng Kabanatang VII ng Kodigong ito, ng paglilitis sa ekspropriyasyon sa pagkuha ng lupang sakahang pribado at ng mga loteng pamahayan na inilalahad sa ilalim ng Seksiyong limampu't isa. Sa pangyayaring ang isang maylupa ay pumapayag na ipagbili ang kanyang ari-arian sa ilalim ng mga katakdaang tinitiyak sa Kabanatang ito at makita ng Pambansang Sanggunian sa Reporma sa Lupa na ito'y bagay at kailangan upang kunin ang gayong ari-arian, isang magkalakip na mungkahing naglalahad ng kasunduan, kasama ang pagpapahalaga ng ari-arian, ang ihaharap sa Pangasiwaan sa Lupa at ng maylupa sa Hukuman upang pagtibayin: Sa pasubali, Na sa gayong pangyayari, ang sino mang taong karapat-dapat na makinabang sa gayong ekspropriyasyon o pagbili ay maaaring tumutol sa labis na pagpapahalaga, na sa gayong pangyayari ang  Hukuman ay magpasiya ng makatarungang kabayaran sang-ayon sa Seksiyong limampu't anim na Kodigong ito.

SEKSIYON 54.      Pag-okupa ng Lupa; Pamamaraan. — Ang Pangasiwaan, matapos, pasimulan ang sakdal na ekspropriyasyon, ay maaaring kapag daka'y umokupa ng lupa sa paglalagak sa sumasaklaw na Hukuman sa paglilitis sa ekspropriyasyon alinsunod sa mga Tuntunin ng Hukuman ng salapi at mga bono ng Bangko sa Lupa, alinsunod sa mga proporsiyong itinatadhana sa ilalim ng Seksiyong walumpu ng Kodigong ito, katumbas ng halaga ng pinagpasiyahan ng Hukuman alinsunod sa mga tadhana ng Seksiyong limampu't anim nito.

SEKSIYON 55.      Madaliang Pagsukat at Paghahati-hati. — Kapagdakang mahawakan ng Pangasiwaan ng mga lupang kukunin nito sa ilalim ng Kodigong ito, magsasagawa ito ng pagsukat sa paghahati-hati ng lupa sa mga bukid na may sukat na sapat ikabuhay ng mag-anak na kapagdaka'y iuukol sa makikinabang na pinili ayon sa Seksiyong isang daan at dalawampu't walo saklaw noong mga tuntunin at patakarang maaaring ilagda nito.

SEKSIYON 56.      Makatarungang Kabayaran. — Sa pagpapasiya ng makatarungang kabayaran ng lupang sapilitang bibilhin alinsunod sa Kabanatang ito, ang Hukuman ay magsasa-alang-alang bilang batayan, sa lupang nasa pamumuwisan, nang di makapipinsala sa pagsasaalang-alang ng iba pang mga bagay, noong taunang kita sa pagpapabuwis na ipinahihintulot ng batas sa pamumuhunang pumapatak ng anim na porsiyento isang taon. Ang may-ari ng lupang biniling sapilitan ay babayaran ng Bangko sa Lupa ayon sa Seksiyong walumpu ng Batas na ito at alinsunod sa pakikipag-ayos na dito'y ipinahihintulot.

SEKSIYON 57.      Tungkulin ng Hukuman sa Paglilitis sa Ekspropriyasyon. — Sa paglilitis sa ekspropriyasyon, magiging tungkulin ng Hukumang isama sa kapasiyahan o kautusan nito sa ekspropriyasyon ang isang tadhana na ang Pangasiwaan sa Lupa ay papayag, matapos mahawakan ang lupa at matapos ang paghahati-hati niyon, na ang Bangko sa Lupa ay magkaroon ng titulo noon sa layuning bayaran ang may-ari ng makatarungang kabayaran doon.

SEKSIYON 58.      Pagbibigay ng mga Katibayan ng Titulo para sa Parsela o Lote. — Matapos mabayaran ng makatarungang kabayaran ang lupang sapilitang binili ang Bangko sa Lupa ay magbibigay ng magkahiwalay na katibayan ng titulo para sa bawa't parsela o lote sang-ayon sa pagkasukat sa paghahati-hati ng ginawa sa ilalim ng Seksiyong limampu't lima.

SEKSIYON 59.      Kabawalan Laban sa Pagsasalin at Pagpapaalis. — Sa pagkaharap ng kahilingang tinutukoy sa Seksiyong limampu't tatlo ang maylupa ay hindi maaaring magsalita ng alin mang bahagi ng lupang nasasaklaw ng gayong kahilingan maliban na lamang kung naaalinsunod sa mga tadhana ng Kodigong ito, o kaya'y pumasok sa ano mang kasunduan upang sirain ang layunin ng Kodigong ito, at walang sakdal sa pagpapaalis laban sa sino mang namumuwisan o naninirahan sa lupang nasasaklaw ng kahilingan ang iharap o pag-uusigin hanggang hindi natitiyak na ang lupa ay hindi kukunin ng Pangasiwaan.

SEKSIYON 60.      Pagpapasiya sa Lupang Binibiling Sapilitan. — Matapos mailabas ang magkakahiwalay na katibayan ng titulo sang-ayon sa Seksiyong limampu't walo, ang Pangasiwaan sa Lupa, sa ngalan ng Republika ng Pilipinas at sa pagkatawan sa Bangko sa Lupa bilang tanggapan sa pamumuwisan, ay siyang mag-aayaw-ayaw at magbibili ng bawa't parsela o lote sa karapat-dapat na taong makikinabang na pinili sa ilalim ng Seksiyong limampu't lima ng Kodigong ito, saklaw ng magkakatulad ng Katakdaan at Kondisyong ipinapataw ng Bangko sa Lupa: Sa pasubali, Na ang muling pagbibili ay sa halaga na mangangahulugang ang halaga sa pagkabili na papatungan ng di hihigit sa anim na porsiyento isang taon, ang siyang ukol sa gugol sa pangangasiwa, at tunay na nagugol sa pagsusubdibisyon, pagsukat, at pagpapatala: Sa pasubali pa, Na ang gayong halaga ay dapat bayaran batay sa paraang hulugan na hind lalampas sa dalawampu't limang taon sa pagpili ng makikinabang.   aIcSED

Sakaling ang ilang namumuwisan sa pagsasaka na gumagawa ng mga bahagi ng lupang sakahang kinuha ng pamahalaan sa ilalim ng Kodigong ito ay may ibig na manatiling namumuwisan dito, na dapat ipahayag sa sulat ang gayong pagkagusto at pinatutunayan ng kinatawan ng Tanggapan ng Manananggol sa Pagsasamahan sa Lupa, ang muling pagbibili at muling pamamahagi sa kanila ay dapat ipagpaliban hanggang sa dumating ang panahon na ang gayong mga namumuwisan ay handa at sang-ayong bumalikat ng tungkulin at pananagutan ng nagsasariling may-ari, na dapat ihayag ng mga namumuwisan sa pamamagitan ng nasusulat na patalastas ang bagay na ito at makapipilit ito sa Pangasiwaan sa Lupa na kaagad iukol at ipagbili ang mga bahaging iyon ng lupa sa gayong mga namumuwisan sa ilalim ng katulad ng mga katakdaan at kondisyon. Habang hindi pa naipagbibili, ang gayong namumuwisan ay magpapatuloy sa paggawa sa kanilang hinahawakang lupa at makukuha ang ani nito, saklaw gayon pa man, ng pangangailangang bayaran nila sa Bangko sa Lupa ang ipinahihintulot na kaupahang itinakda sa Seksiyong tatlumpu't apat. Iuukol ng Bangko sa Lupa ang kaupahan sa anim na porsiyentong isinama sa halaga ng pagkakuha sa pangalan ng namumuwisan bilang bahagi ng bayad para sa lupa.

Pamamahalaan ng Pangasiwaan sa Lupa ang nasabing parsela at lupa sa panahong ang mga ito'y nasa ilalim ng pamumuwisan. Mahusay na pamamahala at sapat ng pagpapautang sa produksiyon ang ipagkakaloob ayon sa palatuntunang pinag-ayos ng Pangkat ng Proyekto sa Reporma sa Lupa sa gayong pook.

SEKSIYON 61.      Pagtatatag ng mga Samahang Kooperatiba. — Sa layuning magkaroon ng lalong maayos na pangangasiwa, paggamit ng makabagong paraan at kaalaman sa pagsasaka, at maging sa pamamagitan ng pagbabagu-bago ng mga proyektong pambukid o sa pagtutulungan sa pagharap sa mga panganib, ang mga magsasakang makikinabang ay maaaring magtatag ng mga samahang kooperatiba sa payo o tulong ng Komisyon sa Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka at alinsunod sa mga pamatnubay na itinatag ng nasabing Komisyon para sa gayong mga samahan.

SEKSIYON 62.      Katakdaan sa mga Karapatan sa Lupa. — Maliban sa pangyayari sa pahalili ng isang tagapagmana, ang mga lupang kinuha sa ilalim ng Kodigong ito ay di maaaring muling ipagbili, isangla, mapatali sa kasunduan, o ilipat hanggang sa makaraan ang sampung taon simula sa petsa ng ganap ng pagkabayad at pagkakuha at matapos ang gayong panahong sampung taon, ang alin mang paglilipat, pagbibili o pagpapasiya ay maaari lamang gawin sa kapakipakinabangan ng mga taong karapat-dapat na kumuha ng mga bukid na may sukat na sapat ikabuhay ng mag-anak sa mga tadhana ng Kodigong ito: Sa pasubali, Na ang bumili ng nakakuha ng kanyang hinahawakang lupa sa ilalim ng isang kasunduan sa pagbibili ay makauutang na panagot iyon mula sa alin mang institusyong pribado o tao na nagpapautang ng halagang hindi hihigit sa kanyang karapatan sa nasabing hinahawakang lupa sa pananagot ng Bangko sa Lupa.

SEKSIYON 63.      Pagtititik ng Tiyak na Kabawalan Laban sa Muling Pagbibili at Paghahati-hati ng Hinahawakang Lupa. — Ang mga katibayan ng titulo ng hinahawakang lupa na natamo ng Pangasiwaan sa Lupa na muling ipinagbili sa mga bumibili ay dapat magtaglay doon ng tiyak na pagtititik na nagbabawal sa paghahati-hati pa at sa muling pagbibili, paglilipat o pataw na sagutin ng nasabing hinahawakang lupa maliban sa itinatadhana sa sinundang Seksiyon.

SEKSIYON 64.      Pagkakalibre ng Pagkailit. — Ang lupang natamo sa ilalim ng mga tadhana ng Kabanatang ito ay malilibre sa pagpapatupad at pagkailit, maliban na lamang kung ang lupa na ring ito ang aring nakasangla sa pag-alinsunod sa Seksiyong animnapu't dalawa ng Kodigong ito.

SEKSIYON 65.      Pagkakauna ng mga Usapin sa Ekspropriyasyon. — ang mga usapin sa ekspropriyasyong iniharap ng Pangasiwaan sa ilalim ng mga tadhana ng Kabanatang ito ay mapapauna na lahat ng iba pang usaping sibil na nabibinbin sa Hukuman at dapat tapusin sa loob ng panahong hindi lalampas sa anim na buwan mula sa petsa ng paghaharap.

ARTIKULO III

Pamamahagi ng mga Lupang Sakahan ng Lupaing Bayan

SEKSIYON 66.      Titulo sa Lupang Sakahang Pambayan. — Sa pagkakalaan ng Pangulo ng Pilipinas ng lupang sakahang pambayan na makukuha sa pagpapasiya ng Pangasiwaan sa Lupa, ang lupang yaon ay susukatin, bibigyan ng titulo at ililipat sa Bangko sa Lupa, na ang titulo ay paghihiwa-hiwalayin para sa kani-kaniyang titulo ng tiyak na parsela o lote ayon sa nagsusukat para sa paghahati-hati ng Pangasiwaan sa Lupa sa ilalim ng talaang 9 ng Seksiyong limampu't isa. Sa pasubali, gayon pa man. Na ang umiiral ng mga batas na sumasaklaw sa pagkuha ng mga lupaing bayan ay nasunod na.

Ang Pangasiwaan sa Lupa ay saka lamang mamamahagi alinsunod sa mga tadhana ng Kodigong it, ng bawa't parsela o lote, na nasasaklaw ng mga katakdaan at kondisyon ng Bangko sa Lupa sa isang piniling makikinabang sang-ayon sa Seksiyong pitumpu't isa o alinsunod sa talataang 3 ng Seksiyong pitumpu't isa o alinsunod sa talataang 3 ng Seksiyong isandaan at dalawampu't walo.

SEKSIYON 67.      Senso ng mga Pamayanan. — Ang Pangasiwaan ay mag-eensenso ng lahat ng pamayanang natatag o napasimulan na ng mga magbubukid sa kanilang sariling pagsisikap sa mga pambayang lupang sakahan, lupang kagubatan, at sa mga lupang pribado na may titulo na nalinis, natitirahan at nalinang nila sa kabuuan o bahagi, mayroon o wala namang kapahintulutang naaalinsunod sa batas. Isasama sa senso, bukod sa iba pang bagay ang tunay na katangian ng pamayanan, ang mga katauhan ng mga naninirahan o magbubukid, ang tamang katayuan ng mga naninirahan o magbubukid, ang tamang katayuan ng mga lupang pinamamayanan, ang kaangkupang palawakin ang mga pamayanan, lalo na sa nauugnay sa likas na kayamanan ng lupang tinitirahan at ng mga lupang kalapit, ang tunay at mangyayaring kalapitan sa pamilihan, gayon din sa pagkakalagay na estratehiko ng pamayanan na may kinalaman sa katiwasayang bansa.

SEKSIYON 68.      Tulong sa mga Mananahanan sa Paglipat nila at ng Kanilang mga Ari-arian. — Ang Pangasiwaan ay maaari, sa ilang proyekto, na tumutulong sa mga mananahanan sa paglipat nila at ng kani-kanilang mga ari-arian, mga hayop na panggawa at kagamitan sa bukid, kung mayroon, buhat sa mga pamayanang aalisan nila hanggang sa mga lupang paglilipatan na inilaan sa layuning iyon at para sa ikabubuhay na kailangan hanggang sa mapautang sila ng mga tanggapan ng pamahalaan sa pamumuhunan, o ng alin mang institusyong nagpapautang sa pamamagitan ng pagpapautang sa kanila ng buong halagang kailangan sa gayong mga layunin. Ang mga utang na ito mula sa Pangasiwaan sa Lupa ay hindi patutubuan, magiging angking-legal sa lupa, at huhulugan sa loob ng sampung taon, na babayarang taunan simula sa katapusan ng ikatlong taon, pagkaraan ng petsa ng pagdating sa mga lupang pana-panahanan, saklaw ng karapatan ng mangungutang na bayaran ng buo sa ano mang oras bago ang takdang pagbabayad ng utang.   ADScCE

SEKSIYON 69.      Tulong sa mga Nananahanan sa Pagkuha ng Kagamitan. — Ang Pangasiwaan ay maaaring tumulong sa mga nananahan sa pagkuha ng mga kagamitan, panustos at materyales na kailangan; o tumulong sa mga samahang kooperatiba ng mga bagong nananahan sa pagkuha ng higit na kapaki-pakinabang na halaga o katakdaan sa mga kailangang kasangkapan at panustos sa bukid.

SEKSIYON 70.      Pagkakaloob ng Bahay at Matitirahan sa mga Nananahanan. — Ang Pangasiwaan ay maaaring tumulong sa pagkakaloob ng bahay at iba pang matitirahan sa mga bagong mananahanan sa kanilang pagdating sa mga lupang pagpapatauhan sa paglilipat sa kanila sa mga loteng maayos na sinukat at pinaghati-hati sa layuning iyon; tulungan silang matatag ng mga gawaing pampamayanan; at makipagtulungan sa Kawanihan ng Kalusugan, sa Kawanihan ng mga paglilingkod na kailangan tungo sa maayos na pagtatatag ng mga kalusugang pampamayanan.

SEKSIYON 71.      Kapangyarihan ng Pangasiwaan sa Lupa na Magbili sa mga Naghahawak ng mga Bagong Ibinigay sa Dating mga Maylupa na ang mga Lupa'y Mabili upang Muling Ipamahagi. — Ang pangasiwaan sa Lupa ay magbibili sa halagang hindi kukulangin sa tayang halaga, ng alin mang bahaging hindi hihigit sa isang daan at apatnapu't apat na ektarya kung sa mga tao isang libo't dalawampu't apat na ektarya kung sa mga korporasyon ng mga lupang sakahang pambayan na inilipat sa Bangko sa Lupa na angkop para sa malakihang pagpapalakad sa bukid sa sino mang mayhawak, na may katangiang kumuha ng mga lupang sakahan sa pamamagitan ng pagbili, ng mga bonong maibigay sa dating mga maylupa na ang mga lupa'y mabili para muling ipamahagi sa ilalim ng Kodigong ito, saklaw ng kondisyong ang bumili ay maglilinang sa loob ng dalawang taon matapos na ito'y makuha, ng tatlumpong porsiyento ay sa loob ng limang taon mula sa petsa ng pagkakuha. Ang Gobernador ng Pangasiwaan sa Lupa ay magbibigay ng titulo sa nasabing lupa sa pagpapakita na ang bumili ay nakapagsimula ng pagpapaayos at paglilinang ng kanyang lupa sa ilalim ng pangasiwaang pampataniman: Sa pasubali, Na ang lupang sakahang pambayan na naipagbili gaya ng nililiwanag dito sa itaas ay hindi magiging layon ng ano mang ekspropriyasyon habang ito'y pauunlarin at lilinangin para sa malawakang produksiyon sa ilalim ng paggawang pinamamahalaan sa bukid, maliban kung ipinahihintulot ng Saligang Batas.

