September 27, 2000
DAR OPINION NO. 20-00
G. Rodrigo Elcarte
Purok 5 Upper Sto. Niño
Mahayag, Zamboanga del Sur
Ginoong Elcarte:
Ito po ay may kinalaman sa inyong liham na may petsang 11 Enero 1999 na humihingi ng kasagutan na makakapagliwanag sa inyong suliranin na nauukol sa naiwang lupa ng inyong mga magulang. Ang inyong mga katanungang ay ang mga sumusunod:
1. Kung may karapatan ba kayo na hatiin ang lupa; at higit, ang inyong mga kapatid na babae na hindi nabahaginan sa lupang naiwan ng inyong mga magulang?
2. Na kung puwedeng ihiwalay ang maliit na bahagi ng lupa na inyong sinasaka kahit na ang pangalan ng isa ninyong kapatid ang nailagay sa Certificate of Land Transfer (CLT)?
3. Na kung puwede bang hatian ang tatlo ninyong kapatid sa nasabing lupain?
4. Na kung sino ang puwede ninyong lapitan tungkol sa mga nabanggit na problema?
Ayon sa inyong liham, lima (5) kayong magkakapatid, dalawa (2) ang babae at tatlo (3) ang lalaki; na simula ng mamatay ang inyong mga magulang (noong 1960 ang inyong ama at 1981 naman ang inyong ina), kayo na po ang namahala sa lupa na may sukat na 3.2 hektarya; nang maipatupad ang Land Reform Program ay inirehistro ng inyong nakakatandang kapatid na si Romeo Elcarte ang saka at mula noon ay nabigyan siya ng Certificate of Land Transfer (CLT); na sa pamamagitan ng buwanang hulugan, kayo at ang kapatid ninyong si Patt ay nabahaginan ng kaunting bahagi sa lupang nabanggit ngunit ang inyong dalawang kapatid na babae ay hindi nabigyan; namatay ang inyong kapatid na si Romeo noong 1994 at noong sumunod na taon ay nag-asawa muli ang kanyang maybahay at hanggang sa kasalukuyan ay sila pa rin ang nagtratrabaho sa lupang may sukat na 2.5 hektarya.
Noong namatay ang inyong ama noong taong 1960 na noon ay siyang nagsasaka o gumagawa sa nabanggit na lupain, ang batas na umiiral ay ang Batas Republika Blg. 1199 (The Agricultural Tenancy Act of the Philippines). Ayon sa seksyon 9 ng nasabing batas, na sinusugan ng Batas Republika Blg. 2263, isinasaad dito na kung sakaling mamatay ang isang tagapangalaga o gumagawa sa lupa, magpapatuloy ang pagsasaka o paggawa sa pamamagitan ng paglilipat o pagmamana ng karapatang magsaka sa malalapit na katulong na kasambahay na nauugnay sa namatay na tagapangalaga sa loob ng ikalawang digri ng pagka-kadugo na kung saan ay siya mismo ang personal na magsasaka sa lupa.
Kaugnay sa inyong mga katanungan at sang-ayon sa nabanggit na probisyon ng Batas, maaari po ninyong isangguni ang inyong mga nabanggit na problema sa tanggapang lokal ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan (DAR) na kung saan ang lupain ay matatagpuan. Mayroon po kaming mga taong nakatalaga doon para sa kaukulang serbisyo.
Maraming salamat po sa inyong pagliham.
Lubos na gumagalang,
(SGD.) FEDEDRICO A. POBLETE
Undersecretary for Legal Affairs, and Policy and Planning
Binigyang sipi:
OSEC Doc. No. 99030348