Dar-logo Ice-logo

November 8, 2000

DAR OPINION NO. 35-00

G. NEMENCIO C . PULUMBARIT, SR.

Kinatawan

Maunlad Homes, Inc.

McArthur Hi-way Crossing

Malolos, Bulacan

Ginoong Pulumbarit:

Ito po ay may kinalaman sa inyong liham na humihingi ng isang legal opinion ukol sa mga lupaing nakapangalan sa inyong tatlong kapatid na babae na sina Aurora, Marietta at Arsenia Pulumbarit, na matatagpuan sa Iba, Hagonoy, Bulacan.

Ayon sa inyong liham, ang ibang magsasaka sa nasabing mga lupain ay nagbenta ng kanilang karapatang magsaka sa ibang tao na wala kayong kapahintulutan; na nais ninyong malaman kung ang ginawa ng mga nasabing magsasaka o tenants ay labag sa batas na ipinatutupad ng aming kagawaran; na ang mga nasabing magsasaka ay hindi nagsisipagbayad ng angkop na buwis mula pa noong taong 1990 hanggang sa kasalukuyan sa hindi malamang kadahilanan, at ang iba nama'y nagsipagbayad noong taong 1994; at, nais din ng inyong mga kapatid na babae na magkaroon ng tumpak na parte na anim (6) na ektarya sa nasabing lupain, dahil nasasaad sa P.D. 27 na ang dapat ariin ng isang may-ari ng lupa ay hindi hihigit sa pitong (7) ektarya.

Isinasaad ng Section 8 (1) ng R.A. No. 3844, as amended, ang mga sumusunod:

"Section 8.     Extinguishment of Agricultural Leasehold Relationship. — The agricultural leasehold relation established under this Code shall be extinguished by:

1)         Abandonment of the landholding without the knowledge of the agricultural lessor;

xxx                      xxx                      xxx"

Ang pagbebenta ng mga magsasaka ng kanilang karapatang magsaka sa ibang tao nang hindi alam ng nagpapabuwis sa pagsasaka ay maaari pong ituring na pag-iwan or abandonment na kung saan ang pagsasamahang buwisan sa pagsasaka ay maaaring magwakas. Subalit ayon sa Section 7 ng R.A. No. 3844, as amended, ang pasasamahang buwisan sa pagsasaka, minsang maitatag, ay maggagawad sa namumuwisan sa pagsasaka ng karapatang magpatuloy sa paggawa sa hinahawakang lupa . . .  at hindi siya maaaring mapaalis doon matangi kung ipinahihintulot ng Hukuman sa mga kadahilanang dito'y itinatadhana.

Ayon naman po sa hindi pagbabayad ng angkop na buwis ng mga magsasaka mula noong 1990 hanggang sa kasalukuyan, ang Section 36 (5) ng R.A. No. 3844, as amended ay nagsasaad na ang hindi pagbabayad ng buwis sa kaukulang araw nito ay maaaring dahilan ng pagpapaalis ng magsasaka kung ang pagpapaalis sa kanya ay ipinahintulot ng Hukuman sa isang hatol na pangwakas makaraan ang kaukulang paglilitis. Subalit, kung ang di pagbabayad ng buwis ay dahil sa pagkasira ng ani na umaabot sa pitumpu't limang porsiyento, bunga ng isang pangyayaring di maiiwasan, ang di pagbabayad ay di magiging matwid sa pagpapaalis, bagaman ang pananagutang magbayad ng buwis ukol sa aning iyon ay di nawawala sa gayon.

Ayon naman po sa nais ng inyong mga kapatid na magkaroon ng tig-aanim (6) na ektaryang lupain, ang usaping ito ay mas nararapat na ipaubaya at pag-aralan ng aming Provincial Agrarian Reform Officer (PARO) at Municipal Agrarian Reform Officer (MARO) sa lugar na kung saan ang lupang nabanggit ay makikita, upang lubos na malaman ayon sa tunay na mga pangyayari, kung ang inyong mga kapatid na babae ay karapat-dapat bang magkaroon ng tig-aanim na ektaryang lupain ayon sa batas.

Salamat po sa inyong pagliham at nawa ay natugunan namin ang inyong mga katanungan.

Lubos na gumagalang

(SGD.) FEDERICO A. POBLETE

Undersecretary for Legal Affairs, and Policy and Planning

Copy furnished:

PARO Linda Hermogino

DAR Provincial Office

Baliuag, Bulacan

The Municipal Agrarian Reform Officer

DAR Municipal Office

Hagonoy, Bulacan



CONTACT INFORMATION

Department of Agrarian Reform
Elliptical Road, Diliman
Quezon City, Philippines
Tel. No.: (632) 928-7031 to 39

Copyright Information

All material contained in this site is copyrighted by the Department of Agrarian Reform unless otherwise specified. For the purposes of this demo, information are intended to show a representative example of a live site. All images and materials are the copyright of their respective owners.