Dar-logo Ice-logo

September 10, 1971

 

BATAS REPUBLIKA BLG. 6389

 

ISANG BATAS NA NAGSUSUSOG SA BATAS REPUBLIKA BILANG TATLONG LIBO WALONG DAA'T APATNAPUT APAT, GAYA NG PAGKAKASUSOG, NA LALONG KILALA NA KODIGO NG PAGBABAGONG PALAKAD SA LUPANG SAKAHAN, AT SA IBA PANG LAYUNIN.

 

Pagtibayin ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas sa pagpupulong sa Kongreso:   DHcEAa

SEKSIYON 1.           Ang mga seksiyon 1, 2, 3, at 4 ng Batas Republika Blg. tatlong libo walong daa't apatnapu't apat, na lalong kilala na Kodigo ng Pagbabagong Palakad sa Lupang Sakahan, ang dito'y sinususugan gaya ng sumusunod:

"Seksiyon 1. Pamagat. — Ang Batas na ito ay kikilalaning Kodigo ng Pagbabagong Pansakahan ng Pilipinas."

Seksiyon 2.   Pagpapahayag ng Patakaran — Patakaran ng pamahalaan na:

"(1)   Magtatag ng pakikipagtulungang-maglilinang sa mga naninirahan at gumagawa sa mga lupa bilang mga magbubungkal, pagmamay-aring maglilinang at ng bukid na may sukat na sapat ikabuhay ng mag-anak bilang batayan ng pagsasaka sa Pilipinas at bunga nito, ay mailipat ang puhunan sa pagsasaka ng maylupa sa pagpapaunlad ng industriya;

"(2)   Makapagtamo ng isang marangal na pamumuhay para sa maliliit na magbubukid na ligtas sa mapaminsalang mga paghihigpit at palakad ng pinagkaugalian;

"(3)   Lumikha ng isang tunay na mabubuhay na balangkas na panlipunan at pangkabuhayan sa pagsasaka na makapagpapasigla sa lalong malaking produksiyon at higit na mataas na kita sa pagbubukid sa pamamagitan ng sistemang pakikipagtulungan ng produksiyon, pamamaraan, pamimili, pamamahagi, pag-utang at mga lingkuran;

"(5)   Magkaloob ng lalong masigla at mapamaraang palatuntunan sa muling pagpapatao sa lupa at pamamahagi ng lupaing bayan;

"(6)   Gawin na ang mga magsasaka'y maging mga mamamayang higit na malaya, mapagtiwala sa sarili at may pananagutan at mapagmumulan ng tunay na lakas sa ating lipunang demokratiko.

"(7)   Upang bigyan ng unang pansin ang mga hakbangin ukol sa katamtaman at napapanahong pagbibigay ng panustos sa Palatuntunan sa Pagbabagong Pansakahan alinsunod sa Resolusyon ng Pinagsamang Kapulungan Bilang Dalawa, na lalong kilala na Magna Karta ng Katarungang Panlipunan at Kalayang Pangkabuhayan: mga umiiral na batas; mga kautusang pampangasiwaan at tagapagpaganap; at mga alituntunin at mga patakaran na sumasalungat na di-isinasaalang-alang;

"(8)   Upang isama ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng Palatuntunan sa Pagbabagong Pansakahan; at

"(9)   Upang magbalangkas ng isang sistema sa paggamit at pag-uuri ng lupa.

"SEKSIYON 3.       Pagkakabuo ng Kodigo — Pag-alinsunod sa patakarang inilahad sa Seksiyong ikalawa, itinatatag ang mga sumusunod sa ilalim ng Kodigong ito:

"(1)   Isang kaparaanang buwisan sa pagsasaka na ipapalit sa lahat ng umiiral na kaparaanang pakikisamang partihan sa pagsasaka;

"(2)   Isang kaparaanan ng pag-utang sa upa bilang kabayaran sa amortisasyon sa halaga ng pagbili;

"(3)   Isang pagpapahayag ng mga karapatan ukol sa mga manggagawa sa pagsasaka;

"(4)   Isang pangasiwaan sa pagkuha at makatarungang pamamahagi ng lupang sakahan.

"(5)   Isang institusyong mamumuhunan sa pagkuha at pamamahagi ng lupang sakahan.

