November 14, 1997
DAR OPINION NO. 123-97
G. Francisco R. Santos
c/o Amparo D. Santos
79 Panay St., Project 7
Quezon City
G. Santos:
Ito po ay patungkal sa inyong liham na kung saan ay nais po ninyong maliwanagan sa inyong mga sumusunod na katanungan:
1. Ano po ang naging relasyon ng aking kapatid na panganay sa aking ina ukol sa pagasasakahan o pag-gawa sa bukid?
2. Paano po naging tenant ang aming pamangkin sa sinasakang lupa ng kanyang ama na pag-aari ng aming pamilya?
3. Ang pagiging tenant po ba ay naisasalin o namamana kahit hindi kanila ang bukid?
4. Maari po bang malaman kung anu-ano ang mga elemento upang maging lihitimong "Tenant" ang isang gumagawa o sumasaka ng lupa?
Ayon po sa inyong liham, kayo po ay isa sa pitong (7) tagapagmana ng namayapa ninyong mga magulang; na noong nabubuhay pa ang inyong ama ay mayroong sumasaka sa inyong bukid ngunit noong 1970 matapos madala sa huling hantungan ang inyong ama, binayaran ng inyong ina ang karapatan ng gumagawa sa bukid at ang pagsasaka sa inyong bukid ay inilipat ng inyong ina sa panganay ninyong kapatid upang magkaroon ito ng hanapbuhay at pagkakakitaan; na sa abot ng inyong kaalaman, ang usapan/kasunduan ng inyong ina at ng inyong kapatid na panganay sa pag-gawa sa bukid ay ang lahat ng gastos ukol sa pagsasaka, gaya ng paararo, patanim, abono, pamatay insekto pagapas, etc. ay galing lahat sa inyong ina at matapos ang anihan at maipagbili ang palay, ilalabas o ibabalik muna ang lahat ng nagastos na ito bago nila partihin ang matitira; na noong mamatay ang inyong ina ay hinayaan ninyong manatili sa kamay ng inyong kapatid na panganay ang pagsaka sa bukid tulad ng dati, na kung saan ang ani sa bukid ay siya na rin ang nagpaparte at ibinibigay na lang sa inyo ang kaukulang bahagi ng bawat isa sa inyo, at ito ay walang anumang paglalahad ukol sa mga nagastos, kung ilang kaban ang inani, mapatag-araw o mapatag-ulan, dahil ang katwiran ninyong magkakapatid ay hindi na bale at kung sakali at may kaunti mang dipirensya ay makatutulong din iyon sa kanya; na noong Oktubre 1996, ng mamatay ang inyong kapatid na panganay ay inaasahan ninyo ang pagbabalik sa inyong lupa ng sa ganoon ay isa naman sa inyo na walang hanapbuhay ang magsaka at mangasiwa nito ngunit ang nangyari ay isa sa mga anak ng inyong kapatid na namatay ang siyang umangkin na siya raw ang tenant ng inyong bukid na ginagawa ng kanyang ama at hinda raw niya bibitiwan ito hanggat hinda niya nakukuha o ibinibigay ninyo ang kanyang parte/bahagi sa nasabing lupa.
Para lubusan po nating maunawaan ang inyong mga katanungan, ay hayaan po ninyong sagutin muna namin ang inyong huling katanungan. Ayon po sa kapasiyahan na inilahad ng ating Kataastaasang Hukuman sa usapin ng Prudential Bank vs. Honorable Filomeno Gapultos, et al., G.R. No. L-41835, makatuwiran po na sinabi ng ating Korte Supreme ang mga sumusunod:
"The essential requisites of tenancy relationship are : 1) the parties are the landowner and the tenant; 2) the subject is agricultural land; 3) there is consent; 4) the purpose is agricultural production; 5) there is personal cultivation; and 6) there is sharing of harvest. All these requisites must concur in order to create a tenancy relationship between the parties. The absence of one does not make an occupant of a parcel of land, or a cultivator thereof, or a planter thereon a de jure tenant. Unless a person has established his status as de jure tenant, he is not entitled to security of tenure nor is he covered by the Land Reform Program of the government under existing tenancy law."
Ayon po sa inyong unang katanungan, maliwanag po sa mga alituntunin na inilahad ng ating Korte Suprema na ang inyong kapatid ay naging tenant ng inyong ina. Ang mga alintuntunin o elemento ng pagiging isang ganap na tenant ay makikita sa relasyon ng inyong ina at panganay ninyong kapatid sa pagsaka ng lupa.
Ayon naman po sa inyong ikalawang katanungan, ang inyong pamangkin ay hindi maaring naging tenant sa lupa na sinaka ng kanyang ama (inyong kapatid). Ang pagpanaw ng inyong mga magulang ay siyang nagbigay daan upang ang inyong kapatid ay naging isang ganap na co-owner sa 1/7 bahagi ng inyang lupain. Sa kadahilanang ito, ngayong isa nang may-ari ng 1/7 bahagi ang inyong kapatid sa nasabing lupain, ay doon na rin nagtapos ang kanyang pagiging tenant sa nasabing lupain. Dagdag pa po dito, nais din po naming ipabatid sa inyo na hindi po pinapayagan ng batas na ang isang may-ari ng lupa ay siya rin ang maging tenant sa nasabing lupain. Yamang hindi na tenant sa nasabing lupain ang inyong kapatid noong siya ay yumao, ang kanyang anak na inyong pamangkin ay hindi na rin po pwedeng maging tenant sa nasabing lupain. Subalit siya (pamangkin) po ay may karapatan sa nasabing lupain bilang isang tagapagmana sa 1/7 na bahagi (kasama na ang kanyang ibang mga kapatid, kung mayroon) na minana ng kanilang ama sa inyong mga magulang.