Ang halaga ng pagbibili ng bahagi ng lupang sakahang pambayan na ipinagbili sa ilalim ng Seksiyong ito ay ibibilang sa suskrisyon ng Pamahalaan sa Bangko sa Lupa. Bilang kabayanan sa lupang ipinagbili sa ilalim ng Seksiyong ito, ang Bangko sa Lupa ay tatanggap bilang tanging kasulatan ng kabayaran ng mga bonong inilabas sang-ayon sa Seksiyong pitumpu't anim. Ang mga bonong inilabas na tinanggap na kabayaran ng lupang ipinagbili ay kakaltasin hanggang sa halagang naibayad.

Lahat ng pagbibili sa ilalim ng Kodigong ito ay mapapailalim sa tadhana ng Kabanatang V ng Batas sa Lupang Bayan na sumasaklaw sa pagbibili ng lupang sakahang pambayan hanggang doon sa hindi nasasalungat sa mga tadhana ng Kodigong ito.

SEKSIYON 72.      Duplikadong Kasulatan ng Ibibigay sa Kawanihan ng Lupain. — Ang Pangasiwaan sa Lupa ay magbibigay sa Kawanihan ng Lupain ng duplikadong Kasulatan ng mga hakbang sa mga kahilingan sa pagbibili o sa iba pang pagpapasiya sa lupang sakahang pambayan sa ilalim ng pangangasiwa nito.

SEKSIYON 73.      Paglilipat ng mga Laang Gugulin, Kapangyarihan, Tungkulin, atb. — Ang Pambansang Pangasiwaan sa Paglilipat-Tadhana at Rehabilitasyon at ang Pangasiwaan ng Pagmamay-ari ng Lupa na binubuwag sa pamamagitan nito at ang kanilang mga kapangyarihan at tungkuling hindi nasasalungat sa Kodigong ito, natitira sa lahat ng laang-gugulin, pondo, kagamitan, kasulatan, at panustos, gayon din ang mga lupang sakahan, pambayan at pribado, na nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa, ay inililipat sa pamamagitan nito sa Pangasiwaan. Sa pasubali, Na ang tungkulin ng Pangasiwaan ng Pagmamay-ari ng Lupa ng nauukol sa ekspropriyasyon ng mga lupang pamayanan gaya ng itinatadhana ng mga umiiral na batas ay inililipat sa pamamagitan nito at mula ngayo'y isasagawa ng Samahang Ukol sa Pananahanan at Pagpapabahay.

Bilang dagdag sa mga laang-guguling dito'y inililipat, inilalaan sa pamamagitan nito mula sa mga pondong pangkalahatan sa Pambansang Ingatang-yaman na hindi pa nailalaan ang halagang limang milyong piso, o gaano man doong maaaring kailanganin, upang maisagawa ang mga layunin ng Kodigong ito.

Upang maisagawa ang pagsukat sa kabagayan at pag-uuri ng lupa na binabanggit sa talataang 12 ng Seksiyong limampu't isa sa Seksiyong isang daa't tatlumpu't dalawa ng Kodigong ito, inilalaan sa pamamagitan nito mula sa mga pondong di nailalaan ng Pambansang Ingat-yaman at halagang sampung milyong piso.

KABANATANG IV

Bangko sa Lupa

SEKSIYON 74.      Pagtatatag. — Upang pamuhunanan ang pagkuha ng Pamahalaan sa mga asyenda para sa paghahati-hati at muling pagbibili sa maliliit na maylupa gayon din sa pagbili ng lupa ng namumuwisan sa pagsasaka mula sa maylupa, ay itinatatag sa pamamagitan nito ang isang korporasyong makikilala bilang "Bangko sa Lupa ng Pilipinas," na mula ngayo'y tatawagin ditong ang "Bangko," na magkakaroon ng pangunang pook ng negosyo sa Maynila. Ang pag-iral na legal ng Bangko ay sa loob ng limampung taon na mabibilang mula sa petsa ng pagkapatibay nito. Nasasaklaw ang Bangko ng mga tuntunin at patakarang maaaring ilagda ng Bangko Sentral sa pana-panahon.

SEKSIYON 75.      Mga Kapangyarihan sa Pangkalahatan. — Upang maisakatuparan ang pangunahing layuning ito; ang Bangko ay magkakaroon ng kapangyarihang:

(1)       Magtakda, magpawalang-bisa, at magbago ng kanyang sariling alituntuning-panloob, magpasiya ng kanyang mga patakarang maaaring kailanganin upang makamit ang pangunahing layunin sa pagtatatag ng Bangko;   HTcADC

(2)       Magpatibay, magbago at gumamit ng isang tatak ng korporasyon;

(3)       Kumuha at magmay-ari ng mga ari-ariang di natitinag at personal, at ipagbili, isangla o sa ibang paraa'y pagpasiyahan ang mga iyon;

(4)       Magsakdal at maisakdal, gumawa ng mga kasunduan, at manghiram ng salapi mula sa mga mapagkukunang lokal at dayuhan. Ang gayong mga utang ay mapapasailalim ng pagpapatibay ng Pangulo ng Pilipinas at lubusang pananagutan ng Pamahalaan ng Pilipinas.

(5)       Sa tagubiling ng Lupon sa Pamumuhunan, ay maghawak, magmay-ari, bumili, kumuha, magbili o dili kaya'y mamumuhunan, o muling mamuhunan sa aksiyon, bono, o iba pang panagot na makapagbibigay ng Bangko ng tiyak na katamtamang kita na sapat upang makatustos sa kanyang mga gawaing pamumuhunan at mabigyan ang mga aksiyonistang pribado ng makatwirang kita sa kanilang hinahawakan: Sa pasubali, gayon pa man, Na sa pagkakabimbin ng pagtatag ng Lupon sa Pamumuhunan, ang Bangko'y maaaring gumamit ng mga kapangyarihang itinatadhana rito nang wala ang tagubilin ng nasabing Lupon sa Pamumuhunan. Sa pasubali pa, Na sakaling mabuwag ang Bangko sa Lupa ang lahat ng di-naipagbibiling lupang bayan na inilipat doon na maaaring iukol sa Pamahalaan ng Pilipinas sa panahon ng pagpipinid ng negosyo ng Bangko ay mauwi sa Kagawaran ng Pagsasaka at Likas na Kayamanan; at

(6)       Magkakaloob ng walang bayad, ng pagpapayo sa pamumuhunan at mga paglilingkod na tekniko na mga maylupang ang lupa ay kinuha ng Bangko sa Lupa. Para sa layuning ito, ay maaaring makipagkasundo ang Bangko sa Lupa ng paglilingkod ng mga kasangguniang pribado.

SEKSIYON 76.      Pagpapalabas ng Bono. — Sa tagubilin ng Lupon ng mga Katiwala at sa pagpapatibay ng Lupon sa Salapi ng Bangko Sentral, ang Bangko sa Lupa ay magpapalabas ng mga bono, mga pananagutan at iba pang mga katibayan ng pagkakautang sa mga katakdaan, halaga at kondisyon gaya ng maaaring ipasiya ng Bangko hanggang sa kabuuang halagang hindi hihigit, sa isang pagkakataon, sa limang higit na dami ng di-nababawasang puhunan at labis na kita niyon. Ang gayong mga bono at iba pang pananagutan ay sasagutin ng mga ari-arian ng Bangko at lubos na labas sa buwis maging sa puhunan at kita. Ang nasabing kita ay babayaran sa mayhawak ng bono tuwing ikaanim (6) ng buwan mula sa petsa ng pagkapalabas. Ang mga bono at iba pang pananagutang ito ay lubusang maipagbibili at walang pasubaling sinasagutan ng Pamahalaan ng Republika ng Pilipinas at matutubos kung nanaisin ng Bangko bago dumating ang takdang panahon nito, na sa ano mang pangyayari'y hindi lalampas ng dalawampu't limang taon. Ang mga negosyableng kasulatang ito ng pagkakautang ay maisasangla alinsunod sa mga kinagawiang pamamaraan at kalakaran sa pagbabangko sa mga institusyong pampamahalaan nang hindi lalampas sa animnapung porsiyento ng nasulat na halaga ng mga iyon upang ang mga mayhawak nito ay makagamit noon sa pamumuhunan sa mga hanapbuhay na kapaki-pakinabang. Tatanggapin din iyon bilang kabayaran sa mga kagamitan at materyales na bayad pinsala.

Ang lupon ng mga Katiwala ay magkakaroon ng kapangyarihang magtakda ng mga tuntunin at patakaran para sa pagpapatala ng mga bonong pinalabas ng Bangko sa kahilingan ng mga mayhawak niyon.

SEKSIYON 77.      Pagpapalabas ng mga Tanging Sapi ng Aksiyon Upang Mapuhunan sa Pagkuha ng mga Asyenda. — Sa pana-panahon, ang Bangko sa Lupa ay magpapalabas ng mga tanging sapi ng aksiyon sa daming hindi hihigit sa halagang anim na milyong piso ng tanging sapi gaya ng maaaring kailanganin upang mabayaran ang mga may-ari ng asyenda alinsunod sa mga Seksiyong walumpu at walumpu't isa ng Kodigong ito. Ang halaga ng saping mapalalabas ng Bangko ay hindi hihigit sa kabuuang halagang kailangan para mabayaran ang kinuhang mga asyenda sa proporsiyong itinatakda sa nasabing Seksiyong walumpu ng Kodigong ito. Isasama ng Lupon ng mga Katiwala bilang kinakailangang bahagi ng alituntuning panloob na palalabasin niyon sa ilalim ng Seksiyong pitumpu't lima ng Kodigong ito, noong mga pormula na sa akala niyon ay sapat para sa pagpapasiya ng linis na halaga ng kanyang mga hinahawakan bilang isang patnubay at saligan sa pagpapalabas ng mga tanging sapi. Ang mga sapi ng aksiyong pinalabas sa ilalim ng pahintulot ng tadhanang ito ay pananagutan ng kitang anim na porsiyento isang taon. Sa pangyayaring ang kita ng Bangko sa alin mang isang taong piskal ay hindi sapat upang ang Bangko, matapos magbigay ng makatuwirang pataan para sa pangangasiwa, mga pangyayaring di inaasahan at sa pag-uunlad, ay makapag-bigay ng mga dibidendo sa halagang sinasagutan, at halagang katumbas ng balanse ng kita ng Bangko para sa dibidendo at niyong kinakailangan upang bayaran ang halagang sinasagutan ay babayaran ng Bangko mula sa sarili niyang puhunan nguni't sa araw ding iyon na ang Bangko'y gumawa ng gayong pagbabayad, ang Pamahalaan ay magbabayad ng buo dito sa huli, na para sa layuning iyon ang gayong mga halaga na maaaring kailanganin upang ang Pamahalaan ay makagawa ng gayong pagbabayad ay inilalaan sa pamamagitan nito mula sa salaping nasa Pambansang Ingat-yaman na sa ibang paraa't hindi pa nailalaan. Magbibigay ng karampatang patalastas ang Bangko sa Komisyonado ng Badyet at sa Pangulo ng Pilipinas sa pangyayaring hindi iyon makapagbabayad ng sinasagutang halaga ng kita sa alin mang panahong piskal. Ang sinasagutang halaga ng kita sa mga saping ito ay hindi makahahadlang sa mga mayhawak niyon sa paglahok sa isang persentaheng higit na mataas sa anim na porsiyento sakaling ang kinita ng Bangko sa kaukulang panahong piskal ay hihigit sa sinasagutang halaga ng kita. Ang lupon ng mga Katiwala ay magpapahayag at mamamahagi ng mga dibidendo sa loob ng tatlong buwan pagkaraan ng pagsasara ng bawa't taong piskal sa sinasagutang halaga matangi kung ang higit na mataas na halaga ng kita ay pinatutunayan ng kinita ng Bangko matapos gumawa ng makatuwirang pataan sa pangangasiwa, mga pangyayaring di inaasahan at sa pag-unlad, na sa ganoong pangyayari ang mga dibidendo ay ipahahayag at ipamamahagi sa higit na mataas ng halaga. Ang tubo ng puhunan galing sa pagbibili o paglilipat ng gayong sapi at lahat ng kinitang galing doon sa uri ng mga dibidendo ay lubusang labas sa buwis.   DCcHIS

SEKSIYON 78.      Tanging Pondong Panagot. — Sa pangyayaring ang Bangko ay hindi makapagbayad sa mga bono, pananagutan, at iba pang mga obligasyong pinalabas niyon, isang tiyak na halaga noon ang ibabayad mula sa isang tanging pondong panagot na itatakda ng Pamahalaan, upang ipanagot sa obligasyon ng Bangko sa Lupa, at itinatag alinsunod sa Seksiyong ito, at sa gayong paraan, sa abot ng halagang nabayaran, ang Pamahalaan ng Republika ng Pilipinas ay mahahalili sa lahat ng karapatan ng mga mayhawak ng gayong mga bono, pananagutan o iba pang obligasyon; Sa pasubali, gayon pa man, Na sa susunod na sapat na taon pagkaraan ng pagkakatatag ng Bangko, ang pagbabayad sa tanging pondong panagot ay hindi dapat humigit sa isang milyong piso isang taon, na pagkaraan ng panahong iyon, ang Pamahalaan ay magbayad sa pondong panagot ng kabuuang limandaang libong piso bawa't taon hanggang sa ang kabuuang natipon ng gayong pondong panagot ay di kukulangin sa dalawangpung porsiyento ng natitirang linis na pananagutan ng Bangko sa Lupa sa katapusan ng alin mang isang taong kalendaryo.

Ang pondong panagot ay pangangasiwaan ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa paraang lalong naaalinsunod sa karta niyon. Para sa layunin ng gayong pondo, ilalaan taun-taon ang halagang isang milyong piso mula sa salaping nasa Pambansang Ingatang-yaman na sa ibang paraa'y nailalaan, hanggang umabot sa kabuuang halagang dalawampung milyong piso.

SEKSIYON 79.      Pagtanggap ng Bayad at Depositong Pamanahon. — Ang Bangko, sa ilalim ng pamamanihala ng Lupon sa Salapi at saklaw ng mga tadhana ng Batas sa Pangkalahating Pagbabangko, ay tatanggap ng mga naimpok at depositong pamanahon mula sa maliit na maylupa na sa kanilang kapakana'y ipinagbili ng Pangasiwaan sa Lupa ang mga lupang bayan o asyendang nakuha, at para sa layuning ito ay magtatatag at magpapanatili ng mga sangay at tanggapan doon sa mga pook na maaaring kailanganin upang paglingkuran ang gayong mga deposito. Ang Lupon sa Salapi ay siyang mamamanihala at magpapahintulot sa Bangko na tumanggap ng mga naimpok at depositong pamanahon mula sa mga taong bayan sa mga pook na ang mga kaluwagan para sa gayong paglilingkod ay hindi umiiral o hindi natutugunan nang sapat ng ibang institusyong lagakan.

SEKSIYON 80.      Pagbabayad sa mga May-ari ng Asyenda. — Ang Bangko sa Lupa ay magbabayad sa paraang dito'y itinatakda sa mga may-ari ng lupang nakuha ng Pangasiwaan sa Lupa para sa paghahati-hati at muling pagbibili sa ilalim ng Kodigong ito. Ang gayong pagbabayad ay gagawin sa ganitong paraan: sampung porsiyento sa salapi at ang natitirang balanse ay sa mga bonong sa anim na porsiyento walang buwis at matutubos, na pinalabas na Bangko alinsunod sa Seksiyong pitumpu't anim, matangi kung ninanais ng maylupa na mabayaran ng sapi ng aksiyon na pinalabas ng Bangko sa Lupa alinsunod sa Seksiyong pitumpu't pito sa halagang hindi hihigit sa tatlumpung porsiyento ng halaga sa pagkabili.

Sa pangyayaring may umiiral na angking-legal o pataw na sagutin sa lupa sa kapakinabangan ng alin mang institusyon ng pamahalaan sa panahon ng pagkakuha ng Bangko ng Lupa, ang mga bono at/o sapi, sa ganong pagkakasunod, ay tatanggapin bilang pamalit na kolateral upang ipanagot sa pagkakautang.

Ang mga tubong natitipon sa kabayaran ay malalabas sa buwis ng tubo sa puhunan.

