April 24, 1997
DAR OPINION NO. 44-97
Gg. Narciso T . Sewa
Pambansang Pangalawang Pangulo ng Luzon
Agrarian Reform Beneficiaries Association, Inc.
c/o Action Officer for ARBA/SCS
1st Floor, DARCO
Ginoong Sewa:
Ito ay may kinalaman sa mga suliranin/problemang nabanggit sa inyong liham na may petsang 05 Nobyembre 1996 ukol sa pagpapatupad ng mga batas at alintuntunin tungkol sa repormang Pansakahan.
Nais naming ipaalam sa inyo na kami ay tumututol sa paratang na pakikipagsabwatan ng ilang mga tauhan ng DAR sa may-ari ng lupa, debeloper at dayuhan sa pagpapalabas/pagpapatupad ng mga alituntunin ng DAR. Ang pagpapalabas ng alituntunin o patakaran ay dumadaan sa masusing pag-aaral ng Guidelines Drafting Committee (GCD) na itinatag ng ating butihing Kalihim Ernesto D. Garilao upang gumawa ng mga alituntunin para sa pagpapatupad ng mga batas pang-agraryo. Ito ay pinamumunuan ng Assistant Secretary for Legal Affairs, and Policy and Planning at kinabibilangan ng mga pinuno ng iba't ibang sangay ng aming opisina.
Nais rin naming ipahayag ang aming kasagutan sa mga suliraning nabanggit sa pagpapairal ng mga sumusunod na alituntunin:
1. Rules and Procedures Governing Land Use Conversion
a) Ang malimit na pagbabago ng patakaran sa paggamit ng lupa ay kinakailangan upang itugma ito sa mga alituntunin o opinyon ng iba't ibang ahensiya ng pamahalaan na inatasang tumulong sa pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Ang "inter-agency implementation" ng CARP ay napapaloob sa Executive Order No. 406, Series of 1990 ng dating Pangulo Corazon C. Aquino, na nagsasaad ng pagtutulungan ng iba't ibang ahensiya ng pamahalaan sa pagpapatupad ng CARP.
b) Ayon sa Administrative Order No. 12, Series of 1994, ang Regional Center for Land Use Planning, Policy and Implementation (RCLUPPI) ang siyang inatasan upang magsagawa ng imbestigasyon kung pagtibayin o di-pagtibayin ang Application for Land Use Conversion.
c) Ang pagpapalabas ng "Draft Order" ay mahigpit na ipinagbabawal ng aming opisina at sinumang mahuli ay papatawan ng kasong kriminal at administratibo na may kaukulang parusa. Ito ay nakapaloob sa DAR Memorandum Circular No. 25, Series of 1995.
d) Ang illegal conversion ay isa sa mga ipinagbabawal na gawain ng may-ari ng lupa. Ito ay nakasaad sa Section 73 (c) at (e) ng Republic Act No. 6657. Sa pagpapatupad ng probisyon na ito ay nilagdaan nila Kalihim Ernesto D. Garilao at Franklin M. Drilon (ngayon ay Senador) noong April 22, 1994 ang Joint Administrative Order No. 5, Series of 1994.
2. Reconveyance of Properties Turned-Over to DAR Pursuant to E.O. 407/448 and VOS (Administrative Order No. 3 Series of 1996)
Kung ang lupang sinasaka ng ARB ay kasama sa "reconveyed properties", and DAR ay tutulong sa paglipat (relocation) sa mga apektadong magsasaka sa ibang lupaing sakop ng CARP. Kung ang ARB naman ay interesado sa pagbili ng nasabing lupa, ang DAR ay makikipag-ugnayan sa ahensiyang nagmamay-ari ng lupa para sa "direct acquisition scheme". Ang DAR sa ngayon ay gumagawa ng pagsusuri para baguhin ang A.O. No. 3, Series of 1996 kung saan ang magsasaka ay bibigyan ng isang (1) taong palugit para gawing produktibo ang lupang kanyang sinasaka bago tuluyang ibalik sa may-ari ng lupa. Subalit kung ang lupang nabanggit ay may usapin tungkol sa karapatan ng mga magsasaka (tenancy relationship), ito ay bibigyan muna ng kalutasan ng Department of Agrarian Reform Adjudication Board (DARAB).
3. Rules and Procedures Governing the Issuance of IDs to All ARBs' with EPs, CLOAs, Homestead Patents, and Leasehold Contracts
Ang ID ay ibinibigay sa lahat ng magsasaka na may hawak na titulo gaya ng EP, CLOA, Homestead Patent o Leasehold Contract. Walang pagtatangging nagaganap sa pagbibigay ng ID liban sa mga magsasakang lumalabag sa kautusan nakasaad sa Republic Act No. 6657 at iba pang batas pang-agraryo.
4. Guidelines and Procedures Governing Monitoring of Violation and/or Circumvention Committed by ARBs
Ang lupang sinasaka ng agrarian reform beneficiary na napatunayang lumabag sa Memorandum Circular No. 19, Series of 1996 ay ipamimigay ng DAR sa ibang "qualified beneficiary" na nakasaad sa Section 22 ng Republic Act No. 6657. Ayon sa nasabing batas, ang "qualified beneficiary" ay siyang may kakayahan at abilidad na gawing produktibo ang lupang kanyang sinasaka. Sa madaling salita, ang lupa ay ipinamimigay lamang sa tunay na magsasaka.
Ayon sa R.A. No. 6657, papatawan ng kaukulang parusa ang mga ARBs na magbebenta ng lupang ipinamahagi ng DAR na hindi pa lubos na nababayaran at mga lupang ipinagbabawal na ipagbili sa loob ng sampung (10) taon na walang kaukulang pahintulot mula sa DAR or LBP.
Tungkol naman sa inyong kahilingan o rekomendasyon, ang DAR ay magsasagawa ng kaukulang hakbang o pagsisiyasat sa pangyayaring nabanggit sa inyong liham. Hinihiling namin na kayo ay makipag-ugnayan kay Director Pacifico V. Gomez, Jr. ng Special Concerns Staff para sa mga detalye at kalutasan ng inyong mga suliranin.
Maraming Salamat.
Lubos na sumasainyo,
(SGD.) ARTEMIO A. ADASA, JR.
Undersecretary for Legal Affairs, and Policy and Planning