"(6)   Isang pangasiwaan upang magpa-utang at pagtulong na katulad nito sa mga namumuwisan sa pagsasaka, nagpapatubong may-aring maglilinang, pagmamay-aring maglilinang, at mga kooperatiba;

"(7)   Isang tanggapang magkakaloob ng pagsasapamilihan, pangangasiwa, at iba pang paglilingkod o pakikipagtulungang tekniko sa mga namumuwisan sa pagsasaka, nagpapatubong pagmamay-aring maglilinang, pagmamay-aring maglilinang, at mga kooperatiba;

"(8)   Isang pangasiwaan sa pagpapaunlad ng kooperatiba;

"(9)   Isang departamento sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng mga proyekto ng pagbabagong pansakahan;   EDHTAI

"(10) Isang pinalawak na palatuntunan sa pagsisiyasat ng kakayahan sa lupa, pag-uuri at pagpapatala;

"(11) Isang kaparaanang panghukuman upang magpasiya ng mga suliraning mangyayari sa ilalim ng Kodigong ito at sa iba pang nauugnay na mga batas at kautusan; at

"(12) Isang pangasiwaan na maglalaan ng naaalinsunod sa batas na pagtulong sa mga namumuwisan sa pagsasaka, nagpapatubong pagmamay-aring maglilinang, at mga pagmamay-aring maglilinang."

SEKSIYON 4.         Automatikong Paggawa sa Buwisang Pagsasaka — Ang pakikisamang partihan sa pagsasaka sa buong kapuluan, gaya ng ipinakahulugan dito, ay ipinahahayag sa pamamagitan nito na nasasalungat sa patakarang bayan ay automatikong gagawing buwisang pagsasaka sa pagkakabisa ng seksiyong ito.

"Ang pinagkaugaliang tulong na pagpapautang na ibinigay ng isang may-ari ng lupa at ng isang lokal na nagpapautang sa isang kasama sa ilalim ng pamamaraang pakikisamang partihan sa pagsasaka ukol sa mga pagpapautang sa produksiyon at mga pagpapautang ukol sa pagbili ng mga hayop na ginagamit sa paggawa, mga kagamitan sa pagbubungkal, mga binhi, mga pataba, mga manok, mga hayupan, mga pakain, at iba pang bagay na katulad nito at mga paunang-bayad ukol sa ikabubuhay ng isang namumuwisan at ng kanyang pamilya, ay maaaring ipagpatuloy ng nasabing may-ari ng lupa at ng lokal na magpapautang: Sa pasubali, Na ang kabuuang upa sa mga utang na ito, kasama ang tubo at pakinabang, butaw sa pagsisiyasat at pagpapalabas, ay hindi lalabis sa labing-apat na porsiyento sa bawa't isang taon at ang puhunan nito ay hindi mapapasailalim sa pagtakas kahi't na sa mga kaso ng di-karaniwang pagkakaroon ng implasyon at/o pagbaba ng halaga; Sa pasubli pa rin, na sa lahat ng mga pagpapautang o paunang bayad maliban sa salapi, ang tubo ay susumahin na ang gagamiting batayan ay ang kasalukuyang halaga ng lahat ng paninda sa panahon kung kailan ginawa ang pag-utang o paghingi ng paunang-bayad.

"Ang alinmang hayop na ginagamit sa bukid at mga kagamitan na ginagamit sa pagbubungkal na nasa pag-aari ng nakikisamang partihan subali't ari ng isang nagmamay-ari ng lupa ay automatikong ipagbibili sa nasabing kasama sa pamamagitan ng hulugan sa loob ng panahon na hindi lalabis ng limang taon at sa halaga na pagkakasunduan ng dalawang panig: Sa pasubali, gayon pa man, na ang kasama ay magbabayad ng paunang bayad na sampung porsiyento ng halaga na pinagkasunduan.

"Ang umiiral na mga kasunduan sa pakikisamang partihan ay makapagpapatuloy na may bisa sa alinmang purok o pook, na pansamantalang masasaklaw ng mga kaukulang tadhana ng Batas Republika Bilang Labing-isang daan at siyamnapu't siyam, na sinusugan, hanggang sa matapos ang taong sakahan na ipahahayag ng Pambansang Sanggunian sa Pagbabagong Palakad sa Lupa na ang lahat ng mga tanggapan at sangay ng pamahalaan sa purok o pook na iyon na may kinalaman sa pamumuwisan na nilalayon sa Kodigong ito ay umiiral, matangi kung nagtatakda ang gayong mga kasunduan ng may kaikling panahon o gagamitin agad ng kasama ang kanyang karapatang piliin ang kaparaanang buwisan; Sa pasubali, na upang hindi mapasapanganib ang mga kapangakuang pangdaigdig, ang mga lupang iniuukol sa mga pananim na napapaloob sa mga pag-uukol sa pamilihan ay magiging paksa ng isang hiwalay na pahayag na nakagawa na ng mga karapatang paghahanda, gaya ng pagtatatag ng mga kooperatiba, kasunduan sa pagbibili o iba pang kauring mga pakikipag-ayos na maisasagawa, upang matiyak ang mahusay na pangangasiwa sa lahat ng mga bagay na nangangang pagkakatugunan ng mga gawain sa pagsasaka at pagsasapabrika ng gayong pananim.