SEKSIYON 81.      Puhunan. — Ang pinahihintulutang puhunan ng Bangko ay magiging isang bilyong limang daang milyong piso na mahahati sa siyamnapung milyong sapi na may takdang halagang sampung piso bawa't isa, ang lubusang bibilhin ng Pamahalaan at animnapung milyong tanging sapi na may takdang halagang sampung piso bawa't isa na palalabasin alinsunod sa mga tadhana ng mga Seksiyong pitumpu't pito at walumpu't tatlo ng Kodigong ito. Sa kabuuang puhunang bibilhin ng Pamahalaan, dalawang daang milyong piso ang babayaran ng Pamahalaan sa loob ng isang taon mula sa pagkatibay ng Kodigong ito, at isang daan milyong piso taun-taon pagkaraan niyon sa loob ng dalawang taon na para sa ganoong layunin ang halagang dalawang daang milyong piso ay inilalaan sa pamamagitan nito sa pagkakabisa ng Kodigong ito, ay isang milyong piso taun-taon sa susunod na dalawang taon pagkaraan niyon, mula sa pondo sa Pambansang Ingatang-yaman na sa ibang paraa'y hindi pa nailalaan para sa layunin. Sa pasubali, Na kung walang sapat na pondo sa Pambansang Ingatang-yaman para sa paglalaang dito'y ginawa, ang Kalihim ng Pananalapi sa pagpapatibay ng Pangulo ng Pilipinas, ay magpapalabas ng mga bono o ibang katibayan ng pagkakautang na ipakikipagtalastasan maging sa loob ng o sa ibang bansa doon sa halagang maaaring kailanganin upang matakpan ang ano mang kakapusan sa halagang inilaan sa itaas nguni't hindi hihigit sa apat na raang milyong piso, na ang kikitain ay inilalaan sa pamamagitan nito: Sa pasubali pa, Na ang mga bonong palalabasin sa loob ng bansa ay hindi tutustusan ng Bangko Sentral. Sa pasubali, sa wakas, Na kusang inilalaan mula sa mga pondong hindi nailaan sa Pambansang Ingatang-yaman iyong halagang kailangan upang matakpan ang mga pagkalugi ng kabibilangan bukod sa ibang mga bagay ng pagkalugi sa kita dala ng katakdaan ng halaga sa muling pagbibili na dito'y itinatadhana sa paraang nasabing halaga kasama ang mga gugol sa pangangasiwa ng binanggit sa Seksiyong siyamnapu at hindi hihigit ang kabuuan sa katumbas ng dalawa at kalahating porsiyento ng mga puhunang dito'y tinakdaan.

SEKSIYON 82.      Mga Sapi ng Pamahalaan. — Ang lahat ng sapi ng aksiyon sa Bangko na binili o ari ng Pamahalaan ay hindi magkakaroon ng karapatang makalahok sa kitang natitipon ng Bangko mula sa mga pamumuhunan at iba pang pagpapalakad, maging sa uri ng salapi o dibidendo ng eksiyon o iba pa man. Ang halagang ginugol sa pangangasiwa ng Bangko ay hindi maituturing ng paglahok ng Pamahalaan sa kita.

SEKSIYON 83.      Mga Tanging Sapi. — Ang lahat ng mga tanging sapi na pinalabas sa ilalim ng Seksiyong pitumpu't pito ng Kodigong ito ay may karapatan sa kitang natitipon ng Bangko sa mga pamumuhunan at iba pang pagpapalakad nito at magkakaroon ng may takdang karapatang maghalal taun-taon ng isang kagawad ng Lupon ng mga Katiwala at isang kagawad ng Lupon sa Pamumuhunan: Sa pasubali na, Na ang may mayhawak ng gayong mga tanging sapi ng aksiyon ay hindi maghaharap ng mga sakdal bunga ng gayong karapatan laban sa Bangko. Ang gayong mga tanging sapi ay lubusang maisasalin: Sa pasubali pa, Na sa pagkabuwag ng Bangko, ang pagtubos sa gayong mga tanging sapi ay bibigyan ng pangunang pagkakataon at pananagutan sa takdang halaga.   IEaATD

SEKSIYON 84.      Pagboto ng mga Sapi. — Ang kapangyarihan sa pagboto ng lahat ng sapi ng aksiyon ng Bangko sa Lupa na ari o hawak ng Pamahalaan ay masasalalay sa pangulo ng Pilipinas o doon sa tao o mga tao na maaari niyang hirangin sa pana-panahon.

SEKSIYON 85.      Gamit ng mga Bono. — Ang mga bonong pinalabas ng Bangko sa Lupa ay maaaring gamitin ng mayhawak niyon at tatanggapin sa halagang nakasulat bilang isa sa mga sumusunod:

(1)       Kabayaran sa mga lupang sakahan o iba pang ari-ariang di natitinag na binili sa Pamahalaan.

(2)       Kabayaran sa pagbili ng mga sapi ng aksiyon ng lahat o halos lahat ng mga aring-puhunan ng sumusunod na mga korporasyong ari o hawak ng Pamahalaan.: National Development Company; Cebu Portland Cement Company; National Shipyards and Steel Corporation; Manila Gas Corporation; at Manila Hotel Company.

Sa alok ng may hawak ng bono, ang korporasyong ari o hawak ng Pamahalaan ay makikipag-ayos, sa pamamagitan ng Lupong Patnugutan niyon, sa gayong mayhawak ng bono hinggil sa halaga at iba pang katakdaan at kondisyon ng pagbibili. Sakaling may iba't ibang mayhawak ng bono na nag-aalok, ang isang pumapayag na bumili sa ilalim ng mga katakdaan at kondisyong lalong kapaki-pakinabang sa korporasyon ay siyang pipiliin. Kung walang halaga na maaaring tanggapin ng korporasyon, ang gayon ay pagpapasiyahan ng isang Lupon sa Pagtaya na bubuuin ng tatlong kagawad, ang isa'y hihirangin ng korporasyon, ang isa naman ay mayhawak ng bono ng gumagawa ng pinakamataas o tanging alok, at ang ikatlo nang magkapareho ng korporasyon at ng nanalong bumibili.

Sakaling ialok ng Pamahalaan upang ipagbili sa taong bayan ang alin man o lahat ng sapi ng aksiyon o ang mga aring-puhunan ng alin man sa nabanggit ditong mga korporasyong ari o hawak ng Pamahalaan, ang sumusubastang nag-aalok ng magbayad sa bono ng Bangko sa Lupa ay siyang pipiliin sa pasubaling ang iba't ibang subasta ay magkakapareho sa lahat ng bagay maliban sa paraan ng pagbabayad.

(3)       Mga piyansang panagot o panupad sa lahat ng pangyayari na maaaring hingin o tanggapin ng Pamahalaan ang ari-ariang natitinag bilang mga piyansa; at

(4)       Kabayaran sa mga bagay na bayad-pinsala.

SEKSIYON 86.      Lupon ng mga Katiwala. — Ang mga gawain at negosyo ng Bangko ay pamamatnugutan, ang mga kapangyarihan niyon ay gagamitin at ang mga ari-arian niyo'y pamamahalaan at iingatan ng isang Lupon ng mga Katiwala. Ang gayong Lupon ay bubuuin ng isang Tagapangulo at apat na kagawad, na ang isa'y siyang puno ng Pangasiwaan sa Lupa na magiging kagawad na ex-officio ng gayong Lupon at ang isa ay ihahalal ng mga mayhawak ng mga tanging sapi. Ang Tagapangulo at dalawang kagawad ng Lupon ng mga Katiwala ay manunungkulan ng buong panahon sa Bangko. Matangi sa puno ng Pangasiwaan sa Lupa at ng Kagawad ng inihalal ng mga mayhawak ng tanging sapi, ang Tagapangulo at ang lahat ng kagawad ng Lupon ay hihirangin ng Pangulo sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang sa taning na pitong taon, maliban sa ang unang Tagapangulo at mga kagawad na hihirangin sa ilalim ng Kodigong ito ay manunungkulan sa taning ng tatlo, lima, at pitong taon, na ang gayong mga taning ay titiyakin sa kani-kanilang nobramiyento. Pagkaraan niyon, ang Tagapangulo at mga kagawad, matangi sa kagawad na ex-officio, na hinirang pagkatapos ng gayong panimulang paghirang ay, manunungkulan sa taning na pitong taon kasama ng sino mang Tagapangulo o kagawad ng hihirangin sa puwesto ng isang nagbitiw ng katungkulan o itiniwalag o sa ibang paraan ay mag-iiwang bakante ng kanyang puwesto bago matapos ang kanyang panahong pitong taong panunungkulan. Ang Tagapangulo at ang dalawang kagawad ng Lupon na buong panahong manunungkulan ay gaganap bilang mga puno ng mga kagawarang kumikilos na maaaring itatag ng Lupon sa ilalim ng kapangyarihang ipinagkaloob ng Seksiyong walumpu't pito ng Kodigong ito. Ang Tagapangulo ay may kapangyarihan, na maisasakatuparan sa kanyang pagpapasiya, na magpasiya sa pana-panahon ng mga sangay sa pagkakatatag na pamumunuan ng bawa't isang kagawad na naglilingkod sa buong panahong panunungkulan at gumawa ng kaukulang paglilipat-lipat sa tungkulin alinsunod doon. Ang sahod ng Tagapangulo at ng mga kagawad sa Lupon ng mga Katiwala na naglilingkod ng buong panahong panunungkulan ay magiging dalawampu't apat na libo at labing-walong libong piso, alinsunod sa pagkakasunud-sunod. Ang ibang kagawad ng Lupon ay tatanggap ng diyetang isang daan piso sa bawa't pulong ng Lupon sa kanilang daluhan.

SEKSIYON 87.      Ang Tagapangulo at mga Pangalawang Tagapangulo. — Ang Tagapangulo ng Lupon ay siyang magiging punong tagapagpaganap ng Bangko. Magkakaroon siya ng tuwirang paghawak at pamamanihala sa negosyo ng Bangko sa lahat ng bagay na sa Kodigong ito o sa mga alituntuning panloob ng Bangko ay hindi tiyakang inilalaan upang isagawa ng Lupon ng mga Katiwala. Tutulungan siya ng isang Pangalawang Tagapangulong Tagapagpaganap at ng isa o higit pang mga pangalawang tagapangulo na pipiliin at maaaring alisin ng Lupon ng mga Katiwala. Ang mga sahod ng mga Pangalawang Tagapangulo ay itatakda ng Lupon ng mga Katiwala na may pagpapatibay ng Pangulo ng Pilipinas.

SEKSIYON 88.      Mga Katangian ng mga Kagawad. — Walang sino mang taong hihiranging Tagapangulo o kagawad ng Lupon matangi kung siya'y isang taon kinikilalang may karangalan, katapatan, kasanayan at karanasan sa larangan ng Pagbabangko at pananalapi, tatlumpu't limang taon man lamang ang gulang at nag-aangkin ng naipamalas na kahusayan at kakayahang pampangasiwaan.

SEKSIYON 89.      Lupon sa Pamumuhunan. — Magkakaroon ng isang Lupon sa Pamumuhunan na bubuuin ng tatlong kagawad: ang kagawad ng lupon ng mga Katiwala na inihalal ng mga mayhawak ng tanging sapi bilang Tagapangulo, isang kagawad na hihirangin ng Pangulo ng Pilipinas mula sa mga kagawad ng Pamahalaan sa Lupon ng mga Katiwala, at isa pang kagawad na ihahalal ng mga mayhawak ng mga tanging sapi sa ilalim ng Seksiyong walumpu't tatlo ng Kodigong ito. Itatagubilin ng Lupon sa Pamumuhunan sa Lupon ng mga Katiwala, ang mga korporasyon o samahang siyang bibilhan ng bangko sa Lupa ng mga sapi ng aksiyon.   ADEacC

Ang Bangko sa Lupa'y hindi mamumuhunan sa alin mang korporasyon, samahan o kompanya na may sino mang kagawad ng Lupon ng mga Katiwala o ng Lupon sa Pamumuhunan o ang kanyang asawa, tuwirang inanak o ninuno na may tunay na malasakit sa pananalapi o may pakikilahok sa pamamahala o paghawak ng samahan maliban sa buong pagkakaisang boto ng mga kagawad ng Lupon ng mga Katiwala at ng Lupon sa Pamumuhunan, na hiwalay ang kagawad na may malasakit, sa isang magkalakip na pulong na idaraos para sa gayong layunin na doon ang makatwiran at buong kabatiran tungkol sa lawak ng gayong malasakit o pakikilahok ay sapat na isiniwalat sa sulat at itinala sa mga katitikan ng pulong. Sa pasubali, Na ang gayong kagawad na may malasakit ay hindi lalahok sa ano mang paraan sa mga pagtatalakayan at magpipigil sa paggamit ng ano mang kapangyarihan o impluwensiya sa kanino mang pinuno o kagawad ng bangko na ang mga tungkulin ay nauugnay o nauukol sa pamumuhunan ng mga pondo ng Bangko sa samahan: Sa pasubali pa, Na ang kabuuang pamumuhunan sa isang korporasyon, samahan, kompanya o kapisanan ay hindi hihigit sa limang porsiyento ng kabuuang pondong maipamumuhunan.

SEKSIYON 90.      Tauhan; Gugol sa Pangangasiwa. — Ang mga gugol na pampangasiwaan ng Bangko sa loob ng alin mang isang taong piskal ay hindi hihigit sa ano mang pangyayari sa dalawa at kalahating porsiyento ng kabuuang aring-puhunan niyon. Ang Lupon ng mga Katiwala ay magtatakda para sa isang pagkakatatag at pangkat ng mga pinuno at kawaning kinakailangan upang maisakatuparan ang mga gawain ng Bangko, magtatakda ng kanilang sahod, at hihirang at mag-aalis ng gayong mga pinuno at kawani nang may dahilan. Ang mga pinuno at kawani ng Bangko ay masasaklaw ng mga tuntunin at patakaran ng Komisyon ng Serbisyo Sibil ang mga tuntunin at Patakaran para sa pagkalap, paghirang, pasahod, pangangasiwa, ugali, pagtataas at pag-aalis ng lahat ng pinuno at kawani ng Bangko sa ilalim ng mahigpit na pamamaraan sa pagiging dapat at magbibigay ng mga pagsusulit sa ilalim ng pamamanihala ng nasabing Komisyon.

SEKSIYON 91.      Tagapayo sa Batas. — Ang Kalihim ng Katarungan ay siyang magiging tagapayo sa batas na ex-officio ng Bangko. Sa Lupa ng alin mang tadhana ng batas na nasasalungat ang Bangko sa Lupa ay magkakaroon ng kanyang sariling Kagawaran sa Batas, na ang puno at mga kagawad ay hihirangin ng Lupon ng mga Katiwala. Ang pagkakabuo, badyet at mga gugol sa pagpapalakad ng Tanggapan ng Tagapayo sa Batas at ang mga sahod ay gugol sa paglalakbay ng mga pinuno at niyon ay itatakda ng Lupon ng mga Katiwala at babayaran ng Bangko.

SEKSIYON 92.      Tagasuri. — Ang Tagasuring Pangkalahatan ay siyang magiging tagasuring ex-officio ng Bangko at hihirang ng isang kinatawan, na siyang magiging tagasuring mamamahala sa tanggapan ng pagsusuri ng Bangko. Ang tagasuring Pangkalahatan, sa tagubilin ng tagasuri ng Bangko, ay hihirang o mag-aalis ng mga tauhan ng tanggapan ng pagsusuri at ang mga sahod at gugol sa paglalakbay ng mga pinuno at kawani niyon ay itatakda ng Lupon ng mga Katiwala at babayaran ng bangko sa kabila ng alin mang tadhana ng batas na salungat.

SEKSIYON 93.      Ulat sa Kalagayan ng Bangko. — Ang kinatawan ng Tagasuring Pangkalahatan ay gagawa ng tatluhang buwang ulat hinggil sa kalagayan ng Bangko sa Pangulo ng Pilipinas, sa Senado sa pamamagitan ng Pangulo niyon, sa Kapulungan ng mga Kinatawan sa pamamagitan ng Espiker niyon, sa Kalihim ng Pananalapi, sa Tagasuring Pangkalahatan at sa Lupon ng mga Katiwala ng Bangko. Ang ulat ay maglalaman, kabilang ng ibang mga bagay, ng ulat sa mga kayamanan, at pananagutan kasama na ang mga kinita at mga ginugol, ang halaga ng salaping puhunan, labis, panlaan at tubo, gayon din ng mga pagkalugi, mga pautang na di mabayaran, at mga papeles na pinigil at lampas na sa takdang panahon na nakalagay sa mga aklat bilang mga aring-puhunan ng Bangko, at isang plantilya ng Bangko.

SEKSIYON 94.      Mga Tuntunin at Patakaran sa Pagsusuri. — Tungkol sa Bangko, ang Tagasuring Pangkalahatan ay babalangkas ng mga pinabuti at maunlad na mga tuntunin at patakaran sa pagsusuri na naglalayong mapadali ang mga pagpapalakad ng Bangko at maiwasan ang pagkakaroon ng mga kaantalahan at pagkapigil ng maayos na takbo ng gawain niyon.

SEKSIYON 95.      Pagtitiwalag ng mga Kagawad. — Ang Pangulo ng Pilipinas ay maaari, sa ano mang oras, na magtiwalag sa Tagapangulo o sino mang kagawad ng Lupon na kanyang hinirang kung hinihingi ng pakakanan ng Bangko, sa alin man sa mga sumusunod na dahilan:

(1)       Tiwaling pamamahala, malubhang pagmamalabis sa paggamit ng pagpapasiya, kawalang katapatan sa paghawak ng pag-uugnayang pampananalapi, o malaking kapabayaan sa pagtupad ng mga tungkulin;

(2)       Di-pagkamatapat, pagpapasama, o ano mang gawang kinapapalooban ng kaimbihang asal; at

(3)       Ano mang gawa o panunuparang makapipinsala o makasisira ng pangunahing mga karapatan ng mga aksiyonista.

