September 27, 2000
DAR OPINION NO. 19-00
G. Gregorio Sismundo
Brgy. Dogongan, Daet
Camarines Norte
Ginoong Sismundo:
Ito po ay may kinalaman sa inyong liham na may petsang 01 Disyembre 1998 na ipinadala ninyo sa Kagalang-galang na Pangulo ng Pilipinas, Joseph E. Estrada, at ito naman ay inilipat sa Kagawaran ng Repormang Pansakahan upang humiling na bigyang linaw ang mga sumusunod na katanungan:
a) Kung nararapat bang ipaalam sa inyong mag-asawa ang pagbebenta ng lupang inyong sinasaka?
b) Kung bakit sa loob ng labing limang (15) taon (1983-1998) ay hindi pa rin ninyo nakikita ang nakabili ng lupa?
k) Kung naayon ba sa batas na bago ipagbili ang alinmang lupa na mayroong nangangalaga ay dapat malaman muna ng huli?
Nabanggit ninyo sa inyong liham na kayo po ay nabubuhay sa pangangalaga ng dalawang (2) parsela ng lupa na may sukat na humigit-kumulang na limang (5) hektarya; na ang nasabing lupain ay pag-aari ng mag-asawang Nemeria Orendain (Lot No. 770) at Vicente Gardozo (Lot No. 767); na ito ay inyong pinagyayaman simula pa noong 1960 hanggang sa kasalukuyan at isinusulit naman ninyo ang parte ng may-ari ng lupa sa isang engkargado; na noong taong 1982 ay tumulak patungong Amerika ang inyong amo at matahimik kayong nabubuhay na mag-anak sa nasabing lupa hanggang sa dumating ang sandali na may pumalit na engkargado sa inyong inaalagaang lupa noong huling buwan ng 1997; at nalaman na lang ninyo na naipagbili na ang lupang inyong tinitirhan noon pang 1983 na lingid sa inyong kaalaman.
Kaugnay po sa inyong una at ikatlong katanungan, isinasaad po ng batas na kung sakaling ang lupa ay naipagbili sa ibang tao nang hindi alam ng namumuwisan sa pagsasaka, magkakaroon ng karapatan itong huli na tubusin ang naturan sa katamtamang halaga at kabayaran (Seksyon 12 ng B.R. Blg. 3844, sa sinusugan ng Seksyon 2 ng B.R. Blg. 6389, Karapatan ng Namumuwisan sa Pagtubos). Samakatuwid, naaayon sa batas na bago ipagbili ang lupa na mayroong nangangalaga ay dapat malaman muna ng huli.
Isinasaad din po sa Seksyon 10 ng Kodigo ng Repormang Pansakahan (R.A. No. 3844, na sinusugan ng R. A. No. 6389) ang sumusunod:
"Seksyon 10. Ang Pagsasakang Buwisan sa Pagsasaka ay Di Nagwawakas sa Pagkatapos ng Takdang Panahon, atbp. — Ang pagsasamahang buwisan sa ilalim ng Kodigong ito ay di magwawakas dahil lamang sa pagkatapos ng taning o takdang panahong nasa kasunduan sa pamumuwisan ni sa pagbibili, pagaalis o paglilipat ng pag-okupang legal sa hinahawakang lupa. Sakaling ipagbili, ialis o ilipat ng nagpapabuwis sa pagsasaka ang pag-okupang legal sa hinahawakang lupa, ang nakabili o pinaglipatan niyon ay malalagay sa mga karapatan at mahahalili sa mga pananagutan ng nagpapabuwis sa pagsasaka."
Isinasaad sa nasabing batas na kung sakali man na ipagbili o magkaroon ng paglilipat sa pagmamay-ari ng lupang sinasaka, magpapatuloy ang ugnayan ng magsasaka at ng bagong nagmamay-ari ng lupa.
Kaugnay po sa inyong ikalawang katanungan, kung ang hinihiling ninyo ay makita ang bagong may-ari ng lupa ay maaaring makatulong sa inyo ang Municipal Agrarian Reform Officer o MARO sa inyong lugar kung saan matatagpuan ang lupang inyong nililinang.
Maraming salamat sa inyong pagliham at nawa'y natugunan namin ang inyong mga katanungan.
Lubos na gumagalang,
(SGD.) FEDERICO A. POBLETE
Undersecretary for Legal Affairs, and Policy and Planning
Copy furnished:
Gaudencio Mendoza, Jr.
Assistant Executive Secretary
For Legal Affairs
Office of the President, Malacañang
OSEC Doc. No. 99030985
The Municipal Agrarian Reform Officer
DAR Municipal Office
Daet, Camarines Norte