"Kung sa mga kasong ang ibang pakikisamang partihan sa pagsasaka ay hindi nagnanais na maging namumuwisang pansakahan ang kanilang mga pag-aari ay nararapat sa tulong ng Kawanihan ng Tulong ng Legal sa Lupa, na ipaalam sa pamamagitan ng pagsulat ng kinauukulang may-ari. Sa ganitong pangyayari, sila'y magkakaroon ng isang taong pagsasakahan mula sa petsa ng patalastas na pagtanggap ng pakikisamang namumuwisan, kung hindi, maaari na silang paalisin ng may-ari.

SEKSIYON 2.           Ang mga seksiyon 11 at 12 ng Kodigong ito ay dito'y sinususugan na mabasa gaya ng sumusunod:

"SEKSIYON 11.     Karapatan ng Namumuwisan na Unang Pagbigyan sa Pagbili — Sakaling ipasiya ng nagpapabuwis sa pagsasaka na ipagbili, ang hinahawakang lupa, ang namumuwisan sa pagsasaka ay magkakaroon ng karapatan upang pagbigyan ng naturan sa ilalim ng mga makatwirang katakdaan at kondisyon: Sa pasubali, Na ang buong hinahawakang lupang ipinagbibili ay dapat na ang Kagawaran ng Reporma sa Lupa ang unang pagbigyan sa pagbili kung nanaisin ng maylupa matangi kung tumututol ang nakararami sa mga namumuwisan sa gayong pagkuha: Sa pasubali pa: Na doon sa dalawa o higit pang namumuwisan sa pagsasaka, ang bawa't isa ay may karapatang unang pagbigyan doon lamang sa lawak ng sukat na talaga niyang nililinang. Ang karapatang unang pagbigyan sa pagbili sa ilalim ng Seksiyong ito ay magagamit sa loob ng isang daa't walumpong araw mula sa nakasulat na patalastas, na ibibigay ng may-ari sa lahat ng mga kinauukulang namumuwisan at sa Kagawaran ng Reporma sa Lupa.   HAEDCT

"Kung ang namumuwisan sa pagsasaka ay sumang-ayon sa mga kondisyon at hinihingi ng pagbibili, kinakailangan siyang magbigay ng nakasulat na patalastas sa nagpapabuwis na pansakahan na kanyang pagnanais na magamit ang kanyang karapatan ng unang pagbigyan sa pagbili sa loob ng isang daan at walumpung araw na makukuha pa niya, subali't sa anumang pangyayari na hindi kukulangin sa tatlumpung araw. Maaari niyang ibigay ang bayad, o di kaya ay magbigay ng katibayan mula sa isang bangko sa lupa na magbabayad siya ng naaalinsunod sa seksiyong walumpu ng Kodigong ito, sa halaga ng pagmamay-ari sa nagpapabuwis na pansakahan. Kung ang huli ay tumangging tanggapin ang nasabing kabayaran o katibayan, maaari niya itong ipagkatiwala sa hukuman.

"Ang anumang pagtatalo sa pagiging makatwiran ng mga kondisyon at mga tadhana ay maaaring dalhin ng namumuwisan o ng Kagawaran ng Reporma sa Lupa sa karampatang Hukuman ng Pagsasamahang Pansakahan na siyang magpapasiya nito sa loob ng animnapung araw mula sa petsa ng paghaharap nito: Sa pasubali, na sa pagwawakas ng pasiya ng Hukuman ng mga Ugnayang Pansakahan, babayaran ng Bangko sa Lupa sa may-ari ng lupa ang halagang itinakda ng hukuman sa loob ng isandaan at dalawampung araw: Sa pasubali pa rin, na sakaling hindi makabayad ang Bangko sa Lupa sa loob ng panahong yaon, ang puhunan ay magkakaroon ng tubong katumbas ng pangunahing halaga sa Bangko na umiiral sa panahong yaon.