Ang pagkahatol sa Tagapangulo o sa isang kagawad sa isang pagkakasalang nagtataglay ng kaparusahang higit pa sa arresto mayor ay magiging sanhi ng pagkatiwalag ng gayong Tagapangulo o kagawad nang hindi na kinakailangan ang pasiya ng Pangulo.

Ang Tagapangulo o kagawad, sa alin man sa mga pangyayaring nasa unahan, ay maaaring papanaguting sibil para sa ano mang kapinsalaang maaaring danasin ng mga aksiyonista.

SEKSIYON 96.      Paglilipat ng mga Paghahabol at Pananagutan. — Ang mga aring-puhunan ng dating Pangasiwaan ng Pagmamay-ari ng Lupa at ng Pambansang Pangasiwaan sa Paglilipat Tahanan at Rehabilitasyon sa anyo ng mga paghahabol at matatanggap na kabayaran mula sa pagbibili o paglilipat ng mga lupaing pribado at pambayan, kagamitang pansakahan, makinarya, kasangkapan at mga hayop na panggawa, nguni't hindi kasama ang mga paunang ibinigay para sa ikabubuhay, sa maliliit na maylupa ay ililipat nang di mababawi sa Bangko sa ilalim noong mga pag-aayos gaya ng mapagkasunduan ng Pangasiwaan sa Lupa at ng Bangko, matapos ng isang puspusang paghahalaga upang matiyak ang tunay nilang halagang pag-aaring puhunan. Pagkatapos noon, ang Bangko ay magkakaroon ng kapangyarihan at kasaklawan sa pangangasiwa ng mga paghahabol, paniningil at paggawa ng pag-aayos doon at sa pangkalahatan, gumawa ng lahat ng ibang hakbang ukol sa pangangasiwa ng mga paghahabol na hawak ng isang institusyon sa pananalapi. Ang Pangasiwaan sa Lupa, sa kahilingan ng Bangko, ay tutulong sa huli sa pagsingil ng gayong mga paghahabol. Ang Pangasiwaan sa Lupa ay magkakaroon ng karapatang sumingil sa Bangko nang hindi lalabis sa tunay na gugol sa gayong paglilingkod sa paniningil na maipagkaloob niyon. Ang mga paghahabol ng inilipat sa ilalim ng Seksiyong ito ay hindi ituturing bilang bahagi ng suskrisyon ng Pamahalaan sa puhunan ng Bangko.   HADTEC

SEKSIYON 97.      Patakaran. — Ang Bangko ay hindi masasaklaw ng mga batas, tuntunin at patakarang nakapamahala sa mga bangko at ibang institusyon sa pananalapi na ano mang uri maliban kung tungkol sa pagtanggap ng mga impok at depositong pamanahon alinsunod sa Seksiyong pitumpu't siyam ng Kodigong ito, na sa gayong pangyayari ang panlaang legal at iba pang kinakailangang itinakda ng Bangko Sentral para sa gayong mga deposito ay mauukol. Ang Bangko ay palalakarin bilang isang tanggapang may sariling pamamahala at sasailalim ng pamamanihala ng Bangko Sentral.

SEKSIYON 98.      Labas sa Buwis. — Ang mga pagpapalakad, gayon din ang mga hawak, kagamitan, ari-arian, kita at natitipon ng Bangko buhat sa ano mang pinagkukunan ay ganap na labas sa pagbabayad ng buwis.

SEKSIYON 99.      Pagtatatag ng Bangko. — Ang Bangko ay itatatag sa loob ng isang taon mula sa petsa ng pagkakabisa ng Kodigong ito.

SEKSIYON 100.    Parusa sa Paglabag sa mga Tadhana ng Kabanatang ito. — Ang sino mang katiwala, pinuno, kawani o kinatawan ng Bangko na lumabag o magpahintulot sa paglabag ng alin man sa mga tadhana ng Kabanatang ito, o ang sino mang tumulong o magpaubaya sa mga paglabag ng alin man sa mga tadhana ng Kabanatang ito, ay parurusahan ng multang hindi hihigit sa sampung libong piso o ng pagkabilanggong hindi hihigit sa limang taon, o kapwa multa at pagkabilanggo sa pagpapasiya ng Hukuman.

KABANATANG V

Pangasiwaan Ng Pagpapautang Sa Pagsasaka

SEKSIYON 101.    Muling Pagtatatag ng ACCFA Upang Mapahusay ang mga Gawain Nito. — Ang pagkakabuong pampangasiwaan ng Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka at Pamumuhunan sa Kooperatiba na itinatag sa ilalim ng Batas ng Republika Bilang Walong daan at dalawampu't isa, na sinusugan ng Batas ng Republika Bilang Labindalawang daan at walumpu't lima, ay ibabangong-tatag upang maihanap ang mga gawain nito sa mga kailangan at layunin ng Kodigong ito at makikilala bilang Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka.

SEKSIYON 102.    Pamumuhunan. — Upang pamuhunanan ang karagdagang gawin sa pagpapautang ng Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka bilang bunga ng palatuntunan sa reporma sa lupa na itinakda sa Kodigong ito, inilalaan sa pamamagitan nito ang halagang isang daan at limampung milyong piso mula sa mga pondo sa Pambansang Ingatang-yaman na hindi nailalaan sa ibang bagay bilang karagdagan sa umiiral na laang-gugulin para sa Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka at Pamumuhunan sa Kooperatiba.

SEKSIYON 103.    Karapatan sa Pagdidiskuwentong Muli. — Ang Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka ay pinagkakalooban sa pamamagitan nito ng pribilehiyo sa rediskuwento sa Bangko Sentral ng Pilipinas, sa Bangko sa Pagpapaunlad ng Pilipinas at sa Bangko Nasyonal ng Pilipinas ng karapat-dapat na katibayan ng pagkakautang na nakamit nito sa kanyang mga gawaing ipinahihintulot sa patubong katumbas ng pinakamababang sinisingil ng mga institusyon sa pamumuhunang nasa itaas sa sino mang tao o samahang pribado.

SEKSIYON 104.    Kapangyarihang Makapagtamo ng Karagdagang Pondo. — Walang bahagi sa Seksiyong ito na magtatakda ng kapangyarihan ng Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka na makapagtamo sa Bangko Sentral ng Pilipinas, sa Bangko sa Pagpapaunlad ng Pilipinas, sa Bangko Nasyonal ng Pilipinas at sa iba pang institusyon sa pamumuhunan, noong mga karagdagang pondo na maaaring kailanganin para sa mabisang pagpapatupad ng Batas na ito: Sa pasubali, Na ang nasabing karagdagang mga pondo ay gagamitin sa pagpapautang sa mga magsasaka at/o sa mga kooperatiba ng mga magbubukid.

SEKSIYON 105.    Gawain sa Pagpapautang. — Ang mga gawain sa pagpapautang ng Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka ay pamamatnugutan upang pasiglahin ang pagpapaunlad at pagpapalakad ng mga kooperatiba ng mga magbubukid. Ang katawagang "Kooperatiba ng mga Magbubukid" ay tatanggaping kinabibilangan ng lahat ng kooperatibang may kaugnayan sa produksiyon at pagsasapamilihan ng mga produkto ng pagsasaka at yaong itinatag upang mamahala at/o magmay-ari, sa batayang kooperatiba, ng mga paglilingkod at mga kaluwagan, katulad ng patubig at transportasyon, na itinayo upang makatulong sa produksiyon at/o pagsasapamilihan ng mga produkto ng pagsasaka.

Sa ilalim noong mga tuntunin at patakarang naaalinsunod sa tinatanggap na pangkalahatang ginagawa at pamamaraan sa pagbabangko na maaaring ipahayag ng Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka, ang mga Bangko Rural at Bangko sa Pagpapaunlad, sa kani-kanilang pook ay maaaring italaga na gumanap bilang mga kinatawan ng Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka na kaugnay ng mga gawain sa pagpapautang nito.

SEKSIYON 106.    Pagpapautang sa Maliliit na Magbubukid. — Ang mga pagpapautang sa produksiyon at ang mga pagpapautang para sa pagbili ng mga hayop na panggawa, mga kasangkapan sa paglilinang, binhi, pataba, manukan, malalaking hayop, pagkain ng hayop at iba pang katulad ng bagay, ay maaaring ipagkaloob sa maliliit na magbubukid gaya ng nililiwanag sa Batas ng Republika Bilang Walong daan at dalawampu't isa, batay sa kanilang kakayahan sa pagbabayad at doon sa mga panagot na maaari nilang maibigay, at sa ilalim noong mga katakdaan at kondisyong maaaring ipataw ng Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka, kailan ma't ang halaga noo'y hindi hihigit sa dalawang libong piso, o noong halagang maaaring itakda ng Pangulo, nguni't sa ano mang pangyayari'y di hihigit ang halaga ng pautang sa walumpung porsiyento ng halaga ng isinasagot na garantiya. Sa mga pangyayaring ang pagpapautang ay ipinagkaloob para sa mga bagay na hindi nauubos sa paggamit noon, ang gayong mga bagay ay maaaring ipanagot sa utang. Ang Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka ay maglalagda noong mga tuntunin at patakarang maaaring kailanganin sa pagbibigay ng mga pagpapautang na dito'y ipinahihintulot upang matiyak ang pagbabayad nito: Sa pasubali, Na ang gayong mga tuntunin at patakaran ay masusunod at maaayon sa pangkalahatang ginagawa at pamamaraan sa pananalapi.

SEKSIYON 107.    Panagot para sa Utang. — Ang produksiyon ng mangungutang, matapos bawasin ang upa sa pamumuwisan at/o angking-legal dito, ay tatanggapin bilang panagot sa utang: Sa pasubali, Na ang nasabing produksiyon, ay ipinanagot sa Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka na may angkop na pangangalaga upang makatiyak laban sa walang pahintulot na pagpapasiya rito: Sa pasubali pa, Na ang halaga ng utang ay di hihigit sa animnapung porsiyento ng halaga ng tinatayang produksiyon.   DcHSEa

SEKSIYON 108.    Pagpapautang sa mga Kooperatiba. — Ang pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka ay binibigyang-kapangyarihan sa pamamagitan nito na magkaloob noong mga uri ng pagpapautang na maaaring ipalagay nitong kailangan para sa mabisang pagpapatupad ng Kodigong ito, sa mga nararapat na kooperatiba ng mga magbubukid gaya ng nililiwanag dito, sa ilalim noong pananagot na maaari nitong kailanganin. Ang isang kooperatiba ng mga magbubukid na ipinatala sa Komisyon ng Patnugot at Palitan at nakaanib sa Pangasiwaan ng Pagpapautang kung, sa palagay nitong huli, ang pagkakatatag nito, pamamahala at patakaran sa pangangalakal ay nasa katayuang makatitiyak sa kaligtasan at mabisang paggamit ng gayong mga pautang.

SEKSIYON 109.    Pautang para sa Pagpapatayo o sa Pagbili ng mga Kaluwagan. — Ang mga pautang para sa pagpapatayo o pagbili ng mga kaluwagan ng mga kooperatiba ng mga magbubukid ay maaaring ipagkaloob ng Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka.

SEKSIYON 110.    Patubo sa mga Pautang. — Ang kabuuang sisingilin kasama na ang patubo at bayad sa seguro sa lahat ng uri ng pautang ay hindi hihigit sa walong porsiyento isang taon. Sa pasubali, Na kung ang pagkasira ng pamumuhunan ng Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka ay napipinto dahil sa natatakdang patubo na itinatadhana rito, ay kusang inilalaan mula sa mga pondong hindi nailalaan sa Pambansang Ingatang-yaman yaong halagang maaaring kailanganin upang matakpan ang pagkalugi ng Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka, nguni't hindi hihigit sa anim na milyong piso sa alin mang isang taon.

SEKSIYON 111.    Pagtatatag ng Pinamamahalaang Pagpapautang. — Upang mapagkalooban sa mabisang paggamit ng inutang ang mga magbubukid, ang Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka ay maaaring magtatag ng isang palatuntunan sa pamamahala sa pagpapautang sa pakikiisa sa Komisyon ng Pagpapasagana at Ani sa Pagsasaka.

SEKSIYON 112.    Patnubay sa mga Kooperatiba. —Ang Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka ay magkakaroon ng kapangyarihan sa pagtatala at pagbibigay ng patnubay sa pag-utang o tulong sa lahat ng Kooperatiba sa pagsasaka pati na ang kooperatiba sa patubig at iba pang samahang kooperatiba o korporasyon sa pondo.

SEKSIYON 113.    Pagsusuri sa mga Pagpapalakad. — Para sa mabisang pamamahala ng mga kooperatiba ng mga magbubukid, ang puno ng Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka ay magkakaroon ng kapangyarihang suriin ang kanilang pagpapalakad sa mga kasulatan at aklat ng kuwenta at maglagda ng subpoena at subpoena duces tacum upang pilitin ang pagharap ng mga saksi at ang pagpapakita ng mga aklat, mga kasulatan at mga tala sa pamamaraan ng ganoong pagsusuri o sa ano pa mang pagsisiyasat sa kanilang gawain. Ang sino mang tao na, na walang makatarungang dahilan ay magkulang na sumusunod sa nasabing subpoena o subpoena duces tacum ay maaaring maparusahan, pagkatapos maidaraos ng puno ng Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka sa angkop na hukuman, dahil sa kalapastanganan sa paraang itinakda ng batas at kung siya ay pinuno ng samahan, sa pagkapigil o pagkaalis sa katungkulan.

SEKSIYON 114.    Pag-uusig sa mga Pinuno. — Ang Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka, sa pamamagitan ng Kinauukulang piskal panlalawigan o panglunsod, ay magkakaroon ng kapangyarihang magharap at mag-usig ng alin man at lahat ng sakdal na maaaring mayroon ito laban sa sino pa man o sa lahat ng pinuno o kawani ng kooperatiba ng mga magbubukid na nagbubuhat sa di pagtalima o di panunuparang ganap sa tungkulin.

SEKSIYON 115.    Walang Bayad na Paglilingkod sa Pagnonotaryo. — Ang sino mang hukom pamayapa, sa kanyang kakayahan bilang notaryo ex-officio, ay magkakaloob ng paglilingkod na walang bayad sa sino mang taong may kahilingan sa pag-utang sa ilalim ng Kodigong ito maging sa pagpapanumpa o sa pagpapatunay sa mga kasulatang kaugnay ng ganoong utang.

SEKSIYON 116.    Walang Bayad na Pagpapatala ng mga Kasulatan. — Ang sino mang tagapagtala ng mga kasulatan ay tatanggap ng walang bayad sa pagpapatala ng anumang kasulatang may kaugnayan sa pag-utang na ginawa sa ilalim ng Kodigong ito.

SEKSIYON 117.    Pagkansela sa mga Pautang na Walang Panagot at Di-nababayarang Utang. — Saklaw ng pagpapatibay ng Pangulo sa Pagtatagubilin ng Tagasuring Pangkalahatan, ang Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka ay maaaring kanselahin sa mga aklat nito, ang mga di-nababayarang utang na walang panagot at mga kuwentang matatanggap na di-masingil dahil sa pagkamatay at mga pagkawala ng may-utang, kung walang nakikitang paraang masingil iyon sa hinaharap na mga araw, o kung ang may-utang ay napatunayang walang kinikita o ano mang ari-ariang maaaring ibayad. Sa lahat ng pangyayari, ang pagkansela ay isasagawa makaraan ang limang taon mula sa petsa ng hindi pagbabayad ng may-utang.

SEKSIYON 118.    Pagkalibre Impuwesto, Buwis at Pataw. — Ang Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka ay libre sa pamamagitan nito sa pagbabayad ng lahat ng impuwesto, buwis, pataw, at butaw, pati na sa bayad sa anumang uri ng daket at serip sa pagtupad ng kanyang mga tungkulin at sa pagsasagawa ng kanyang mga kapangyarihan dito.

KABANATANG VI

Komisyon Ng Pagpapasagana Ng Ani Sa Pagsasaka

SEKSIYON 119.    Pagtatatag ng Komisyon ng Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka. — Para sa layuning mapabilis ang maunlad na pagpapaayos sa pagpapasagana ng ani ng mga bukid, ang pagka-sulong ng mga magbubukid at ang pagpapalakas ng umiiral na mga paglilingkod sa pagpapalawak ng pagsasaka sa pamamagitan ng pagbubuo ng lahat ng gawain sa pagtataguyod, pagtuturo at pagpapabatid na nahihinggil sa pagsasaka, ang kasalukuyang Kawanihan ng Pagpapalawak sa Pagsasaka ng Kagawaran ng Pagsasaka at Likas na Kayamanan ay inilalagay sa pamamagitan nito na tuwirang nasa ilalim ng pagpapaganap na pangangasiwa at paghahawak ng Pangulo at mula ngayo'y muling pinanganganlang Komisyon sa Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka.