Ayon naman po sa inyong ikatlong katanungan, ang pagiging tenant ay naisasalin sa mga tagapagmana. Ang Section 9 ng R.A. No. 3844 ay nagsasaad ng mga sumusunod:
"Section 9. Agricultural Leasehold Relation not Extinguished by Death or Incapacity of the Parties. — In case of death or permanent incapacity of the agricultural lessee to work his landholding, the leasehold shall continue between the agricultural lessor and the person who can cultivate the landholding personally chosen by the agricultural lessor within one month from such death or permanent incapacity, from among the following: (a) the surviving spouse; (b) the eldest direct descendant by consanguinity; (c) the next eldest descendant or descendants in the order of their age: Provided, That in case the death or permanent incapacity of the lessee occurs during the agricultural year, such choice shall be exercised at the end of the agricultural year: Provided, further, That in the event the agricultural lessor fails to exercise his choice within the periods herein provided, the priority shall be in accordance with the order herein established.
In case of death or permanent incapacity of the agricultural lessor, the leasehold shall bind his legal heirs."
Subalit sa puntong ito, ang pagiging tenant ng inyong kapatid (noong buhay pa ang inyong ina) ay hindi na maaaring maisalin pa sa kanyang anak (inyong pamangkin). Inu-ulit po namin na ang pagpanaw ng inyong magulang ang siyang nagbigay daan upang magwakas ang tenancy relationship ng inyong ina at ng inyong kapatid. Sapagkat hindi na tenant ang inyong kapatid, ay nawalan na rin siya ng karapatan na maisalin sa kanyang mga tagapagmana ang pagiging isang tenant.
Ayon naman po sa sinasabi ng inyong pamangkin na isa na siyang ganap na tenant ng inyong bukid na ginagawa ng kanyang ama (inyong kapatid) at hindi raw niya bibitiwan ito hanggat hindi niya nakukuha o ibinibigay ninyo ang kanyang parte/bahagi sa nasabing lupa, siya po ay mali sa puntong ito. Nang pumanaw ang inyong mga magulang, kayong mga bawat anak ay naging taga-pagmana ng 1/7 bahagi sa nasabing lupain. Dahil sa hindi pa nahahati ang nasabing lupain sa inyong lahat, kayo ay "co-owners" dito. Ayon sa Artikulo 484 ng Kodigo Sibil ng Pilipinas ay inilalahad po ang ganito: "There is co-ownership whenever the ownership of an undivided thing or right belongs to different persons." Maliwanag po na kayo bilang magkakapatid ay co-owners ng nasabing lupain hanggat hindi pa ninyo ito napaghahati-hati. Sa kaso po ng inyong yumaong kapatid, siya rin po ay naging tagapamana ng 1/7 bahagi sa lupain na kung saan ang kanyang karapatan ay maisasalin sa kanyang mga anak bilang kanyang mga tagapag-mana. Ang karapatan po ng inyong pamangkin sa nasabing lupain ay hindi na po bilang isang tenant, sa halip po ay bilang isang tagapagmana o isa sa mga tagapagmana sa 1/7 na bahagi na minana ng kanyang ama sa inyong magulang. Ang Artikulo 970 at 974 ng Kodigo Sibil ng Pilipinas ay nagsasaad ng mga sumusunod:
"Art. 970. Representation is a right created by fiction of law, by virtue of which the representative is raised to the place and the degree of the person represented, and acquires the rights which the latter would have if he were living or if he could have inherited.
"Art. 974. Whether there is succession by representation, the division of the estate shall be made by per stripes, in such manner that the representative or representatives shall not inherit more than what the person they represent would inherit, if he were living or could inherit."
Bilang anak ng inyong kapatid, ang inyong pamangkin (kasama na ang kanyang ibang mga kapatid, kung mayroon) ay may karapatan na humalili sa kanilang ama bilang tagapagmana ng 1/7 bahagi sa nasabing lupain. Ang karapatang ito ay iginawad sa kanila ng batas. Bilang kahalili ng kanyang yumaong ama siya (pamangkin) ngayon ay isa na ring co-owner sa nasabing lupain. Para po maiwasan natin ang anumang hindi magandang mangyayari sa hinaharap, ay makabubuti po sigurong magkaroon na kayo ng judicial or extra-judicial settlement of estate ng sa gayon po ay legal ninyong malalaman ang inyong eksaktong pag-aari sa nasabing lupain.
Salamat po sa inyong pagliham, at nawa ay nabigyang linaw namin ang inyong mga katanungan.
Lubos na gumagalang,
(SGD.) ARTEMIO A. ADASA, JR.
Undersecretary for Legal Affairs, and Policy and Planning