"Sa paghaharap ng kaukulang petisyon o kahilingan sa kagawaran o kaukulang usapin sa hukuman ng namumuwisan o namumuwisan sa Pagsasaka, ang nasabing panahong isandaan at walumpung araw ay magiging paso na.

Anumang petisyon o kahilingan para sa unang pagbigyan sa pagbili ay kailangang malutas sa loob ng animnapung araw mula sa paghaharap nito, kung hindi, ang nabanggit na panahon ay muli na namang iiral."

"SEKSIYON 12.     Karapatan ng Namumuwisan sa Pagtubos. — Sakaling ipagbili ang lupa sa ibang tao nang hindi alam ng namumuwisan sa pagsasaka, magkakaroon ng karapatan itong huli na tubusin ang naturan sa katamtamang halaga at kabayaran: Sa pasubali, na doon sa may dalawa o higit pang namumuwisan sa pagsasaka, bawa't isa'y nararapat sa nasabing karapatan sa pagtubos sa sakop lamang ng lawak na talaga niyang sinasaka. Ang karapatan sa pagtubos sa ilalim ng Seksiyong ito ay maaaring gamitin sa loob ng isandaan at walumpung araw pagkaraang matanggap ang nasusulat na patalastas na ihahatid ng bumibili sa lahat ng mga apektado o kinauukulang namumuwisan at sa Kagawaran ng Repormang Pansakahan sa pagkapatala ng bilihan, at pagbibigyang una sa anumang iba pang karapatan sa pagtubos na legal. Ang halaga ng pagtubos ay kailangang sa katamtamang halaga ng lupa sa panahon ng pagbibili.

"Sa paghaharap ng kaukulang petisyon o kahilingan sa Kagawaran o kaukulang usapin sa hukuman ng namumuwisan o mga namumuwisan sa pagsasaka, ang naturang panahong isandaan at walumpung araw ay magiging paso na.

"Anumang petisyon o kahilingan sa pagtubos ay kailangang malutas sa loob ng animnapung araw mula sa paghaharap nito; kung hindi ang naturang panahon ay muli na namang iiral.

Pangungunahan ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan samantalang tutustusan ng Bangko sa Lupa ang nabanggit na pagtubos gaya ng sa kaso ng karapatan sa unang pagbigyan sa pagbili."

SEKSIYON 3.           Ang Seksiyon labing-apat ng katulad na Kodigo ay pinawawalang bisa sa pamamagitan nito.

SEKSIYON 4.           Ang Seksiyon 32 ng katulad na Kodigo sa pamamagitan nito ay sinususugang basahin gaya ng sumusunod:

SEKSIYON 32.       Gugol sa Patubig — Ang gugol sa pagpapagawa ng isang palagiang sistema ng patubig, kabilang na ang mga kanal sa pagpapaagos, ay maaaring saguting mag-isa ng nagpapabuwis sa pagsasaka na magkakaroon ng karapatan sa dagdag na paupa batan sa ibubungang dagdag ng ani: Sa pasubali, na kung ang nagpapabuwis sa pagsasaka ay tumangging sumagot sa mga gugol sa pagpapagawa, maaaring pasanin ang naturang gugol ng namumuwisan o nagpapabuwis sa pagsasaka, na sa gayong pangyayari ang una'y hindi magkakaroon ng karapatan sa dagdag na buwis at magbabayad sa pagtatapos ng ugnayan sa namumuwisan o kanyang tagapagmana ng katamtamang halaga ng pagpapaayos o mehora sa panahon ng pagtatapos: Sa pasubali pa rin, Na kung ang ginawang patubig ay hindi magamit, iyon ay hindi ituturing na pagsasaayos gaya ng pakahulugan sa Seksiyong ito. Sa pasubali pa rin, Na ang mga namumuwisan, nag-iisa man o marami, ay magsasagawa ng pamamahala at pangangasiwa sa mga sistema ng patubig sa loob ng kani-kanilang nasasakupan. Gayunman, yaong ginawa at pinamamahalaan ng pamahalaan ay maaaring ibigay sa mga namumuwisan, nag-iisa man o marami sa kanilang karapatan, na may karapatang pamalagiin, pamahalaan at pangasiwaan ang naturang sistema ng patubig at maningil at tumanggap ng mga buwis para dito: Sa pasubali pa rin, Na ang mga namumuwisan, nag-iisa man o marami, ay maglalaan ng hindi hihigit sa dalawampu't limang porsiyento ng kanilang nasingil sa buwis ng pamahalaan kung ang sistema ng patubig ay may mga pagkakautang pang dapat tugunan hanggang sa mabayarang lahat, kung hindi ay naturang sistema ng patubig ay pamamalagiin, pangangasiwaan at pamamahalaan lamang ng mga namumuwisan nag-iisa man o marami, sa ilalim ng mga tuntuning tungkol sa mga karapatan sa tubig na ginagamit na ipinahayag ng Pambansang Pangasiwaan sa Patubig o iba pang sangay ng pamahalaang pinahintulutan ng batas. Sa pasubali, sa wakas, Na kung ang sistema ng patubig ay ikinabit at/o ipinagawa sa gastos ng maylupa o nagpapabuwis sa pagsasaka, ang Kagawaran ng Repormang Pansakahan ay mangunguna samantalang tutustusan ng Bangko sa Lupa, ang pagtatamo ng naturang sistema ng patubig sa kasalukuyang katamtamang halaga sa pamilihan upang maipataw sa namumuwisan ang pag-aari nito bilang mga indibidwal o pangkat.   aSCHIT