Sa pagkakabisa ng Kodigong ito, ang Komisyon sa Pagsasamahan sa Pagsasaka ng Kagawaran ng Katarungan kasama ang mga kapangyarihan nito, tungkulin, pananagutan, salansanan, kasulatan, panustos, kagamitan, tauhan at natitirang balanse ng laang-gugulin, ay inilagay sa pamamagitan nito sa ilalim ng Komisyon ng Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka bilang hiwalay na tanggapan.   ADCEaH

SEKSIYON 120.    Komisyonado ng Komisyon ng Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka. — Ang Komisyon ng Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka ay pangangasiwaan ng isang Komisyonado ng Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka ay pangangasiwaan ng isang Komisyonado ng Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka na hihirangin ng Pangulo na may pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang at magkakaroon ng sahod ng labing-anim na libong piso isang taon. Walong taong hihiranging Komisyonado ng Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka matangi kung siya'y naghahawak ng titulo man lamang na Batsilyer ng Agham sa Pagsasaka mula sa isang kilalang paaralan o dalubhasaan sa pagsasaka at nakapagsagawa ng pagsasaka sa loob ng limang taon man lamang at kinikilalang tanyag na may kakayahan sa ekonomista ng pagsasaka o alin pa man sa mga katumbas nito.

SEKSIYON 121.    Mga Kapangyarihan at Tungkulin. — Ang Komisyonado ng Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka ay tutupad ng mga kapangyarihan at tungkuling isinalalay sa Patnugot ng Kawanihan ng Pagpapalawak ng Pagsasaka.

SEKSIYON 122.    Sangay sa Kooperatiba. — Bilang karagdagan sa mga umiiral na sangay ng Kawanihan ng Pagpapalawak ng Pagsasaka, na dito'y muling pinanganganlan bilang Komisyon ng Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka, ay magkakaroon ng Sangay ng Kooperatiba at iba pang mga sangay at pangkat na inaakala ng Komisyonado ng Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka na kailangang itatag upang maisakatuparan ang mga gawain sa pagtataguyod at pagtuturo ng Komisyon.

SEKSIYON 123.    Pangangalap, Pagpili at Pagsasanay ng mga Katulong sa Pagpapalawak. — Ang mga katulong sa pagpapalawak ay kakalapin at pipiliin sa mga nagtapos sa mga dalubhasaan sa pagsasaka na may sapat na naisasagawang karanasan at pagsasanay sa tunay na pagbubukid sa pananim, punungkahoy, manukan at malalaking alagaing hayop: Sa pasubali, gayon pa man, Na sa pangyayaring walang nagtapos na makukuha sa mga dalubhasaan sa pagsasaka, ang mga nagtapos sa matataas na paaralan sa pagsasaka ay maaaring kuning pansamantala: Ang pagsasanay sa mga katulong sa pagpapalawak ay isasagawang kaugnay ng mga institusyon sa pananaliksik upang matiyak ang kanilang lubos na kahusayan.

SEKSIYON 124.    Tungkulin ng mga Katulong sa Pagpapalawak. — Bukod sa kanilang mga tungkulin sa ilalim ng Batas ng Republika Bilang Anim na raan at walumpu, magiging tungkulin ng mga katulong sa pagpapalawak na:

(1)       Tumira sa pook na pinagtalagahan sa kanila, magpalaganap ng kaalamang tekniko sa mga magbubukid, at magpakita ng pinagbuting pagsasagawa at mga pamamaraan sa pangangasiwa ng bukid;

(2)       Gumawa kasama ng isahang magbubukid sa pagbabalak at pagbabadyet sa bukid, patnubayan sila sa tamang paraan ng hanapbuhay sa bukid at magsaayos ng mga talatakdaan sa pagbabayad ng mga utang na kinuha ng mga magbubukid;

(3)       Tulungan ang mga magbubukid na makapagtamo ng mga paglilingkod o tulong ng iba pang tanggapan, o ng kanilang tauhan, na may kinalaman sa kaugnay na gawain at suliranin ng mga magbubukid;

(4)       Dalawin ang mga bagong-tatag na nagsasariling tagapangasiwa ng bukid maging isa-isa o sama-sama minsan man lamang sa ibang buwan;

(5)       Mangasiwa ng mga gawaing makapagtuturo sa ikababatid ng mga namumuwisan at iba pang nagsasariling nagpapalakad ng bukid ng kanilang mga karapatan at pananagutan sa ilalim ng Kodigong ito;

(6)       Ganyakin ang pagtatatag at pagsulong ng pansariling kapisanan, samahan sa pag-aaral, mga lupon at iba pang nakatatag na pangkat ng mga magbubukid, ipaalam sa kanila ang makabagong pamamaraan sa pagbubukid, at pawilihin sila na masiglang makilahok, makipagtulungan o manguna sa pananaliksik sa pagsasaka, pagsusubok at pagsasagawa ng mga proyekto sa pakikiisa sa Komisyon ng Pagpapasagana ng ani sa Pagsasaka at sa iba pang tanggapan; at

(7)       Magtaguyod, magpasigla at tumulong sa pagtatatag ng mga kooperatiba ng mga magbubukid.

SEKSIYON 125.    Laang-gugulin. — Bilang karagdagan sa mga pondong dito'y inilipat, ay mayroon ditong inilalaan mula sa pangkalahating pondo ng Pambansang Ingatang-yaman na hindi nakalaan sa ibang bagay ang halagang limang milyong piso, o mahigit pa rito na maaaring kailanganin upang maisagawa ang mga layunin ng Kabanatang ito.

KABANATANG VII

Pangangasiwa Ng Proyekto Sa Reporma Sa Lupa

SEKSIYON 126.    Paglikha ng Pambansang Sanggunian sa Reporma sa Lupa. — Sa pamamagitan nito'y nililikha ang Pambansang Sanggunian sa Reporma sa Lupa, na dito mula ngayo'y tatawaging Sanggunian, na bubuuin ng Gobernador ng Pangasiwaan sa Lupa, na siyang gaganap na Tagapangulo, ng Tagapangasiwa ng Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka, ng Tagapangulo ng Lupon ng mga Katiwala ng Bangko sa Lupa, ng Komisyonado ng Komisyon ng Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka at ng isa pang kagawad na hihirangin ng Pangulo sa tagubilin ng lapiang minorya na tumanggap ng ikalawang pinakamaraming boto sa huling halalan para sa Pangulo na hahawak ng katungkulan sa pagbibigay ng gayong lapiang minorya, matangi kung maunang alisin ng Pangulo sa isang kadahilanan, bilang mga kagawad at ng Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa bilang tagapayo sa batas; Sa pasubali, Na ang Sanggunian ay hindi ituturing na ganap na nabuo at handang manuparan hanggang sa ang kagawad na kumakatawan sa lapiang minorya ay nahirang na ng Pangulo ng Pilipinas: Sa pasubali pa, Na ang lapiang minorya ay maghaharap sa Pangulo ng kanyang tagubilin sa loob ng animnapung araw mula sa pagkakapagpatibay ng Kodigong ito, kung ito'y wala, ang Sanggunian ay ituturing na buo kahit na wala ang nasabing kagawad mula sa lapiang minorya: Sa pasubali, sa wakas, Na ang kinatawan ng minorya ay tatanggap ng diyetang limampung piso sa bawa't araw na dumalo siya sa pulong ng Sanggunian, na ito'y masisingil sa isang gugulin ng Pangasiwaan sa Lupa.   SDIaHE

SEKSIYON 127.    Mga Pulong; Mga Kapasiyahan. — Ang Tagapangulo ng Sanggunian ay tatawag ng pulong ng Sanggunian alinsunod sa inisa-isang mga panagutan nagsasaad sa Seksiyong isang daan at dalawampu't walo, at pangunguluhan niya ang mga pulong nito.

Katungkulan ng mga kagawad ang dumalo sa alin mang pulong ng Sanggunian sa tawag ng Tagapangulo. Sakaling hindi makadalo, ang isang kagawad ay maaaring mag-atas sa pinunong sumusunod sa panunungkulan sa kanilang tanggapan na dumalo sa pulong sa ngalan niya.

Ang nakararaming boto ng mga kagawad na kaharap kung may korum ay kinakailangan para sa pagpapatibay ng isang kapasiyahan. Sa gayong pagkakapagpatibay ang kapasiyahan ay magiging pangwakas at magkakabisa sa lahat ng mga kagawad ng Sanggunian at sa kani-kanilang tanggapan hanggang doon sa may kinalaman sa kanilang mga gawain, kapangyarihan at tungkuling kailangan sa Kodigong ito.

Ang pagtanggi ng sino mang kagawad na mapagpatupad ng alin mang kapasiyahan o bahagi noon na napapailalim sa sakop ng mga kapangyarihang ipinagkaloob sa kanyang tanggapan ay magiging sapat na matuwid sa Pangulo ng Pilipinas na alisin ang nasabing kagawad sa panunungkulan o lapatan ng parusang pandisiplina o pampangasiwaan.

SEKSIYON 128.    Mga Tungkulin ng Pambansang Sanggunian sa Pagbabagong Palakad sa Lupa. — Magiging pananagutan ng Sanggunian na:

(1)       Bumalangkas ng pangkalahatang palatuntunan ng Reporma sa Lupa na nilalayon sa Kodigong ito;

(2)       Magtatag ng mga pamatnubay, mga balak at patakaran para sa mga kasaping tanggapan na may kaugnayan sa alin mang tiyak na proyekto sa reporma sa lupa;

(3)       Bumalangkas ng mga tuntunin at mga patakarang maaaring kailangan upang maisagawa ang mga tadhana ng Kodigong ito para (a) sa pagpili ng lupang sakahan na kukunin at ipamamahagi sa ilalim ng Kodigong ito; (b) sa pagtiyak ng mga sukat ng mga bukid na pangmag-anak gaya ng isinasaad sa Seksiyong isang daan at animnapu't anim; at (k) sa pagpili ng mga makikinabang sa mga lupang panakahang pangmag-anak na maipamamahagi: Sa pasubali, Na ang pagkakauna-una ay gagawin sa ganitong ayos; Una, sa mga pinakamalapit na kaanak ng dating may-ari ng lupa na nasa unang antas ng pagkakamag-anak na siya ring maglilinang ng lupa sa tulong ng manggagawang makukuha sa loob ng kanyang bukirin. Ikalawa, sa mga talagang naninirahan doon na siya na ring naglilinang ng lupa maging ito man ay namumuwisang magsasaka o kung may kinalaman sa lupang nililinang nila; Ikatlo, sa mga magbubukid na nasa ilalim ng sinusundang kategorya na nagbubungkal ng lupang ang sukat ay hindi sapat ikabuhay hinggil sa mga lupang tiwangwang o pinabayaan na; Ikaapat, sa mga may-aring nangangasiwa ng mga bukid na ang laki'y hindi sapat ikabuhay; at Ikalima, sa mga iba pang kategoryang maaaring itakda sa bisa ng Kodigong ito, na isinasaalang-alang ang mga pangangailangan at mga katangian ng mga maykahilingan;

(4)       Baguhin, pagtibayin, o tanggihan ang alin mang panukala o proyekto tungkol sa pagbabagong palakad sa lupa; at

(5)       Ipahayag nang naaalinsunod sa mga tadhana ng Kodigong ito, na ang nasabing pagpapahayag ay ituturing na inilagda na kaagad pagkaraan ng tatlong sunud-sunod na lingguhang pagkakalathala sa ikalawa man lamang na pahayagang may malaganap na sirkulasyon sa purok o pook na nasasaklaw ng pahayag, na ang unang pagbibigyan ay ang mga pahayagang pampurok, kung mayroon na ang lahat ng mga galamay at tanggapan ng pamahalaan sa alin mang purok o pook na may kinalaman sa pamumuwisang saklaw ng Kodigong ito ay umiiral: Sa pasubali, Na ang pagpapalit sa pamumuwisan sa pook na ipinahayag ay magkakabisa sa susunod na taon ng pagsasaka pagkaraan ng gayong pagpapahayag: Sa pasubali pa, Na ang pagpapahayag ay gagawin pagkatapos na isaalang-alang ang mga bagay na may kinalaman sa ikaaayos at pangangailangan sa pondo at sa iba pang mga bagay na napapaloob sa mga Seksiyong isang daan at dalawampu't siyam, isang daan at tatlumpu at isang daan at tatlumpu't isa.

SEKSIYON 129.    Paglikha ng mga Pam-purok na Reporma sa Lupa. — Isasagawa ng Sanggunian ang mga tungkuling inilahad sa sinundang Seksiyon para sa mga tiyak na pook na pipiliin at itatalaga ng Sanggunian bilang mga purok sa reporma sa lupa. Ang bawa't purok ay bubuuin ng isa o mahigit pang proyekto ay bubuuin alinman ng isang malaking asyenda o ng ilang lagay ng lupa sa loob ng maliliit na asyenda. Sa pagpili ng isang purok, isasaalang-alang ng Sanggunian ang mga bagay na may kinalaman sa ikaaayos ng pagkuha para sa muling pamamahagi ng mga lagay ng lupang nasa loob ng purok, kabilang ang mga sumusunod:

(1)       Ang Kasaganaan ng purok;

(2)       Ang kaangkupan nito para sa mga bukid na may sukat na sapat ikabuhay ng mag-anak;

(3)       Ang partihan ng pananakahan sa pook na iyon;

(4)       Ang pinakamaliit na takdang puhunang kailangan sa pagpapaayos ng lupang iyon;

(5)       Ang kalapitan ng lupang iyon sa mga proyekto ng paglilipat tahanan; at

(6)       Ang bilang ng mga magbubukid na naglilinang ng mga bukid na may sukat na sapat ikabuhay, ang kakayahan at kahandaan ng gayong mga magbubukid na ilipat ng tirahan, at ang pagkakaroon ng mga tiwangwang o pinabayaang lupain na maaaring makuha o bilhing mapilitan ng pamahalaan sa gayon din ang iba pang mga kaluwagan sa paglilipat tahanan.   CDTHSI

SEKSIYON 130.    Lupong Pampurok sa Reporma sa Lupa. — Sa layuning maisakatuparan ang palatuntunan at mga patakaran ng Sanggunian sa mga pook, ang Sanggunian ay magtatatag sa bawa't purok ng Pilipinas ng isang Lupong Pampurok sa Reporma sa Lupa na bubuuin ng mga kinatawan ng mga tanggapang bumubuo sa Pambansang Sanggunian sa Reporma sa Lupa at ito'y mapapasailalim ng pangulo ng kinatawan ng Pangasiwaan sa Lupa. Magtatagubilin ang Lupon sa Sanggunian ng mga balak para sa mga proyekto ng Reporma sa lupa na kanyang nasasakupan gaya ng inaakala niyang nararapat. Ang Lupon ay mangangasiwa ng mga hayag na papulong, magtitipon at magsusuri ng mga tala, tataya ng mga pangunang bagay na nasabing mga balak para sa mga proyekto o palatuntunan at lalagumin ang mga natuklasan nito sa isang ulat na ihaharap sa Sanggunian para sa pagsasaalang-alang nito. Ang pasiya ng Sanggunian sa mga nasabing proyekto o palatuntunan ay ibabalik sa Lupon sa loob ng tatlumpung araw mula nang iharap iyon, para sa maagang pagsasagawa o pagsasakatuparan ng nasabing Lupon at ng mga tanggapang may kinatawan doon.

SEKSIYON 131.    Pangkat ng Proyekto sa Reporma sa Lupa. — Ang komite sa Pampurok sa Reporma sa Lupa ay mamamatnugot at magtatalaga ng isang Pangkat ng Proyekto sa Reporma sa Lupa para sa alin mang proyekto o mga proyekto sa loob ng purok na bubuuin ng kaukulang bilang ng tauhan mula sa mga kasaping tanggapan. Ang pangkat ay pangunguluhan ng isang kinatawan ng Pangasiwaan sa Lupa na itatalaga ng Lupon, nguni't ang bawa't tanggapan, sa lahat ng pagkakataon, ay kakatawanin ng isa man lamang kasapi sa Pangkat. Batay sa mga patakaran at palatuntunang pampurok na binalangkas at pinagtibay ng Sanggunian sa pamamagitan ng Lupon, pagpapasiyahan ng Pangkat ang (a) pagiging angkop ng isang lagay ng lupa para ipamahagi bilang mga bukid na may sukat na sapat ikabuhay ng mag-anak; (b) ang sukat na sapat ikabuhay ng mga bukid; (k) ang magagawang pagkuha at pamamahagi noong lupa; (d) ang pagpayag ng mga namumuwisang maghawak ng mga pananagutan ng pagmamay-ari; at (e) ang kinakailangang salapi at iba pang proyekto. Sa layuning ito'y magtitipon ng mga tala, hihingi ng mga pala-palagay, magsasagawa ng mga pagsukat, magpapatuloy ng mga pagsisiyasat, at isasama ang ano mang kabatirang napatunayang gayon sa isang palatuntunan ng pagpapaunlad para sa purok na kinauukulan upang iharap sa Lupon sa ayos ng isang binuong ulat.

KABANATANG VIII

Pagsukat At Pag-Uuri Sa Kabagayan Ng Lupa

SEKSIYON 132.    Pagsukat ng Lupa na Naaalinsunod sa mga Hinihingi ng Batas. — Upang maglaan ang mga kinakailangang batayan para sa pagsasagawang palatuntunan ng reporma sa lupa na binalangkas sa ilalim ng Kodigong ito, ang pangasiwaan sa Lupa ay binibigyang-kapangyarihan sa pamamagitan nito na gumawa ng isang pagsukat at pag-uuri sa kabagayan ng lupa sa pakikipagtulungan sa kaukulang mga tanggapan na tuwirang makikinabang sa gayong pagsukat at pag-uuri. Ang pagsukat ay iaalinsunod sa mga pangangailangan ng Kagawaran ng Pagsasaka at Likas na Kayamanan para sa pagsasakatuparan ng mga palatuntunan sa pagsasaka at imbentaryo ng kagubatan, ng Lupon ng mga Pagsasaka at Mapang Tekniko at ng Pambansang Sanggunian sa Kabuhayan at iba pang tanggapan para sa pagbabalak sa pagsasaka at iba pang mga layunin.

