Dar-logo Ice-logo

March 4, 1999

DAR OPINION NO. 18-99

G . WILLIAM B. PESIGAN

Buhaynasapa, San Juan

Batangas

G. Pesigan:

Ito po ay patungkol sa inyong liham noong ika-25 ng Enero 1999 kaugnay sa inyong suliranin sa lupaing inyong sinasaka na kung saan ay inyong hinihiling ang mga sumusunod:

1.         Na ang nabanggit na lupang inyong sinasaka ay masaklaw o maipalalim sa CARP o R.A. No. 6657 o dili kaya ay magkaroon ng kaukulang hakbang para magawan ng tinatawag na Leasehold Agreement; at

2.         Na mabigyan kayo ng tulong o Legal Assistance upang maipaglaban ang inyong karapatan bilang magsasaka at gayundin ang Pagpapawalang-bisa ng usaping Estafa na inihain sa hukuman laban sa inyo.

Ayon po sa inyong liham, kayo po ay mahigit ng sampung taong nagsasaka ng humigit-kumulang na isang (1) hektaryang lupain na may kabuuang sukat na humigit kumulang sa sampung (10) hektarya na dating pagmamay-ari ng namayapang Mercedez Salud de Villa. Na ang nabanggit na humugit kumulang na sampung (10) hektaryang lupain ay minana ng kanyang mga anak na sina Ginoo at Ginang Joaquin Salud Jr. at kayo ay kinilala ng huli bilang isang tenant sa mahigit na isang (1) hektaryang bahagi ng nabanggit na lupa. Sang-ayon din po sa inyo, noong taong 1996 ang nabanggit na lupa ay ipinasok o ipinasaklaw ng mga magsasaka sa CARP o R.A. No. 6657 na ikinagalit naman ito ng may-ari ng lupa. Na simula noong taong 1996 at sa kadahilanan ng hindi nila pagsang-ayon sa pamamaraan sa hatian, ayaw ng tanggapin ng nabanggit na may-ari ang kanilang kabahagi na ika-apat na parte na naging sanhi upang kayo ay ipagsakdal sa hukuman ng kasong Estafa.

Kaugnay po sa inyong unang kahilingan, nais po naming ipabatid sa inyo na sang-ayon sa Seksyon 4 ng Batas Republika Blg. 6657 o ang batas sa Komprehensibong Repormang Pansakahan, ang mga lupang agrikultural na pampubliko at pribado ano pa man ang kaayusan sa pagmamay-ari at inaani ay saklaw ng Komprehensibong Programa sa Repormang Pansakahan (CARP)

Kaugnay nito, kung sakali naman po na ang lupang agrikultural ay hindi pa natatamo alinsunod sa nabanggit na batas, isinasaad po sa Seksiyon 12 ng nabanggit na batas na upang mapangalagaan at mapabuti ang kalagayang pagmamay-ari at pangkabuhayan ng mga magsasaka sa mga lupaing may kasama inaatasan ang DAR na kagyat ng tiyakin at itakda ang halaga na pamumuwisan alinsunod sa Seksiyon 34 ng B.R. Blg. 3844. Gayundin, alinsunod sa Kautusang Pampangasiwaan Blg. 5, Serye 1993 (Administrative Order No. 5, Series 1993), (Mga Alintuntunin At Pamamaraang Namamahala Sa Buwisang Pansakahan At Ang Pagtatakda Ng Upa Sa Buwisan Para Sa Mga Lupaing May Kasama), ang halaga ng buwisan na babayaran ng lahat ng mga namumuwisan ay hindi dapat humigit sa katumbas ng dalawampu't-limang porsiyento (25%) ng katamtamang karaniwang ani sa loob ng tatlong (3) taong pansakahan, matapos maawas ang halagang ginamit at ginastos sa pag-aani, paggiik, pagkakarga, paghahakot at pagpoproseso. Sang-ayon din sa nabanggit na kautusan, tungkulin ng Municipal Agrarian Reform Officer (MARO) sa tulong ng Barangay Agrarian Reform Committee (BARC) ang magtakda ng upa sa buwisan sa isang komperensiya kaharap ang may-ari at ang magsasaka at kung sakaling hindi magkasundo ang may-ari ng lupa at namumuwisan sa nabanggit na upa sa buwisan, itatakda ng MARO ang pansamantalang upa sa buwisan na kung saan ito ay isusumite sa Provincial Agrarian Reform Adjudicator (PARAD) upang muling pag-aralan bago magpalabas ng kautusan na nagtatakda ng upa sa buwisan.

Kaugnay sa inyong ikalawa at huling kahilingan, nais po naming ipabatid sa inyo na ang isang magsasaka ay may karapatan na magkaroon ng libreng serbisyo ng abogado na siyang kakatawan sa anumang usapin na may kaugnayan sa pagsasaka. Kaugnay nito, upang lubos na mapangalagaan ang inyong karapatan bilang magsasaka mas makakabuti po na humingi kayo ng libreng serbisyo ng abogado mula sa DAR Provincial Office (puwede rin po dito sa Central Office) upang siyang kakatawan sa inyo sa anumang usapin na may kaugnayan sa inyong suliraning pagsasaka.

Maraming salamat sa inyong pagliham at nawa'y natugunan namin ang inyong kahilingan.

Sumasainyo,

(SGD.) DANILO T. LARA

Undersecretary for Legal Affairs, and Policy and Planning

Copy furnished:

Dir. Eugenio B. Bernardo

DAR Region IV

Capitol Compound, Pasig City

PARO Antonio Evangelista

PMS Bldg., Marauoy

Lipa City

The Municipal Agrarian Reform Office

San Juan, Batangas



CONTACT INFORMATION

Department of Agrarian Reform
Elliptical Road, Diliman
Quezon City, Philippines
Tel. No.: (632) 928-7031 to 39

Copyright Information

All material contained in this site is copyrighted by the Department of Agrarian Reform unless otherwise specified. For the purposes of this demo, information are intended to show a representative example of a live site. All images and materials are the copyright of their respective owners.