SEKSIYON 5.           Ang Seksiyon 34 ng katulad na kodigo ay sinususugang basahin gaya ng sumusunod:

"SEKSIYON 34.     Kabayaran para sa Pamumuwisan ng Palayan at mga Lupang Iniukol sa Ibang Pananim. — Ang kabayaran para sa pamumuwisan ng palayan at mga lupang iniuukol sa ibang pananim ay hindi hihigit sa katumbas ng dalawampu't limang porsiyento ng kapantayang karaniwang ani o kung walang karaniwang ani, ang tinatayang karaniwang ani sa loob ng tatlong taon ng pagsasaka na kagyat na sinusundan ng petsa ng pagkakatatag ng pamumuwisan matapos mabawas ang daming ginamit para sa mga binhi at gugol sa pagapas, paglulugas, paglululan, paghahakot at pagsasapabrika, alinman doon ang gagamitin: Sa pasubali, na kung ang lupa ay nalinang sa panahong wala pang tatlong taon, ang unang kabayaran ay ibabatay sa kapantayang karaniwang ani o kung walang karaniwang ani, ang tayang karaniwang ani noong sa loob ng tatlong taong ito sa pagsasaka.

Sa kawalan ng anumang kasunduan ng magkabilang panig tungkol sa buwis, ang Hukuman ng mga Ugnayang Pansakahan ay agad mapagpapasiya ng isang pansamantalang buwis alinsunod sa mga umiiral na batas, tuntunin at regulasyon at tala ng ani, na makikita sa iba't ibang larangang sangay ng kagawaran, na isinasaalang-alang ang saklaw ng pagpapaunlad ng lupa sa panahong baguhin ito sa pamumuwisan at ang pakikilahok ng namumuwisan sa pagpapaunlad nito. Ang pansamantalang buwis ay patuloy na ipatutupad at magkakabisa hanggang ipasiya sa wakas ang takdang buwis. Pagpapasiyahan ng hukuman ang takdang buwis sa loob ng tatlumpung araw pagkaraang maiharap ang petisyon para pagpasiyahan.

Kung may mga mehorang puhunan na ipinasok sa lupa na hindi sa pamamagitan ng namumuwisan upang maragdagan ang ani nito, dadagdagan ang buwis ng katumbas sa naging dami ng ani dahilan sa nasabing mehora. Sakaling mayroong di pagkakasundo, pagpapasiyahan ng Hukuman ang katamtamang dagdag sa buwis."

SEKSIYON 6.           Sa pamamagitan ay isinisingit ang isang bagong seksiyon sa hulihan ng Seksiyon 34, na itatalagang Seksiyon "34-A", na babasahin gaya ng sumusunod:

"SEKSIYON 34-A. Buwis na itinuturing na taunang hulog o amortisasyon sa halaga ng pagkabili — Ang buwis na ibinayad sa ilalim ng sinusundang seksiyon matapos ang pagpapatibay ng Batas na Nagsususog na ito ay ituturing na taunang hulog o amortisasyon sa halaga ng pagkabili ng lupang sinasaka ng namumuwisan sa alin man sa sumusunod na kadahilanan:

"(1)   Kapag ang lupa ay ekspropriado ng pamahalaan para sa namumuwisan; at

(2)     Kapag ito ay tinubos.