SEKSIYON 133.    Pagsukat na Katastro. — Upang mapagpapasiyahan ang mga karapatan ng mga maylupang naghahawak ng mga ari-ariang di nakapagpatala, ang Kawanihan ng Lupain ay inaatasang gumawa ng pinalawak na pagsukat na katastro at palatuntunan ng pagpapatala sa lupa na nagsisimula sa loob ng tatlong buwan mula sa pagpapatibay ng Kodigong ito.

SEKSIYON 134.    Gugulin sa mga Butaw at Singilin. — Sa kabila ng ano mang tadhana ng batas na nasasalungat dito, ang sumusunod na mga tuntunin ay ilalapat sa mga gugulin, butaw at singilin sa pagsukat, paglalagay ng mga muhon, at pagpapatala ng mga lupang ano man ang kaayusan at kaurian na may kinalaman sa mga hakbang na katastro na ginawa ng Pamahalaang Pambansa, maging sa sarili sa pamamagitan ng kanyang mga tanggapan sa sangay at galamay, o kaugnay ng mga pamahalaang panlalawigan at pambayan.

SEKSIYON 135.    Pagbabahagi-bahagi ng Gugol sa Pagsukat. — Kalahati ng gugol sa pagsukat, paglalagay ng muhon at pagpapatala ay tatasahan ng buo at sisingilin sa bawa't isa at sa lahat ng mga loteng kabilang sa ginawang hakbang na katastro at pagpaparti-partihan alinsunod sa sukat noon, nguni't hindi kailan man kukulangin sa sampung piso ang sisingilin sa bawa't lote, at ang kalahati ay masisingil sa Pamahalaang Pambansa. Ang mga halaga ng ipapataw na buwis sa mga lote o mga lagay ng lupa ay ituturing na isang tanging pagtaya ng mga buwis sa kaukulang mga lagay ng lupa, bubuo ng unang angking-legal sa lupa at ito'y sisingilin ng Direktor ng Lupain o ng kanyang mga kinatawang binigyan ng kapangyarihan sa pare-parehong hulog sa loob ng tatlong taon, na magkakatubo ng anim na porsiyento sa isang taon. Ang unang hulog ay dapat bayaran kasabay ng panlahat na buwis sa lupa para sa taong agad na kasunod na ang pagtaya sa halaga ay matangay ng Ingatang-yamang Panlalawigan, at sisingilin sa paraang tulad ng pagsingil bilang gayong mga buwis na panlahat. Ang bawa't sumunod na hulog ay dapat bayaran kasabay ng panlahat na buwis sa lupa para sa taong umiiral at iya'y sisingilin din sa ganoong paraan. Ang Direktor ng Lupain sa layuning ito ay magpapadala sa pinunong namamahala sa gayong paniningil ng isang sipi ng nasabing pagtaya ng mga halaga: Sa pasubali, gayon pa man, Sa ang mga halagang ipinapataw para sa mga bahaging proporsiyonal ng mga halagang ipinapataw na buwis sa mga loteng pinasukat sa kahilingan at gugol ng may-ari noon at naigawa ng planong iba sa planong katastro ng isang agrimensor na binigyang-kapangyarihan bago ang kapasiyahan sa paglilitis ng katastro, o naipatala na alinsunod sa mga tadhana ng Batas Bilang Apat na raan at siyamnapu't anim, na may pamagat na "Batas sa Pagpapatala ng Lupa," o nasukat na, nabigyan na ang katibayan o pinabubuwisan na sa ilalim ng Mga Batas sa mga Lupaing Bayan at Pagmimina bago naibigay ang kapasiyahan sa paglilitis na katastro, o naipahayag ng Hukuman bilang mga lupaing bayan, ay hindi magkakaroon ng angking-legal ang nasabing lote o kaya'y sisingilin sa may-ari niyon: Sa pasubali pa, Na ang may-ari ng alin mang lote, kung nanaisin niya, ay maaaring magbayad ng alin mang hulog sa mga halagang ipinataw na buwis sa kanyang lote sa ano mang oras bago dumating ang pagbabayad noon.

SEKSIYON 136.    Pagbabayad ng Gugol sa Lupa sa Kabuuan nito Sakaling Isasalin ang Lupa. — Sakaling ipagbili, ililipat o isasalin na may pagsasaalang-alang na bayad, ang alin mang ari-arian o bahagi noon, na nakatala sa bisa ng isang kautusang inilagda sa isang paglilitis na katastro, bago mabayaran ang kabuuang halaga ng gugol sa ipinataw na buwis sa gayong ari-arian alinsunod sa sinundang Seksiyon na nilagdaan bilang isang pataw na sagutin o angking-legal sa bawa't katibayan ng titulong katastro, ang nagbibili o ang kanyang kinatawang naghahati-hati sa mga gastos ay nailagda na sa paglilitis na katastro na doo'y kabilang ang ari-ariang ipinagbibili, inililipat o isinasalin, at ang Tagatala ng mga Kasulatang kinauukulan ay hihingi sa nagbibili, bago ipatala ang kasulatan para sa gayong pagbibili, paglilipat o pagsasalin ng nasabing ari-arian, na ipakita ang resibong nilagdaan ng Direktor ng Lupain o ng kanyang kinatawang may karapatan na nagpapatunay na ang nasabing pataw na sagutin o angking-legal ay nabayaran na.   HSCAIT

SEKSIYON 137.    Mga Gugol sa Pagpapatala. — Ang mga gugol sa paglilitis sa pagpapatala sa ilalim ng mga tadhana ng Kodigong ito ay bubuuin ng halagang katumbas ng sampung porsiyento ng mga gugol sa pagsukat at paglalagay ng muhon sa lupa. Ang halaga ng mga gugol sa paglilitis na ito na ibinuwis ay para sa lahat ng paglilingkod ng Komisyon sa Pagpapatala ng Lupa at ng eskribano o mga kinatawan nito sa bawa't paglilitis na katastro; at ang gastos sa pagpapalathala, pagpapadala sa koreo, at pagpapaskel ng mga patalastas, gayon din ang mga patalastas ng kapasiyahan at ng kautusang nagbabaha-bahagi ng mga gugol ay babalikatin ng Komisyon sa Pagpapatala sa Lupa.

SEKSIYON 138.    Mga Umiiral na Batas na Sumasaklaw sa Pagsukat at Pagpapatala ng Lupa. — Matangi kung itinadhana nang naiiba sa kabanatang ito, lahat ng mga tadhana ng batas na sumasaklaw sa pagsukat at pagpapatala ng lupa ay mananatiling ganap na umiiral at may bisa.

SEKSIYON 139.    Pondong Pinaiikot. — Lahat ng halagang nasingil ng Kawanihan ng mga Lupain o ng kanyang mga kinatawang binigyan ng kapangyarihan sa mga may-ari ng iba't-ibang lote bilang gugol sa paglilitis, pagsukat at paglalagay ng muhon kaugnay ng palatuntunan ng pagsukat na katastro na tinalakay dito ay ilalagay sa isang Tanging Pondong Pinaiikot para sa Palatuntunang Katastro upang gugulin sa pagsukat na katastro at pagpapatala sa iba pang mga lupang hindi naipapatala.

SEKSIYON 140.    Laang-Gugulin. — Upang pamuhunanan at tustusan ang pinalawak na palatuntunan sa pagsukat na katastro at pagpapatala ng lupa ng nasasaad dito, ang halagang isang daang milyong piso ay inilalaan sa pamamagitan nito mula sa mga pondo sa Pambansang Ingatang-yaman na hindi nailalaan sa ibang bagay, at ang nasabing halaga ay ilalagay sa isang "Tanging Pondong Pinaiikot para sa Palatuntunang Katastro," upang gugulin sa pagsukat sa katastro ng lupa at pagpapatala ng iba pang lagay ng lupang hindi pa naipapatala.

KABANATANG IX

Mga Hukuman Ng Pagsasamahan Sa Lupa

SEKSIYON 141.    Pagtatatag. — Ang mga Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa ay binubuo at itinatatag sa pamamagitan nito sa buong Pilipinas batay sa mga tadhana ng Kabanatang ito.

SEKSIYON 142.    Mga Distritong Pampurok. — Ang mga Distritong Pampurok ng Hukuman ng pagsasamahan sa Lupa sa Pilipinas ay binubuo gaya ng sumusunod:

Ang unang Distritong Pampurok ay bubuuin ng mga lalawigan ng Cagayan, Batanes, Isabela at Nueva Vizcaya, na ang tanggapan ay sa Tuguegarao, Cagayan para sa Sangay I at sa Ilagan, Isabela sa Sangay II;

Ang ikalawang Distritong Pampurok, ng mga lalawigan ng Ilokos Norte, Ilokos Sur, Abra, Lalawigang Bulubundukin, La Union at ng Lunsod ng Bagyo na may tanggapan sa Laoag, Ilokos Norte sa Sangay 1 at sa San Fernando, La Union sa Sangay II;

Ang ikalabinlimang Distritong Pampurok, ng lalawigan ng Davao, Lunsod ng Davao, mga lalawigan ng Cotabato at Misamis Occidental, Lunsod ng Ozamis, mga lalawigan ng Zamboanga del Norte at Zamboanga del Sur, Lunsod ng Basilan at ng lalawigan ng Sulu, na may tanggapan sa Lunsod ng Davao sa Sangay I, Lunsod ng Cotabato sa Sangay II at sa Lunsod ng Ozamis para sa Sangay III;

SEKSIYON 143.    Mga Hukom ng Pagsasamahan sa Lupa. — Ang mga tungkuling panghukuman ng mga Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa ay masasalalay sa isang Hukom na Tagapagpaganap at sa mga Hukom ng Distritong Pampurok, na hihirangin sa pana-panahon, ayon sa pangangailangan sa kanilang paglilingkod, ng Pangulo ng Pilipinas na may pagpapatibay ng Komisyon sa Paghirang: Sa Pasubali, gayon pa man, Na ang Hukom Tagapagpaganap at ang walong Katulong na Hukom, na panahon ng pagpapatibay ng Kodigong ito, ng Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa na itinatag at binuo sa ilalim ng Batas ng Republika Bilang Labindalawang daan at animnapu't pito, ay magpapatuloy bilang mga Hukom sa Pagsasamahan sa Lupa na hindi na mangangailangan ng panibagong paghirang ng Pangulo ng Pilipinas at panibagong pagpapatibay ng Komisyon sa Paghirang: Sa pasubali pa, Na sa pagpapatibay ng Kodigong ito, ang nasabing Hukom Tagapagpaganap ay magpapatuloy sa gayong gawain na may kapangyarihang tumupad ng dating tungkuling pampangasiwaan sa Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa na hindi nasasalungat sa mga tadhana ng Kabanatang ito at magkakaroon ng kanyang tanggapin sa Maynila nang hindi makasisira sa kanyang pagiging hukom sa alin mang distritong kinakailangan ang kanyang panunungkulan, at walong Katulong na Hukom ay itatalagang mga hukom ng Distritong Pampurok ng Hukom Tagapagpaganap sa alin man sa mga distritong pampurok ayon sa pagkakatatag sa sinundang Seksiyon.

SEKSIYON 144.    Mga Katangian ng mga Hukom; Taning ng Panunungkulan; Sahod. — Hindi maaaring hiranging Hukom Tagapagpaganap o Hukom ng Distritong Pampurok ang isang tao matangi kung siya'y naging mamamayan ng Pilipinas sa loob ng sampung taon at naging isang abogado sa Pilipinas sa hindi kukulangin sa sampung taon o nakapaghawak sa gayong kahabang panahon, sa Pilipinas, ng isang katungkulang nangangailangan ng pahintulot na maging abogado sa Pilipinas, bilang isang mahigpit na pangangailangan.

Ang mga Hukom ng Distritong Pampurok ay hihiranging manunungkulan habang nasa mabuting kaasalan, hanggang umabot sa gulang na pitumpung taon o magkaroon ng kapansanan na hindi makatupad ng tungkulin, matangi kung bago pa'y alisin nang alinsunod sa batas.

Ang mga hukom ay maaaring pigilin o itiwalag sa katulad na kaparaanan at kadahilanang gaya ng sa mga hukom ng hukumang Unang Dulugan.

Ang Hukom Tagapagpaganap ay tatanggap ng sahod na katumbas ng ibinibigay o maaaring ibigay batay sa mga hukom ng Hukumang Unang Dulugan at ang mga Hukom ng Distritong Pampurok ay tatanggap ng taunang sahod na kulang ng isang libong piso sa tatanggapin ng Hukom Tagapagpaganap.   HDTISa

SEKSIYON 145.    Mga Karapatan sa Pagliban; Gugol sa Paglalakad. — Ang mga Hukom ng Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa ay magkakaroon ng mga karapatan sa pamamahinga at pagliban na gaya ng ipinagkakaloob ngayon o maaaring batay dito ay ipagkaloob sa mga Hukom ng Hukumang Unang Dulugan. May karapatan silang sumingil ng gugol sa paglakad kung tumutupad ng kanilang mga opisyal na tungkulin sa labas ng kanilang tanggapan.

SEKSIYON 146.    Bakasyon ng mga Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa. — Ang taunang bakasyon ng mga Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa ay magsisimula sa unang araw ng Abril at magtatapos sa unang araw ng Hunyo ng bawa't taon.

SEKSIYON 147.    Pagtatalaga ng mga Hukom sa Panunungkulan kung Bakasyon. — Sa buwan ng Enero ng bawa't taon, ang Hukom Tagapagpaganap ay maglalagda ng isang utos na nagtatalaga ng mga hukom na manunungkulan habang nangangailangan ng paglilingkod panghukuman, ang pagtatalaga ay gagawin na walang hukom na itatalaga sa panunungkulan kung bakasyon, matangi sa sarili niyang kahilingan, nang higit sa isang beses minsan tuwing dalawang taon.

Ang pagtatalagang ito ay titiyak, sa pangyayari sa bawa't hukom na itinalagang manungkulan kung bakasyon, ng sakop na bukod sa kanyang sariling purok ay mapaiilalim sa kanyang panunungkulan kung bakasyon.

Maaaring baguhin sa pana-panahon ng Hukom Tagapagpaganap ang pagtatalaga ng mga hukom sa panunungkulan kung bakasyon ayon sa maaaring kailanganin ng mga bagong kalagayan o kagipitan.

Hindi karaniwang hihingin sa isang hukom na itinalagang manunungkulan, kung bakasyon na magdaos ng paglilitis sa panahon ng bakasyon yaon; nguni't maaaring atasan ng Hukom Tagapagpaganap, kung sa palagay niya ay hinihingi ng mahigpit na pangangailangan, ang sino mang hukom na nakatalagang manunungkulan kung bakasyon na magdaos sa panahon ng bakasyong iyon ng isang tanging paglilitis sa alin mang purok.

SEKSIYON 148.    Mga Hukom ng mga Distritong Pampurok. — Apat na hukom ang hihirangin sa bawa't isa sa ikaapat at ikalimang Distritong Pampurok; tatlong hukom ang hihirangin sa bawa't isa sa ikatlo, ika-anim, ikapito, ika-siyam, ikalabing-isa at ikalabinlimang Distritong Pampurok; at dalawang hukom sa bawa't isa sa ibang Distritong Pampurok.

SEKSIYON 149.    Panunumpa sa Tungkulin. — Bago tumupad ng mga tungkulin ng kanilang tanggapan, ang mga hukom ay gagawa at lalagda sa isang panunumpa sa tungkulin alinsunod sa mga tadhana ng ikadalawampu't tatlong Seksiyon ng Binagong Kodigo Administratibo.

SEKSIYON 150.    Pagbabaha-bahagi ng Gawain sa mga Sangay. — Lahat ng gawaing nauukol, sa mga Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa ng bawa't Distritong Pampurok ay maayos na ipamamahagi sa mga hukom ay hindi magkasundo sa pamamahagi ng gawain, ang Hukom Tagapagpaganap ang siyang kakatawan sa pamamahagi.

SEKSIYON 151.    Pagpapatibay ng mga Hukom sa mga Gawaing Matapos. — Ang mga Hukom ng mga Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa ay magpapatibay tuwing katapusan ng buwan na lahat ng kahilingan at mungkahi sa lahat ng mga usaping nabibinbin ang hatol o kapasiyahan sa loob ng tatlumpung araw mula sa paghaharap ng mga panig ay nalitis at nagpasiyahan sa loob ng tatlumpung araw mula sa paghaharap ng mga panig ay nalitis at napagpasiyahan na bago dumating ang petsa ng ginawang pagpapatibay. Walang paglibang ipagkakaloob at walang sahod na babayaran kung wala ang gayong katibayan.

SEKSIYON 152.    Opisyal na Tanggapan ng mga Hukom ng Distritong Pampurok. — Sa loob ng tatlumpung araw makaraang pagtibayin ang Kodigong ito, ang Hukom Tagapagpaganap ay maglalagda ng isang utos na nagtatakda ng opisyal na tanggapan ng mga hukom ng mga sangay ng bawa't Distritong Pampurok.

SEKSIYON 153.    Oras at Pook ng Paglilitis. — Ang mga sesyon ng hukuman ay gaganapin sa lahat ng araw ng paggawa kung may mga usaping handa na sa paglilitis o iba pang gawain ng hukuman na dapat pagpasiyahan. Ang mga oras sa pang-araw-araw na sesyon ng hukuman ay magmumula sa ikasiyam hanggang ikalabindalawa ng umaga, at mula sa ikatlo hanggang ikalima ng hapon, maliban kung Sabado, na kakailanganin lamang ang sesyong pang-umaga; nguni't maaaring patagalin ng hukom ang oras ng paglilitis kung sa palagay niya ay kinakailangan ito. Ang hukom, sa kanyang pagpapasiya, ay makapagtatakda ng isa lamang sesyon na idaraos isang araw sa halip na dalawa, sa mga oras na inaakala niyang ginhawa para sa Hukuman at sa madla; nguni't ang dami ng oras ng paglilitis sa isang araw ay hindi kukulangin sa lima.

Ang mga sesyon ng Hukuman ay idaraos sa opisyal na tanggapan ng mga kinauukulang hukom: Sa pasubali, gayon pa man, Na kailanma't kailangan alang-alang sa madali at di magugol na paghatol at paglilitis, ang isang hukom ay lilitis sa munisipyong kinalalagyan ng paksa ng usapin, na gagamitin ang bulwagan ng hukom pamayapa ng pook sa layuning ito.

Bawa't hukom ay magbibigay ng isang maikling buwanang ulat sa unang limang araw ng kasunod na buwan na naglalahad ng dami at uri ng mga usaping nilitis sa kanyang bulwagan, ang pook na pinaglitisan ng bawa't usapin, ang pagpapatuloy ng usapin na may kaukulang mga petsa at ang pagpapasiyang ginawa roon ay ilalahad ng bawa't hukom sa ilalim ng kanyang lagda at bibigyan ng mga sipi dito ang Hukom Tagapagpaganap, na siyang magtitipon at maayos na mag-uulat ng mga iginawad na hatol sa mahahalagang usapin. Ang isang hukom na magkulang o magpabayang mag-ulat ay malalagay, sa unang paglabag, sa pagbabala ng Hukom Tagapagpaganap, at sa ulit-ulit na pagkukulang o pagpapabaya ay maaaring pigilin o itiwalag sa tungkulin.

SEKSIYON 154.    Saklaw ng Kapangyarihan ng Hukuman. — Ang Hukuman ay magkakaroon ng panguna at tanging saklaw na kapangyarihan sa:

(1)       Lahat ng usapin o sakdal na kinapapalooban ng mga bagay, pagtatalo, alitan, o paghahabol sa salapi na bunga ng pagsasamahan sa lupa: Sa pasubali, gayon pa man, Na lahat ng usaping nabibinbin pa sa Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa, na itinatag sa ilalim ng Batas ng Republika Bilang Labindalawang daan at animnapu't pito, sa panahon ng pagkakabisa ng Kodigong ito, ay ililipat at ipagpapatuloy sa mga kinauukulang Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa kung kaninong purok nalalagay ng pinag-uusapan;   HDcaAI

(2)       Lahat ng usapin o sakdal na may kinalaman sa paglabag sa mga Kabanatang I at II ng Kodigong ito at sa Batas ng Republika ng Pangasiwaan sa Lupa; Sa pasubali, gayon pa man, Na kung ang mga paglilitis sa ekspropriyasyong idinulog ng Pangasiwaan sa Pagmamay-ari ng Lupa na nabibinbin sa Hukumang Unang Dulugan sa panahon ng pagkakabisa ng Kodigong ito ay ililipat at ipagpapatuloy sa kinauukulang mga Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa kung kaninong purok nito nalalagay ang pinag-uusapan o ari-arian.

SEKSIYON 155.    Mga Kapangyarihan ng Hukuman: Mga Tuntunin sa Pamamaraan. —Ang Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa ay mag-aangkin ng lahat ng kapangyarihan at karapatang likas sa o angkin ng Hukumang Unang Dulugan.

Ang mga Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa ay mapapaloob sa mga Tuntunin ng Hukuman: Sa Pasubali, na sa paglilitis, pagsisiyasat at pagpapasiya sa alin mang suliranin o alitang nabibinbin sa kanila, ang mga Hukuman, na hindi makasisiya sa mga pangunahing karapatan, ay hindi lubos na masasaklaw ng mga teknikong tuntunin ng katibayan at pamamaraan, maliban sa mga usapin sa ekspropriyasyon.

SEKSIYON 156.    Mga Paghahabol. — Ang mga paghahabol sa utos o hatol ng mga hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa ay maaaring iharap sa Hukuman ng Paghahabol tungkol sa mga suliranin ng pangyayari at ng pangyayari at batas o sa Kataas-taasang Hukuman tungkol sa tunay na suliranin ng batas lamang, ayon sa pangyayari, alinsunod sa mga tuntuning sumasaklaw sa paghahabol mula sa Hukumang Unang Dulugan na itinatadhana sa mga Tuntunin ng Hukuman.

SEKSIYON 157.    Pagtatalaga ng mga Hukom sa Ibang Purok. — Kailanma't ang isang hukom sa alin mang Hukuman ay magpatunay sa Hukom Tagapagpaganap na ang kalagayan ng mga nakatalang usapin sa kanyang Hukuman ay humihingi ng tulong ng isa pang hukom, o kapag may bakante sa alin mang Hukuman, ang Hukom Tagapagpaganap ay maaari, sa kapakanan ng katarungan, na may pagpapatibay ng Kataas-taasang Hukuman, na magtatalaga ng sino mang hukom ng Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa na ang talaan ng mga usapin ay makapagpapahintulot sa kanyang pansamantalang pagliban sa nasabing Hukuman, upang magdaos ng sesyon sa hukumang nangangailangan ng nasabing tulong o kung saan mayroong bakanteng naturan.

Kapag ang isang hukom na hinirang o itinakda sa alin mang sangay ng Hukuman ay aalis sa kanyang purok dahil sa pagkakalipat o pagkakatalaga sa ibang Hukuman na may kapantay na kapangyarihan na hindi siya nakapaggagawad ng hatol sa isang usaping nilitis niya nang ganap at tunay na pinagtalunan o binigyan ng pagkakataong mapagtalunan ng mga panig o ng kanilang abugado, maaayon sa batas para sa kanya na maghanda at lumagda sa kanyang hatol sa nasabing usapin sa pamamagitan ng koreo na ihaharap sa hukuman sa petsang ito'y matanggap ng eskribano, sa pamamaraang katulad ng kung ang hukom ay nasa hukuman upang mangasiwa sa paggagawad ng hatol: Sa pasubali, gayon pa man, Na kung ang isang usapin ay hindi natapos litisin, ang Kataas-taasang Hukuman, sa kahilingan ng alin man sa mga panig sa usapin at sa tagubilin ng kinauukulang hukom pampurok, ay maaari ring magpahintulot sa hukom na lumitis ng bahagi ng usapin na ipagpatuloy ang paglilitis at magpasiya sa nasabing usapin sa kabila ng kanyang pagkalipat o pagkahirang sa ibang hukumang may kapantay na kapangyarihan.

SEKSIYON 158.    Mga Tauhan ng Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa. —

(1)    Mga Komisyonado ng Hukuman; Mga Katangian at Sahod. — Magkakaroon dalawampu't apat na Komisyonado ng Hukuman na tatanggap ng taunang sahod na siyam na libong piso ang bawa't isa at hihirangin ng Pangulo na may pagpapatibay ng Komisyon sa Paghirang. Ang isang Komisyonado ng Hukuman ay kailangang maging kagawad ng Samahan ng mga Eksaminadong Manananggol sa Pilipinas at dapat na nakaganap ng pag-aabugado sa loob ng limang taon o humawak ng katungkulan sa pamahalaan na nangangailangan ng mga katangian ng isang abugado sa gaanong katagal na panahon. Ang isang Komisyonado ng Hukuman ay maaaring italaga ng Hukom Tagapagpaganap na tumulong sa pagdinig at pagsisiyasat ng mga usapin. Saklaw ng pamamatnugot at pangangasiwa nitong huli, maaari siyang duminig ng mga katibayan para sa Hukuman tungkol sa ano mang pinagtatalunang bagay o paksa sa ano mang usapin o mga usapin at matapos ang nasabing pagdinig ay magharap ng isang ulat ng lahat ng mga usaping dininig niya kasama ang mga kasulatan noon sa loob ng panahong itinatakda ng hukuman. Sa pagdinig ay maaari siyang magpasiya sa mga suliranin ng pagmamatuwid at pamamaraan nguni't hindi sa mga kahalagahan ng usapin.

(2)    Mga Eskribano ng Hukuman; Mga Katangian, Tungkulin, Sahod at Piyansa. — Magkakaroon ng mga Eskribano ng Hukuman na kasing dami ng mga hukom, na hihirangin ng Pangulo ng Pilipinas na may pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang. Ang mga Pangalawang Eskribano ng Hukuman at iyong iba pang mga kawani na kakailanganin ay hihirangin ng Hukom Tagapagpaganap, saklaw ng Batas, mga tuntunin at patakaran ng Serbisyo Sibil.

Walang taong maaaring hiranging Eskribano ng Hukuman matangi sa siya'y tunay na may karapatang makapagabugado sa Pilipinas.

Bago manuparan sa kanyang tungkulin, maglalagak siya ng piyansang nagkakahalaga ng sampung libong piso sa pamamaraan at ayos na hinihingi sa Eskribano ng Kataas-taasang Hukuman, na ang gayong piyansa'y pagtitibayin ng, at ihaharap sa, Ingatyaman ng Pilipinas na mapapailalim sa pagsusuri ng mga taong may kinalaman. Ang Eskribano ng Hukuman ay hihingi sa kanyang pangalawa na maglalagak ng sapat na piyansa bilang panagot sa pagkawala dahil sa kanyang kasalanan o malubhang kapabayaan.

Ang mga Eskribano ng Hukuman ay tatanggap ng taunang sahod na pitong libo dalawang daan piso. Gaganap sila noon ding mga kapangyarihan ng mga Hukuman gaya noong ginaganap ng mga Eskribano ng mga Hukumang Unang Dulugan.

Ang mga Eskribano ng Hukuman at iba pang mga nakabababang kawani ng mga Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa ay paiilalim, sa mga layuning pampangasiwaan, ng Kagawaran ng Katarungan; nguni't sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, sila'y magpapailalim sa pangangasiwa ng mga hukom ng Hukuman na kani-kanilang kinabibilangan.   aHCSTD

Ang mga Komisyonado, na tinatawag ding mga Pinunong Tagalitis ng Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa, gayon din ang mga Eskribano ng Hukuman sa panahon ng pagpapatibay sa Kodigong ito, ay magpapatuloy sa gayon na hindi na kailangan ang panibagong paghirang ng Pangulo ng Pilipinas at ng panibagong pagpapatibay ng Komisyon sa Paghirang.

SEKSIYON 159.    Gugulin. — Inilalaan sa pamamagitan nito ang halagang tatlong milyon limang daang libong piso, o ang aabot na halaga rito na kakailanganin, mula sa mga pondong di nailalaan sa Ingatangyaman ng Pilipinas ukol sa mga gugulin ng mga bulwagan at tanggapan ng hukuman, kasama ang kasangkapan ng mga Hukuman at ng mga tauhan ukol sa mga sahod, at ukol sa mga iba pang mga kailangang gugulin na maaaring magawa sa pagpapairal ng mga tadhana ng Kabanatang ito. Ang halagang inilaan ay paiiralin sa mga susunod na mga laang-gugulin ng Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa.

KABANATANG X

Tanggapan Ng Manananggol Ng Pagsasamahan Ng Lupa

SEKSIYON 160.    Pagtatatag ng Tanggapan ng Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa. — Upang patatagin ang tulong na pambatas sa mga namumuwisan sa pagsasaka at mga may-aring naglilinang sa pagsasaka na tinutukoy sa Kodigong ito, ang Komisyon Tagapamagitan sa Pananakahan ay pinalalaki sa pamamagitan nito at makikilala mula ngayon na Tanggapan ng Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa. Ang puno ng Tanggapan ay makikilala mula ngayon na Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa at magkakaroon ng ranggo, mga katangian at sahod na Unang Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa, na magkakaroon ng ranggo, mga katangian at sahod ng Pangalawang Prokurador Heneral. Ang Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa at ang Pangalawang Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa ay hihirangin ng Pangulo na may pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang ng Kongreso at mapapailalim sa tuwirang pangangasiwa ng Kalihim Katarungan.

SEKSIYON 161.    Mga Tanging Manananggol. — Itinatatag sa pamamagitan nito sa Tanggapan ng Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa ang walumpung karagdagang puwesto ng mga Tanging Manananggol, na hihirangin ng Pangulo sa tagubilin ng Kalihim ng Katarungan at may pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang. Magkakaroon sila ng ranggo, mga katangian at sahod na itinatadhana ng batas para sa isang prokurador sa Tanggapan ng Prokurador Heneral na may pinakamababang ranggo.

SEKSIYON 162.    Paghirang ng mga Nakabababang Pinuno. — Ang Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa ay hihirang ng mga nakababang pinuno at kawani ng Tanggapan ng Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa, saklaw ng mga tuntunin at patakaran ng Serbisyo Sibil, itatakda ang kanilang sahod at ilalagda ang kanilang mga tungkulin. Ang sahod ng mga tanging manananggol na inilipat sa Tanggapan ng Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa ay itatakda sa antas ng pasahod na nauukol sa mga prokurador ng Tanggapan ng Prokurador Heneral: Sa Pasubali, Na sa pagtatakda ng sahod ay isasaalang-alang ang pagkakauna sa ranggo.

SEKSIYON 163.    Mga Tungkulin ng Tanggapan ng Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa. — Magiging pananagutan ng Tanggapan ng Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa, sa angkop na patalastas ng taong nasasangkot o ng samahan o kapisanang kinabibilangan niya, na kumakatawan sa mga namumuwisang magsasaka, mga manggagawa sa sakahan at mga may-aring naglilinang sa pagsasaka na tinutukoy sa Kodigong ito na hindi kayang kumasundo ng magaling na manananggol na pribado sa mga usaping nakaharap sa Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa.

SEKSIYON 164.    Kapangyarihang Magpanumpa. — Ang Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa, ang Pangalawang Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa ay binibigyang-kapangyarihan sa pamamagitan nito na magpanumpa nang walang bayad.

SEKSIYON 165.    Laang-Gugulin. — Inilalaman sa pamamagitan nito, bilang karagdagan sa laang-gugulin ng Komisyong Tagapamagitan sa Pananakahan para sa Taong Piskal 1964, ang halagang tatlong milyong piso, o ang aabot na halaga rito na kakailanganin, mula sa mga pondong di nailalaan sa Pambansang Ingatang-yaman, ukol sa mga sahod, upa, pambili ng mga sasakyan, panustos, kagamitan, at iba pang mga gugulin. Ang halagang inilalaan dito ay ipagpapatuloy sa mga laang gugulin para sa Tanggapan ng Manananggol ng Pagsasamahan sa Lupa sa Batas sa Pangkalahatang Laang-gugulin sa mga sumusunod na taong piskal.

KABANATANG XI

Mga Tadhanang Pangkalahatan

SEKSIYON 166.    Katuturan ng mga Katawagan. — Gaya ng pagkagamit sa Kabanatang I ng Kodigong ito:

(1)       Ang "lupang sakahan" ay nangangahulugang lupang iniuukol sa ano mang tinatamnan, kasama nguni't hindi natatakdaan sa mga bukirin, asinan, palaisdaan at mga lupang tiwangwang at lupang pinabayaan ayon sa katuturang ibinigay sa mga talataang ika-18 at ika-19 ng Seksiyong ito, sa pagkakaukol.

(2)       Ang "namumuwisan sa pagsasaka" ay nangangahulugang isang tao na sa sarili niya at sa tulong mula sa kanyang malalapit na kasambahay sa pagbubukid, ay naglilinang ng lupang ari, o hawak, ng iba na may pahintulot nitong huli sa layuning pag-anihan, sa halagang tiyak sa salapi sa ani o kapwa nito. Naiiba ito sa mga namumuwisan ayon sa batas sibil sa pagkakaunawa sa Kodigo Sibil ng Pilipinas.

(3)       Ang "nagpapabuwis sa pagsasaka" ay nangangahulugang isang tao, natural o huridiko, na maging bilang may-ari, namumuwisan ayon sa batas sibil, usupruktowaryo, o naghahawak ayon sa batas, nagpapabuwis o nagkakaloob sa iba ng paglilinang at paggamit ng kanyang lupa sa isang halagang tiyak.   aTHCSE

(4)       Ang "taon ng pagsasaka" ay nangangahulugan ng panahong kinakailangan sa pag-aalaga ng isang tanging produkto sa pagsasaka, kasama ang paghahanda ng lupa, paghahasik, pagtatanim at pag-aani ng pananim at, kailanma't kailangan, paglulugas ng nasabing tanim: Sa pasubali, gayon man, Na sa pangyayari sa mga pananim na may higit na isang ani sa isang pagtatanim, ang "taon ng pagsasaka" ay ang panahon mula sa paghahanda ng lupa hanggang sa unang pag-ani at susunod doon mula sa isang ani hanggang sa susunod na ani. Kapuwa sa pangyayaring ito, ang panahon ay maaaring maikli o mahaba kaysa isang taon sa kalendaryo.