"Ang halaga ng pagkabili ng lupa ay pagpapasiyahan ng magkabilang panig o ng mga sangay ng pamahalaan kinauukulan sa gayon ding batayang iniatas sa ilalim ng seksiyon limampu't anim ng Kodigong ito: Sa pasubali, Na, anumang balanseng natitira matapos maituring na amortisasyon ang binayarang buwis, ang naturan ay maaaring tustusan ng Bangko sa Lupa sa gayon ding halaga at paraan ng pagbabayad gaya ng itinatadhana sa ilalim ng seksiyon walumpu ng Kodigong ito.

"Ang mga tauhan ng Batas Bilang Apat na raa't siyamnapu't anim, na sinusugan, at ang iba pang mga batas na salungat sa kabila nito, ang Komisyon sa Pagpapatala ng Lupa ay dito'y binibigyang kapangyarihan kasama ang Kawanihan ng mga Lupain upang pagtibayin ang mga plano sa pagsusukat ng mga lupa na nauukol sa mga orihinal na pagpapatala at upang maglabas ng mga katibayan ng paglilipat ng mga titulo na umaayon sa bagong nahuhulog na mga may-aring tagapagmana sa ilalim ng Seksiyong ito at ng Tagatala ng mga Kasulatan na ipatala ang katulad nito. Para sa layuning ito, ang Komisyonado ng Talaan ng mga Lupain, ay maghaharap ng mga kinakailangang mga tuntunin at mga alituntunin para sa pagpapatupad ng tadhanang ito.

"Ang Kagawaran at/o ang Bangko, sa mga pangyayaring akma rito, ang siyang magpapadali ng mga agad na paglalabas ng nasabing mga titulo ng katibayan sa paglilipat ng mga ari-arian sa bagong nagpapahulog na may-ari na nakatatak ang anumang hadlang.

"Ang mga tadhana ng mga umiiral na mga batas, mga tuntunin at mga alituntunin na salungat sa kabila nito, ang anumang may-ari na nagpapahulog ay maaaring gamitin ang titulo ng katibayan sa paglilipat upang makautang sa alin mang pribado o pamahalaang mga nagpapautang na hindi liliit sa animnapung porsiyento ng katamtamang halaga sa pamilihan ng mga pag-aari: Sa pasubali, Na ang mga nalikom ng nasabing mga utang ay gagamitin gaya ng sumusunod: limampung porsiyento na bahagi ng kabayaran sa anumang hindi pa nababayarang balanse ng mga ari-arian at ang natitirang limampung porsiyento ay para sa malakihang pagpapabuti ng lupa at puhunan sa paggawa para sa mga gawaing pansakahan ng naghuhulog na may-ari.   ACHEaI

"Ang mga kabayaran na lahat ng mga utang na nakuha alinsunod sa mga tadhana ng seksiyong ito ay ginagarantiyahan ng Bangko sa Lupa at para sa layuning ito, ito'y maglalaan na isang pondong pambayad-utang sa nasabing halaga na kinakailangan upang mapagpasiyahan ng Lupon ng mga Katiwala.

"Kung pumalya sa pagbabayad ng tatlong sunud-sunod na paghuhulog ng utang, patatalastasan agad ng nagpapautang, bukod sa iba pa, ang Bangko sa Lupa at ang kagawaran ng nasabing hindi pagtupad sa pagbabayad, at matapos ito, ang mga ahensiyang ito ay gagawa ng wastong hakbang alinman sa sumusunod:

"(1)   Upang sagutin ang anumang di-pagtupad sa pagbabayad kung ang sanhi ay dahilan sa isang di-sinasadyang pangyayari, o

"(2)   Sa ano pa mang kadahilanan ay siyang mangangasiwa o siyang magmamay-ari ng nasabing ari-arian.

"Sa sinundang kaso na binanggit sa ilalim ng sinundang talata, ang pamahalaan ay magsisikap na maipalitan ng isang baguhan na walang pag-aaring lupain sa di-pagtupad na paghuhulog na may-ari at siyang mapapalagay sa mga karapatan, at siyang mananagot sa mga obligasyon ng dating naghuhulog na may-ari.



CONTACT INFORMATION

Department of Agrarian Reform
Elliptical Road, Diliman
Quezon City, Philippines
Tel. No.: (632) 928-7031 to 39

Copyright Information

All material contained in this site is copyrighted by the Department of Agrarian Reform unless otherwise specified. For the purposes of this demo, information are intended to show a representative example of a live site. All images and materials are the copyright of their respective owners.