(5)       Ang "hukuman" ay nangangahulugang ang Hukuman ng Pagsasamahan sa Lupa.

(6)       Ang "katamtamang halaga ng upa" ay nangangahulugang hindi hihigit sa maipapataang pagbaba ng halaga na may dagdag na anim na porsiyentong tubo sa bawa't taon na puhunang tinutuon sa halaga nito sa pamilihan: Sa pasubali, Na ang katamtamang halaga ng upa para sa hayop o mga hayop na panggawa at mga kasangkapang pambukid na gamit sa paghahalaman ay hindi hihigit sa limang porsiyento para sa mga kasangkapan.

(7)       Ang "mga kasangkapang pambukid" ay nangangahulugang mga kasangkapang pangkamay o makinang karaniwang ginagamit sa pagpapagawa sa bukid.

(8)       Ang "malalapit na kasambahay sa pagbubukid" ay nangangahulugang ang mga kasama sa pamilya ng namumuwisan o nagpapabuwis at iba pang mga taong sa kanya umaasa ng pagkabuhay at karaniwang katulong niya sa kanyang mga gawain.

(9)       Ang "kawalang-kaya" ay nangangahulugang ano mang dahilan o pangyayari na nakapipigil sa namumuwisan upang gumanap sa kanyang mga pananagutan sa kasunduan at sa iba pa sa ilalim ng Kodigong ito.

(10)     Ang "magsiyasat" ay nangangahulugang pumasok, magsuri at magmasid. Sa ano mang pangyayari, gayon pa man, ay hindi magagamit ang gayong pagpasok, pagsusuri at pagmamasid upang manakot o mamilit o kaya'y upang labagin ang mga karapatang sibil ng mga taong nasasangkot.

(11)     Ang "subok nang pamamaraan sa pagbubukid" ay nangangahulugan ng mahuhusay na pamamaraan sa pagbubukid na pinaggawian nang gamitin o siyang itinatagubiling opisyal ng Komisyon ng Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka ukol sa isang tanging uri ng bukid.

(12)     Ang "mga hayop na panggawa" ay nangangahulugang mga hayop na karaniwang ginagamit sa isang pagawin sa bukid, gaya ng kalabaw, kabayo, baka atbp.

(13)     Ang "sariling paglilinang" ay nangangahulugang paglilinang ng namumuwisan o ng nagpapabuwis at/o sa tulong ng malalapit niyang kasambahay. Ayon sa pagkakagamit sa Kabanatang II;

(14)     Ang "may pagawa sa bukid" ay kinabibilangan ng sino mang taong tuwiran o di-tuwirang nanunuparan sa kapakanan ng isang nagpapagawa sa bukid maging upang magtubo o hindi, gayon din ang isang kontratista sa paggawa, nguni't hindi kabibilangan ng alin mang samahang manggagawa (maliban kung gumaganap bilang may pagawa sa bukid) o sino mang gumaganap bilang pinuno o kinatawan ng gayong samahang manggagawa.

(15)     Ang "manggagawa sa bukid" ay kinabibilangan ng sino mang manggagawang may lupa, suweldo o gumagawa nang pakyawan nguni't hindi natatakdaan sa isang manggagawa sa bukid ng isang bukod na may pagawa sa bukid matangi kung maliwanag na tinuturol ng Kodigo ang naiiba rito at sino mang tao na ang gawain ay natigil dahil sa, o may kaugnayan sa, kasalukuyang alitan sa lupa o sa di-makatarungang pagpapasunod sa paggawa at hindi nagkakaroon ng gawaing halos katumbas noon at pamalagian.

Kailanma't ginagamit ang katawagang "manggagawa sa bukid" sa Kodigong ito, uunawain ito na kinabibilangan ng manggagawa sa bukid at/o kawani sa bukid.

(16)     Ang "samahan ng manggagawa sa bukid" ay kinabibilangan ng alin mang unyon o kapisanan ng mga manggagawa sa bukid na umiiral, sa kabuuan o bahagi man, sa layunin ng sama-samang pakikipagtalastasan o pakikitungo sa mga nagpapagawa sa bukid tungkol sa mga tadhana at kondisyon ng pamamasukan.

(17)     Ang "alitan sa pagsasamahan sa lupa" ay nangangahulugan ng alin mang pagtatalong may kaugnayan sa mga tadhana, taning o kondisyon ng pamamasukan o tungkol sa isang samahan o pagkatawan ng mga tao sa pakikipagkasundo, pagtatakda, pagpapanatili, pagbabago, o paglalayong umayos ng mga tadhana o kondisyon ng pagpapagawa, nang walang kinalaman sa kung ang mga nag-aalitan ay nasa katayuan ng mga may pagawa at mga namamasukan.

Ayon sa pagkakagamit sa Kabanatang III ng Kodigong ito:

(18)     Ang "mga lupang tiwangwang" ay nangangahulugang lupang hindi tuwirang pinagtataniman ng ano mang pananim o sa ano mang layuning pangkabuhayan sa loob ng isang taon man lamang bago ang patalastas ng ekspropriyasyon maliban sa mga dahilang bukod sa force majeure o ano mang sakuna nguni't dating pinagtataniman o nababagay sa ayong tanim o karatig ng lupang tuwirang pinagtataniman ng isang uri ng pananim at hindi kinabibilangan ng lupang palagiang iniuukol sa ibang mahalaga at lalong kapaki-pakinabang na layunin.   EAIcCS

(19)     Ang "lupang pinabayaan" ay nangangahulugang lupang dating iniuukol sa ano mang pananim isang taon man lamang bago ang patalastas ng ekspropriyesyon nguni't hindi na ginagamit ng maylupa sa pansariling kapakinabangan sa nakaraang limang taon bago ang gayong patalastas ng ekspropriesyon.

(2)       Ang "mga bukid na may sukat na sapat ikabuhay ng mag-anak" ay nangangahulugang isang sukat ng lupang bukid na nagpapahintulot ng maayos na paggamit ng makakayang paggawa at puhunan ng mag-anak sa bukid at pagkakakitaan ng sapat upang makapagkaloob ng katamtaman pamumuhay na makatutugon sa mga pangangailangan ng mag-anak sa bukid na pagkain pananamit, pamamahay, at pag-aaral na maaaring makapagpataan sa taunang hulog sa lupa, at ng kaunting panlaan upang makatugon sa pababagu-bago ng kita taon-taon.

(21)     Ang "pagkakabagay sa mga bukid na may sukat na sapat ikabuhay ng mag-anak" ay tumutukol sa kalagayang ang isang sukat ng lupa na may mga katangian, tulad ng klima, lupa, topograpiya, mapagkukunan ng tubig, at kinalalagyan, ay makatutustos sa isang mag-anak sa bukid kung gagawing mga bukid na may sukat na sapat ikabuhay ng mag-anak at hindi kabilang dito iyong malalaking ani at higit na maayos na paggamit ng lupa.

(22)     Ang "may-ari ng maglilinang sa pagsasaka" ay nangangahulugan ng sino mang taong namumuhunan at namamahala, na siyang gumagawa ng sariling lupa sa tulong ng kanyang malalapit na kaanak at kasambahay.

(23)     Ang "may-aring namamahala" ay nangangahulugang ang may-ari ng isang sukat na lupang iniuukol sa pagsasaka na siyang namumuhunan at namamahala sa pagpapagawa sa bukid.

(24)     Ang "Pinangangasiwaang pagpapagawa" ay nangangahulugan ng mga pangyayaring mga manggagawa sa bukid ang buong pinagagawa sa produksiyon ng pagsasaka.

(25)     Ang "pakikisamang partihan" ayon sa pagkakagamit sa Kodigong ito ay nangangahulugan ng pagsasamahang umiiral kailanma't nagkasundo ang dalawang taong magtulungan sa pagsasaka na ang isang panig ang siyang magkakaloob ng lupa at ang kabilang panig ng kanyang paggawa, na alin man sa dalawa o kapwa sila'y tumutustos ng isa o ilan sa mga kagamitan sa pagsasaka, ang kasama ang siyang naglilinang ng lupa sa tulong ng malalapit niyang kasambahay sa pagbubukid, at ang aanihin ay paghahatian ng maylupa at kasama.

(26)     Ang "walang buwis" kung tumutukoy sa mga bono at mga sapi ng aksiyon na inilalabas ng Bangko sa Lupa bilang kabayaran sa kinuhang pansariling lupang sakahan ay nangangahulugan ng lahat ng buwis ng pamahalaan, maliban sa buwis sa handog at buwis sa mana.

SEKSIYON 167.    Mga Tadhana sa Kaparusahan. —

(1)       Ang paglabag sa mga tadhana ng mga Seksiyong labintatlo at dalawampu't pito at sa unang talataan ng Seksiyong tatlumpu't isa ng Kodigong ito ay parurusahan ng multang hindi hihigit sa isang libong piso o pagkabilanggong hindi hihigit sa isang taon o kapwa ito ayon sa pagpapasiya ng hukuman. Sa pangyayari sa mga taong huridiko, ang tagapamahala o ang taong nakaaalam sa pamamahala at pangangasiwa ng lupa o kung wala siya, ang taong kumakatawan sa kanya, ay siyang mananagot sa ilalim ng Seksiyong ito.

(2)       Ang sino mang tao, natural o huridiko, na humikayat sa iba, bilang kasama, na gumawa o pumasok sa isang kasunduan sa pakikisamang partihan sa kanya o sa iba na labag sa Kodigong ito ay parurusahan ng multang hindi hihigit sa limang libong piso na may pagkabilanggong panubali sang-ayon sa Binagong Kodigo Penal: Sa pasubali, Na ang paggawa ng kasunduan sa pakikisamang partihan ay ituturing na katibayang prima facie ng nasabing paghikayat ng maylupa, bumubuwis ayon sa batas sibil, usuproktuwaryo o mayhawak na legal. Sa pangyayari sa mga taong huridiko, ang tagapamahala o ang taong nakaaalam sa pamamahala o pangangasiwa ng ari-arian, kung siya'y wala, ang taong kumakatawan sa kanya, ay siyang mananagot sa ilalim ng Seksyong ito.

(3)       Ang sino mang tao na gumawa ng apidabit gaya ng hinihingi ng Seksiyong labintatlo ng Kabanatang I, na nakababatid na ang mga nilalaman nito ay kabulaanan, ay parurusahan ng multang hindi hihigit sa isang libong piso o pagkabilanggong hindi hihigit sa isang taon, o kapwa ito, sa pagpapasiya ng hukuman.

(4)       Ang sino mang tao na sadyang lumabag sa mga tadhana ng mga Seksiyong apatnapu at apatnapu at isa ng Kodigong ito ay parurusahan sa multang hindi kukulangin sa isang daang piso at hihigit sa isang libong piso o ng pagkabilanggong hindi kukulangin sa isang buwan at hihigit sa isang taon, o kapwa ang gayong multa at pagkabilanggo, sa pagpapasiya ng hukuman. Kapag ang lumabag ng Seksiyong apatnapu at apatnapu't isa ay isang korporasyon, samahan o kapisanan, ang tagapamahala, o kung siya'y wala, ang taong kumakatawan sa kanya nang maganap ang paglabag ang siyang mananagot sa pagkakasala.   IASCTD

(5)       Ang sino mang tao na sadyang lumabag sa mga tadhana ng Seksiyong apatnapu't dalawa ng Kodigong ito ay masasaklaw, sa pagkakahatol doon, ng multang hindi hihigit sa dalawang libong piso o, sa ikalawang paghahatol, sa pagkabilanggong hindi hihigit sa isang taon o kapwa ang gayong multa at pagkakabilanggo, sa pagpapasiya ng Hukuman. Kapag ang lalabag ng mga tadhana ng Seksiyong apatnapu't dalawa ng Kodigong ito ay isang korporasyon, samahan o kapisanan, ang tagapamahala o kung siya'y wala, ang taong kumakatawan sa kanya nang maganap ang paglabag ang siyang mananagot sa pagkakasala.

SEKSIYON 168.    Nabibinbing Kahilingan sa Paggamit ng Makina. — Sa kabila ng alin mang salungat na tadhana ng Kodigong ito, ano mang kahilingan sa paggamit ng makina na may kaukulang mga pagpapatibay sa pagkakabagay sa paggamit ng makina at sa ikaaari sa pagpapatos ng Komisyon ng Pagsasamahan sa Pagsasaka at ng Pangasiwaan ng Muling Pagpapatao at Pagbabagong-Buhay, sa pagkakaukol, ang nilagda at nabigyan ng mga ayos na patalastas ang mga kasama sa dalawang buwan man lamang bago pagtibayin ang Kodigong ito ay bibigyan ng kaukulang daan at pagpapasiyahan ayon sa mga nauukol na mga tadhana at hinihingi ng Batas ng Republika Bilang Labing-isang daan at siyamnapu't siyam, ayon sa pagkakasusog.

SEKSIYON 169.    Mga Tauhan ng mga Tanggapang Binago ang Pagkakatatag o Binuwag. — Ang mga palagiang pinuno at tauhan ng lahat ng umiiral na tanggapan ng pamahalaan na binuwag o binagong-tatag sa ilalim ng Kodigong ito, na saklaw ng mga tuntunin at patakaran ng Serbisyo Sibil, ay mapapasama at hindi aalisan ng kanilang mga puwesto maliban sa mga hinirang ng Pangulo: Sa pasubali, Na ang mga hinirang na Pangulo na hindi maaaring isama at iyong mga pinuno at kawani na ibig maalis ay bibigyan ng bigay palang katumbas ng isang buwan sahod sa bawa't taon ng paglilingkod nguni't sa ano mang pangyayari'y hindi hihigit sa dalawampu't apat na buwang sahod, bilang karagdagan sa lahat ng biyayang nararapat sa kanila sa ilalim ng mga umiiral na mga batas at patakaran.

Upang maisakatuparan ang mga tadhana ng Seksiyong ito, inilalaan sa pamamagitan nito ang halagang limang daang libong piso mula sa mga pondong di-nailalaan sa Pambansang Ingatang-yaman.

SEKSIYON 170.    Ang Pagbabadyet at Pagbabayad ng mga Pondong Inilaan. — Sa kabila ng alin mang nasasalungat na tadhana ng Kodigong ito o ng alin mang umiiral na batas, hindi hihigit sa animnapung porsiyento ng tiyak na mga laang-guguling itinadhana sa Kodigong ito upang gugulin sa pagpapalakad ang gagamitin sa paglilingkod ng mga tauhan: Sa pasubali, Na sa pangyayari sa mga laang-gugulin ukol sa Komisyon ng Pagpapasagana ng Ani sa Pagsasaka hindi hihigit sa dalawampung porsiyento ang gugulin sa mga tauhan ng tanggapan at iba pang guguling pampangasiwaan doon: Sa pasubali, Na ang kabuuang gugulin sa pagpapalakad ng Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka ay hindi hihigit sa tatlong porsiyento ng kabuuang puhunan nito kasama ng pataan sa pagkalugi na ipinagkakaloob sa ilalim ng Seksiyong isang daan at sampu: Sa pasubali pa rin, Na lahat ng natirang di-magugol ng lahat ng laang-guguling itinatadhana sa Kodigong ito para sa gugol sa pagpapalakad ay mababalik sa Pambansang Ingatang-yaman sa katapusan ng taong piskal bilang pag-alinsunod sa mga tadhana ng Seksiyong dalawampu't tatlo ng Batas ng Republika Bilang Siyam na raan at siyamnapu't dalawa: At sa pasubali, sa wakas, Na ang lahat ng pangangailangan sa pananalapi ng iba-ibang tanggapang itinatag sa Kodigong ito ukol sa kanilang pagpapalakad maliban sa Bangko sa Lupa at sa Pangasiwaan ng Pagpapautang sa Pagsasaka ay ipapanukala sa badyet ng Pangulo upang ang gayong laang-gugulin na maaaring kailangan doon ay maitadhana sa mga Batas ng Pangkalahatang Laang-gugulin para sa mga susunod na taong piskal.

SEKSIYON 171.    Pagkakahiwalay ng mga Tadhana. — Kung sa ano mang dahilan, ang alin mang seksiyon o tadhana ng Kodigong ito ay tutulan sa alin mang hukuman, at mapapatunayang labas sa saligang-batas o walang kabuluhan, walang ibang seksiyon o tadhana ng Kodigong ito ang masisira doon.

SEKSIYON 172.    Mga Naunang Batas na Salungat Dito. — Lahat ng Batas o bahagi ng alin mang batas na salungat sa mga tadhana ng Kodigong ito ay pinawawalang-bisa sa pamamagitan nito.

SEKSIYON 173.    Petsa ng Pagkakabisa. — Ang Kodigong ito ay magkakabisa pagkapatibay nito.

Pinagtibay, Agosto 8, 1963.

 



CONTACT INFORMATION

Department of Agrarian Reform
Elliptical Road, Diliman
Quezon City, Philippines
Tel. No.: (632) 928-7031 to 39

Copyright Information

All material contained in this site is copyrighted by the Department of Agrarian Reform unless otherwise specified. For the purposes of this demo, information are intended to show a representative example of a live site. All images and materials are the copyright of their respective owners.